PINASINUNGALINGAN ng dekano ng Faculty of Sacred Theology ang naging pahayag ni Senador Miriam Defensor-Santiago sa kaniyang talumpati noong Agosto 1, kung saan nangaral ang senadora tungkol sa konsensiya kasabay ng kaniyang pagsusulong sa Reproductive Health (RH) bill.

Ayon kay P. Rodel Aligan, ang talumpati ni Santiago na pinamagatang “The Reproductive Health Act, Part 1: Primacy of Conscience in Catholic Theology” ay “nagtataglay lamang ng kaunting kaalaman” at mapahamak para sa nakarinig.

Ani Santiago, ang tao ay dapat makinig sa kanilang konsensiya kung alam nilang tama ito kahit taliwas ito sa turo ng kanilang relihiyon.

Si Santiago ang isa sa mga tagapagsulong RH bill sa Senado, o ang Senate Bill 2865, na naglalayong pondohan at palaganapin ang artipisyal na contraceptives at sex education.

Ani Aligan, mayroong tinatawag na “tamang konsensiya” at mayroon ding “siguradong konsensiya;” ang nauna ay pagsang-ayon sa katotohanan, habang ang huli ay dadaan muna sa paghatol na walang takot sa pagkakamali.

“A conscience may be right and certain or erroneous and certain. Generally, a certain conscience comes from right conscience. There are certain instances like invincible ignorance wherein conscience is certain but erroneous, because the person does not know that he is wrong,” ani Aligan.

Sinabi ni Santiago sa kaniyang talumpati sa Senado na humigit-kumulang 500 teologo ang naniniwala na kung may mabigat na rason na nag-uugat mula sa konsensiya, ito ang dapat sundin ng mga Katoliko kahit salungat ito sa turo ng Santo Papa at ng Simbahang Katolika.

“As we have seen, it is clear teaching that, while erroneous decisions might be made in following one’s conscience, one who has tried to inform one’s conscience as best one can then one must follow it,” ani Santiago sa kaniyang talumpati.

Samakatwid, ani Santiago, maaaring gumamit ng artipisyal na kontraseptibo ang mga Katoliko kahit na labag ito sa aral ng Simbahan.

Diniin ni Aligan na maaari lamang sundin ng isang tao ang sarili niyang pagpapasya kung matitiyak na siya ay may sapat na kaalaman sa mga turo ng Simbahan, nakagawa ng tahasang pagsusuri sa harap ng Diyos, at mananatiling tapat sa paghahanap ng kasagutan sa kaniyang mga katanungan.

READ
Buhay artista

“[A person] has the right to follow her own conviction provided that he or she remains sincerely disposed to continue his or her inquiry [about the teachings of God],” ani Aligan.

Ayon kay Aligan, walang sinuman ang magiging eksperto sa mga turo ng Simbahan sa pamamagitan lamang ng pag-aaral ng teolohiya ng “dalawa o higit pang taon.” Hindi rin mabibigyan ng hustisya ang mga aral sa teolohiya at moralidad kung ito ay gagamitin lamang para sa sariling adbokasiya, at walang mabuting pagsusuri.

Iginiit ni Aligan na masyado nang naabuso ang kasabihang “sundin mo ang iyong konsensya” kung kaya’t nararapat na pakinggan ang sinabi ni Pope John Paul II, na alamin muna kung tama ang idinidikta nito.

Sa kabilang banda, sinabi ni Santiago, na nag-aral ng teolohiya sa liberal na Maryhill School of Theology, na ang pagkakahati-hati ng opinyon ng mga Katolikong Pilipino ukol sa mga panukalang gaya ng RH bill ay nag-ugat mula sa Second Vatican Council, ang pagpupulong noong 1962-1965 na nagtakda ng pagbabago sa Simbahan.

Para kay Santiago, nahahati ang Simbahan sa dalawang uri ng teolohiya, na tinawag niyang “tradisyonal” at “progresibong” teolohiya. Ang tradisyonal na teolohiya daw ay layong pasunurin lamang ang lahat ng mga Katoliko, habang ang progresibo naman ay tinatanaw ang Simbahan bilang pagsasamahan ng mga espiritwal na grupo.

Ani Santiago, ang pagpapalabas ni Pope Paul VI ng encyclical na “Humanae Vitae” noong 1968, kung saan ipinagbawal ang paggamit ng anumang uri ng artipisyal na contraceptives, ay malayo sa diumano’y kagustuhan ng Vatican 2.

