Kagabi’y sumuko ako sa pag-irog.
Nagtatakbuhan ang mga binatilyo
Na hinahabol ng tabak at balisong,
Magkahawak-kamay tayo.
Sinisinta ang kumikislap na liwanag
Ng mga bituing nakasilip sa langit,
Nilalasap ang ating katahimikan
Matapos malagpasan ang hinihintay
Na pag-uusig sa pintig ng damdamin,
Sa tapang ng dibdib at pananalig.
Nabalisa ang aking buong pagkatao,
Napahawak nang husto sa kamay mo.
Sa kanto, nakatakda nang lumipad
Ang mga ipinukol na kahoy at bato,
Ang ‘di masawatang pagbigkas
Ng malulutong na mura at sumpa
Ng sindak, ng ganti, ng kamatayan.
Nahaharap tayo sa gulo at galaw
Ng isang kakatwang munting digmaan
Ay ganap na ganap ang aking pagsuko—
Hindi pagkatalo ang nais ipabatid
Kung hindi lubos na pagpapaubaya.
Bigla-bigla’y humupa lahat ng galit,
Nagbalik ang kalye sa angking tahimik.
*Dating katuwang na patnugot ng Varsitarian si Sanchez. Tapos siya ng AB Journalism sa Faculty of Arts and Letters at MFA in Creative Writing sa De La Salle University. Dalawang ulit na siyang itinanghal na Makata ng Taon (2006 at 2009) ng Komisyon sa Wikang Filipino.