IKINAGULAT ng mga miyembro ng UST Faculty Union (USTFU) ang ‘di inaasahang pagbibitiw sa puwesto ng kanilang pangulo sa general assembly sa Medicine Auditorium noong Agosto 17.

“[Nagbitiw ako] para mabigyan ng pagkakataon ‘yung mga mas nakababata na sila naman [ang mamuno],” ani Gamilla sa isang ambush interview ng Varsitarian matapos siyang magbitiw sa puwesto.

Si Gamilla, na naging pangulo ng unyon sa nakalipas na 15 taon, ay nagbitiw sa gitna ng kontrobersiya sa halagang P9.5 milyon na diumano’y “illegal disbursement” mula sa kaban ng unyon para sa isang housing project.

Ayon kay Noel Asiones, vice president for legal affairs ng union, nagbitiw si Gamilla upang di na masampahan ng kaso. Aniya, sinunod ni Gamilla ang rekomendasyon ng Committee of Peers (COP), ang grupong binuo upang mag-imbestiga ukol sa nawalang pera.

Kabilang sa rekomendasyon ng naturang komite ang pagbibitiw ni Gamilla at ang pagbabayad niya ng natitira pang balanse sa P9.5 milyon, kasama ang dating treasurer na si Gil Garcia at dating auditor na si Raymundo Melegrito.

Nagbayad na ng P1.5 milyon na interes at P1.5 milyon sa principal na P9.5 milyon si Mario Villamor, pangulo ng Saturn Resources, Inc. na property developer ng nasabing pabahay, ani George Lim, executive vice president ng union. Si Lim ang tumatayong pangulo ng union.

“Since he has resigned and promised to return the remaining balance of the P9.5 million, [filing a criminal case against him] will no longer be necessary,” aniya.

Ayon kay Lim, gaya ng ibang opisyal at miyembro ng unyon, hindi niya rin inaasahan ang pagbibitiw ni Gamilla.

READ
Parliamentary shift must conform to culture

“Nagulat ako at nalulungkot din [dahil sa nangyari],” ani Lim.

Bago nagbitiw, sinariwa ni Gamilla sa kanyang President’s Report ang mga nagawa ng kanyang administrasyon sa nakalipas na 15 taon.

Ipinagmalaki niya ang pagkakaroon ng P22 milyon sa kaban ng unyon mula sa “zero funds” ng nakaraang board at ang pagkakaroon ng sariling opisina ng USTFU sa gusali ng Health Service.

Dagdag pa ni Gamilla, ang sahod ng mga guro ngayon ay umaabot na ng P1,403.76 kada yunit mula sa P431.65 kada yunit noong 1996.

“Dati, ang isang retired professor ay tumatanggap lang po ng P300,000, ngayon ang mga propesor ay makakatanggap na ng P1.5 milyon pataas,” ani Gamilla.

Dagdag pa niya, mayroong “P500,000 na sagot ng Unibersidad ‘pag namatay sa aksidente [ang isang propesor] at bereavement pay na P100,000.”

Nabanggit din niya ang pagkakaroon ng Dangal Awards para sa mga propesor na nagserbisyo ng 10 taon pataas, pagkakaroon ng mga bonus tulad ng Christmas, anniversary at union day bonus, at leave privileges.

Sa huling bahagi ng kaniyang report, tinalakay niya ang kontrobersiyal na pagkawala ng P9.5 milyon.

“Naka-report [ang nawawalang P9.5 milyon] sa financial statement ng [USTFU] mula 2006, at may mga interes na ibinigay sa unyon. [Ito ay] may prinicipal na P1.5 milyon at interes na P1,500,437.50,” ani Gamilla.

Binanggit din niya ang pagsampa niya ng kaso ng paglabag sa Batas Pambansa Blg. 22 o ang Bouncing Checks Law laban kay Mario Villamor sa Quezon City Prosecutor’s Office. Nagkaroon ng pagdinig ang kaso noong Agosto 22 at iaakyat na ito sa Metropolitan Trial Court ng Quezon City.

READ
From spare change to medical missions

“Tinatanggap po niya (Villamor) na sa kaniya napupunta ang pera at hindi po sa aking bulsa,” ani Gamilla. “Makakaasa kayo na tututukan kong mabuti itong kasong ito.”

Aniya, paguusapan pa ng board ng unyon ang alok ni Villamor na lupa sa isang subdibisyon sa Santo Tomas, Batangas bilang kabayaran.

‘Kuwestiyonable’

Samantala kinuwestiyon ni Gamilla ang naging report ng COP, at sinabing “maraming questionable facts” dito. Ayon sa report, si Gamilla, kasama ang ilan sa mga dating miyembro ng board, ay responsable sa pagkawala ng P9.5 milyon sa kaban ng unyon.

Kinuwestiyon din niya ang P40,000 na honorarium ng bawat miyembro ng COP.

“Hindi ba’t kapwa natin sila guro, inaasahan ng marami na dapat wala pong bayad,” ani Gamilla.

Ngunit ayon kay Rafael Bautista, pinuno ng COP, hindi sila humingi ng kabayaran para sa kanilang trabaho sa naturang fact-finding body. Board ng unyon umano ang nagpasya ukol dito.

Pinatotohanan naman ni Asiones na desisyon ng board na bigyan ng honorarium ang mga miyembro ng COP.

“They gave more than what we gave them,” ani Asiones. “They gave a lot and this is what they get — false accusations.”

Ani Bautista, nakapagtataka na kinuwestiyon ni Gamilla ang honorarium ng mga miyembro ng COP, gayong siya mismo ang naglagda sa mga tseke para sa mga miyembro ng COP.

Sinabi rin ni Gamilla sa kanyang report na hindi sumunod sa due process ang COP, ngunit hindi na niya ipinaliwanag ito. D. J.B. EVITE

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.