“Paradoxically, Pope Paul VI decided in favor of the ‘minority view.’ His unusual decision shook the Catholic world, and that is the reason why the Catholics in this country are so intensely divided over the RH bill,” ani Santiago.

READ
Thomasians bag art awards

Kinontra naman ito ng dating senador na si Francisco Tatad, na tutol sa RH bill. “Miriam classifies theology as either traditional or progressive. That labeling is political. In theology as elsewhere, the errors are many, the truth is but one. Theology is either good or bad; sound or unsound,” ani Tatad sa isang bukas na liham para sa senadora.

Ayon pa kay Tatad, nilinaw lamang ng Humanae Vitae ang matandang turo ng Simbahan sa sekswal na moralidad, na `di maaaring mabago.

“Humanae Vitae did not initiate a new teaching. It merely reiterated an old one with greater clarity and depth. In his 1930 encyclical Casti Connubii, Pope Pius XI already condemned contraception as a violation of natural law. Long before that, some Fathers and Doctors of the Church had taught that certain acts preventing procreation are gravely sinful. Among them, St. Jerome, St. Augustine, St. Albert the Great, St. Thomas, St. Charles Borromeo, St. Alphonsus Liguori,” aniya.

Ang konsensiya, dagdag pa niya, ay kailangang gabayan ng turo ng Simbahan upang ito’y maitama. “Miriam is right: conscience. But with some qualification. First of all, conscience must be properly formed in the truth; it must be a certain conscience, not an erroneous one. Conscience cannot have its own individual truth, otherwise there will be a riot of consciences, and no one will know what the real truth is.”

Sa kabilang dako, sinabi ni Santiago na ang Simbahang Katoliko na lamang ang pangunahing relihiyon sa bansa na tumututol sa naturang panukala. Taliwas naman ito sa mga nakita noong Hulyo 25 sa State of the Soul of the Nation Address at iba pang anti-RH bill movements na dinaluhan ng iba pang relihiyon at sekta, gaya ng evangelical churches, grupong Muslim, at iba pa.

Pinakiusapan ni Santiago ang mga opisyal ng Simbahang Katoliko na pag-usapan na lamang ang digmaan at kapayapaan, kahirapan, at korapsyon sa gobyerno, kaysa sa “hindi mahahalagang usapin” tulad ng RH bill.

READ
Kalidad at moralidad, idiniin ng Rektor

Sa kaniyang talumpati, inungkat pa ni Santiago ang ilan pang mga diumano’y kahihiyan ng Simbahan, gaya ng nangyari sa mga siyentipikong Galileo Galilei at Copernicus. Pinarusahan diumano sila Galileo at Copernicus sa paniniwalang ang mga planeta ang umiikot sa araw.

Ang katotohanan ayon sa mga historyador ay hindi na-torture si Galileo. At siya’y iniharap sa paglilitis ng Simbahan dahil sa maling paggamit ng bibliya at teolohiya sa kaniyang mga argumento, `di dahil sa heliocentrism. Samantala, si Copernicus ay nakatanggap pa ng suporta ng mga kleriko sa kanyang pag-aaral. Inialay niya ang kaniyang librong On the Revolutions of the Heavenly Bodies kay Pope Paul III.

Tapat sa turo ng Simbahan

Ani P. Joel Jason, dekano ng Studies ng San Carlos Seminary, magiging matatag ang Simbahan sa turo nito sa kabila ng pagsasabi ng senadora na nabawasan diumano ang awtoridad ang Simbahang Katoliko dahil sa pakikipaglaban nito sa RH bill.

Dagdag pa niya, ang Simbahan ay mananatiling tapat sa turo ng teolohiya, ng Bibliya, at ni Hesukristo sa halip na bigyang importansya ang “popularidad.”

“Kahit na maganda ‘yung intention mo, you cannot do something that is evil, in order to get something good. Kasi if you do something evil, it will be tantamount to committing sins,” ani Jason.

Sinabi rin ni Jason na mali ang paratang ni Santiago na sa pamamagitan ng encyclical na Humanae Vitae ay nilabag ng Santo Papa Paul VI ang napagkasunduang “collegial” na relasyon ng Santo Papa at mga obispo sa Vatican 2.

“Ang mga komisyon na itinayo ni Santo Papa Paul VI ay likas na consultative lamang at hindi sila ang magsasabi kung ano ang dapat na nilalaman ng encyclical. Gayon din, hindi ang opinyon ng nakararami ang basehan ng Santo Papa kundi ang turo ng Bibliya at ng natural law,” aniya.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.