(Photo from Positively Filipino)

October 12, 2015, 10:42p.m. – BILANG paggunita sa sentenariyo ng isa sa mga tagapagtaguyod ng panitikang Filipino na si Nestor Vicente Madali “NVM” Gonzalez, inilunsad ng UP Press noong ika-29 ng Setyembre ang “Wanderer in the Night of the World: The Poems of NVM Gonzalez” na pinatnugutan ni UP Professor Emeritus Gemino H. Abad.

Taong 1950 nang umuwi ni Gonzalez mula Estados Unidos at nagturo sa Unibersidad ng Santo Tomas. Kilala siya bilang isang mahusay na guro, manunulat ng katha, makata at peryodista.

Bago makilala bilang isang natatanging kuwentista, isang makata si Gonzalez. Ilan sa mga awit na nagpakilala sa kaniya sa mundo ay ang “Behold na Bountiful Land” at “What Moves the Corn to Summer Fruition” na kapuwa pumapaksa sa kalikasan at sinasalamin ang pamumuhay sa Pilipinas.

Sa paggunita niya sa kaniyang mapait na kapalaran noong 1934 sa Mindoro nang hindi siya makapag-aral bunsod ng suliraning pinansiyal, sinabi niyang walang makapagturo sa kaniya kung paano sumulat ng tula. Tanging ang kaniyang kopya ng peryodikong “Poetry: A Magazine of Verse” ang kaniyang naging kaagapay.

“I was nineteen and had actually sold my first poems,” salaysay ni Gonzalez nang tuluyang maitampok sa mga pahayagan ang kaniyang mga likha.

Ang marikit na paghahabi ng mga kataga ang naging marka ng kaniyang pagsusulat. Sa kaniya ring palagay, ang tema ng katha o ng isang tula ang pinakamahalaga sa malikhaing pagsulat. Dito umiikot ang bawat saknong o ang bawat talata ng prosa na siyang nagbibigay-ganda sa isang katha.

Isa sa kaniyang mga estudyante sa UP Diliman noong 1990 ang naglarawan kay Gonzalez bilang isang masayahing guro na palaging may masidhing pagnanais na maibahagi ang kaniyang kakayahan at madalas na sinisumulan ang kaniyang sasabihin sa mga katagang “Do you know what I thought of last night?” o “You know what I discovered?” 

Isa pa sa kaniyang mga premiyadong gawa ang nobelang “The Winds of April” na isang honorable mention sa First Commonwealth Literary Contest noong 1941. Isinulat ito ni Gonzalez sa paraang salaysay na patalambuhay habang konkretong ipinipinta sa isipan ng mga mambabasa ang bawat tagpuan sa nobela.

Ilang araw bago ang parangal ng UP Press kay Gonzalez, inilimbag at isinapubliko rin ang “Pitong Gulod Pa Ang Layo at Iba Pang Kuwento” na isang pagsasalin ni Edgar Maranan ng “Seven Hills Away and Other Stories” ni NVM. Bernadette A. Pamintuan

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.