BILANG inspirasyon sa mga estudyante sa larangan ng pagpinta, nagpalabas ang mga guro ng Unibersidad ng kanilang mga pinta at iskultura sa Museo ng Santo Tomas noong ika-23 ng Hulyo hanggang ika-24 ng Agosto.
Ang palabas na pinamagatang “Likha” ay kinabibilangan ng mga gawa ng mga propesor sa pagpinta–sina Mailah Baldemor, Bong Ducat, Tess Laforteza, Glory Crumb-Rogers, Danilo Santiago, Ronald Ventura, at Jaime Delos Santos.
Sa pamamagitan ng kahoy at pintura, ipinakita ni Ventura ang kakaiba niyang istilo sa pagpinta. Walang pamagat ang kanyang mga gawa ngunit ang mga ito ay kapansin-pansin at nakamamangha. Ang karaniwang paksa ng kanyang mga gawa ay mga katawan ng tao at hayop. Nakikitang mabuti ang detalye ng bawat parte ng katawan sa kanyang gawa. Kaya naman sa unang tingin, aakalain mo na ito ay totoo. Sa paligid naman ng paksa ay may parang usok na pumapalibot at nagbibigay ng misteryosong kalidad sa pinta.
Ang pagiging impressionist at surrealist naman ni Rogers ay maaaninag sa kanyang mga gawa. Gumamit siya ng mga materyales tulad ng papel, salamin, at pintura. Ang “Movements” at “Window Impression III” ay mga pinta na gawa sa salamin. Madilim ang salamin kaya naman epektibo ang paggamit niya ng mga maliliwanag na kulay ng pintura tulad ng asul, dilaw, at puti. Ang “Landscape” at “Papaya Trees” naman ay kanyang ginamitan ng pulang felt paper kung kaya sa malayo’y para itong telang pininturahan.
Makikita naman sa mga gawa ni Baldemor ang kanyang kagalingan sa pagpinta gamit ang watercolor. Samantala, makikita rin sa “Petunia” ni Laforteza ang kanyang gilas sa detalyadong pagpinta.
Ang mga iskultura ni Ducat naman ay di malilimutan dahil sa makukulay at makatotohanan nitong anyo. Karaniwang paksa ng kanyang iskultura ay mga bulaklak at prutas.
Hindi naman nagpahuli si Delos Santos lalo na sa nakakaantig niyang gawa na pinamagatang “Unfinished.” Isang babaeng nakatingin sa malayo na nakabaro’t saya ang paksa nito. Nakaposisyon ang kanyang kamay na tila may inaabot o tinatawag at ang ekspresyon ng kanyang mga mata ay nakabibighani. Napakamakatotohanan ang pagkagawa nito kaya kahit na simpleng oil-on-canvas lamang ito, hindi ito basta-basta maka-lilimutan.