MASUSUKAT ba sa pagpapalit ng isang titik ang pagkakakilanlan ng isang bansa?

Noong Abril, naglabas ng isang resolusyon ang Komisyon ng Wikang Filipino (KWF), ang ahensiyang pangwika sa ilalim ng tanggapan ng Pangulo ng bansa, ang pagbabalik ng “Filipinas” mula sa kasalukuyang opisyal na pangalan ng bansa na “Pilipinas.”

Ayon sa kapasiyahan, ang pagbabagong ito ay naglalayong palaganapin ang modernisadong katawagan na kumikilala rin sa ating kasaysayan. Dagdag pa rito, ang resolusyon daw ay alinsunod sa reporma sa Ortagrapiyang Pambansa na ipinagtibay lamang noong Marso.

Nakapaloob sa reporma ang opisyal na paglahok ng walong titik na dati ay itinuturing na hiram sa alpabeto ng bansa. Ang mga titik na ito ay ang C, F, J, Ñ, Q, V, X at Z. Ihinayag ng KWF na hindi hiram ang mga naturang titik sapagkat may kahawig silang tunog sa iba’t ibang katutubong wika sa bansa. Nilinaw rin ng ahensiya na ang maapektuhan lamang ng pagbabagong ito ay ang mga organisasyong itatalaga at mga dokumentong ilalathala pa lamang.

Kasaysayan ng Filipinas

Noong 1543, pinangalanan ni Ruy Lopez de Villalobos ang kapuluan na “Las Islas Felipinas” bilang pagbibigay-pugay kay Felipe II, noon ay Prinsipe ng Asturias na kalauna’y naging Hari ng Espanya. Noong 1565, kinilala ito ni Miguel de Legazpi bilang “Las Islas Filipinas” nang nagbalik ang mga Kastila, na siyang ginamit na pangalan ng bansa sa loob ng 300 taon sa ilalim ng Espanya.

Ngunit sa panahon ng himagsikan, kinilala ito ni Andres Bonifacio at ng iba pang mga rebolusyonaryo bilang “Katagalugan” na tumutukoy sa mga Pilipino noong mga panahong iyon. Noong 1898, binansagan ito ng mga Amerikanong mananakop bilang “Philippines.”

READ
High schools top nat’l achievement test

Taong 1937, sa pangunguna ni Lope K. Santos, makata at ama ng balarila ng wikang pambansa, ang bansa ay binigyan na ng opisyal na pangalan bilang “Pilipinas.”

Sa naganap na dupluhan tungkol sa opisyal na pangalan ng bayan sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa Diliman, Quezon City noong Hulyo 31, sinabi ni Maria Bernadette Abrera, tagapangulo ng UP Departamento ng Kasaysayan, na sa panahon ng pananakop ng mga Kastila at maging sa panahon ng himagsikan, walang naging opisyal na pag-uusap kung ano nga ba ang dapat itawag sa arkipelago.

Aniya, ang paggamit ng Pilipinas ay ang pagbawi at pagbibigay ng sariling pagkakakilanlan ng bansa.

“Inangkin na sa gayon ang dating kolonyal na Filipinas tungong Pilipinas—sa bigkas, sa sariling anyo, sa sariling kahulugan at pangkahulugan,” ani Abrera.

May iba ring tawag noon na sinubukang ipangalan sa bansa. Ilan sa kanila ay ang “Las Islas de San Lazaro” na bansag ni Ferndinand Magellan noong 1521; ang pagsusulong noong 1913 ng “Rizaline Islands” ni Heneral Artemio Ricarte, isang lider ng mga rebolusyonaryo, alinsunod sa pangalan ng pambansang bayaning si Jose Rizal; at ang “Maharlika” ni dating Pangulong Ferdinand Marcos noong 1978.

Filipinas o Pilipinas?

Ayon kay Purificacion Delima, komisyoner ng KWF, tulad ng pagsusulong ng “Filipino” bilang opisyal na tawag sa wikang pambansa, ang pagsusulong sa pangalang Filipinas ay nagtataglay ng limang katangian—makabansa, makatao, hindi elitista, siyentipiko at mapagbuklod.

“Ang Filipinas ay makabansa sapagkat tumutugon ito sa isang wikang pambansa ng buong sambayanan. Ito ay makatao dahil niyayakap nito ang mga pangkating-etniko sa Filipinas,” aniya.

READ
Several concerns raised over academic calendar adjustment

“Hindi ito elitista dahil pangmadlang instrumento ito ng komunikasyon, siyentipiko dahil dumaraan ito sa mga isinasagawang reporma ng KWF, at magpagbuklod dahil sinisimbolo nito ang lahat ng indibidwal at grupong kultural.”

Binigyang-diin din ni Delima na ginagawa lamang ng ahensiya ang mandatong paunlarin at palaganapin ang wikang pambansa sa ilalim ng Konstitusyon.

Sumang-ayon naman si Pamela Constantino, teknikal na komite sa Filipino ng Commission on Higher Education, na ang pagkilala ng “F” bilang bahagi ng ortograpiyang Filipino ay isang pagyakap sa maraming wika ng bansa.

“Pasulong ang tinatahak ng wikang pambansa dahil bukas ito sa mga pagbabagong kahaharapin pa ng wika,” aniya. “Sa larangan ng pagpaplano ng wika, tinatawag itong modernisasyon.”

Gayumpaman, nanindigan siya na hindi na kailangang palitan ang pangalang “Pilipinas” sapagkat kaakibat na nito ang mga hangarin at mga sentimyento ng mga Pilipino sa patuloy na pakikipaglaban sa kasarinlan ng bansa.

“Paurong ang direksiyong tatahakin ng pagbabalik ng ‘F’ sa baybayin ng pangalan ng bansa,” ani Constantino. “Ibabalik natin sa opresibong nakaraan ang bayan. Hindi modernista ang pagbabalik-tawag sa bansa.” Elora Joselle F. Cangco

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.