BILANG pagbibigay halaga sa kultura at wikang Pilipino, inilunsad kaalinsabay ng huling araw ng taunang pagpupulong ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (Umpil), ang libro ng mga piling talumpati ni Pangulong Aquino noong Agosto 25 sa Silangan Hall ng Cultural Center of the Philippines (CCP).

Ang libro, na may titulong “Kayo ang Boss Ko sa Daang Matuwid,” ay proyekto ni Romulo Baquiran, Jr. at Michael Coroza na mga miyembro ng Filipinas Institute of Translation (FIT) at ng Umpil. Naisipan nina Baquiran at Coroza na gawin ang proyekto upang lalong maabot ng masa ang mga mensahe sa mga talumpati ng Pangulo. Anila, isa sa pinakamahirap na trabaho nila sa proyekto ang paghagilap ng mga talumpati sa website ng gobyerno. “'Pag pumunta ka doon, ang hirap i-navigate… so basically, ang aming ino-offer ay convenience,” ani Baquiran. “Palagay namin, ang inihahain namin sa publiko ay ang ating pangulo bilang teksto…huhusgahan siya kung siya talaga ay maka-Pilipino sa kaniyang salita at sa kaniyang gawa,” ani naman ni Coroza.

Panulat tungo sa daang matuwid

Sa isang banda, hindi na nakarating ang Pangulo na dapat sana’y panauhing pandangal ng nasabing pagpupulong, kaya’t sa tulong ng Pambansang Alagad ng Sining Para sa Panitikan na si Virgilio Almario, naibahagi ang naiwan niyang talumpati na may pamagat na “Ang Halaga ng Panulat sa Daang Matuwid.”

“May kaniya-kaniya tayong tungkulin… bilang mga manunulat nakaguhit sa inyong palad ang pagsasa-titik at pagbibigay kahulugan at kabuluhan sa kasaysayan at karanasan natin bilang mamamayang Pilipino,” aniya. Ayon sa talumpati, nasa kamay ng mga manunulat ang pag-intindi ng bawat Pilipino sa mga pangyayari sa kaniyang paligid at sa bansa. Hindi rin kinalimutang ipaalala ng Pangulo na ang lahat ng karanasang ibinahagi ng kasaysayan sa mga mamamayan—masama man o mabuti—ay pundasyon na nagpapatatag sa pagkakakilanlan ng bawat isa bilang bansa.

READ
Exhibit reunites young alumni artists

Sa kabilang banda, idinaos din sa pagpupulong ang ika-25 Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas matapos pormal na buksan ng tagapangulo ng Umpil na si Abdon Balde Jr. ang seremonya at magbigay pugay kina Mario O’ Hara at Bienvenido Ramos na parehong mga namayapang alagad ng Sining.

Ang unang kinilala ay si Teresita Ramos, na nagsikap maipamahagi ang kultura’t wikang Pilipino sa kaniyang pinagtatrabahuhang eskwelahan sa Estados Unidos at nagkamit ng Gawad Paz Marquez Benitez. Isinunod naman ang Pahayagang Malate ng De la Salle University (DLSU) bilang pagkilala sa ika-100 taon ng Unibersidad.

Bilang pangwakas, iginawad ang Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas sa pitong manunulat para sa taon kabilang sina Juan Rafael Belgica, Jr. (Tula at Katha sa Wikang Bikolano); Rofel Brion (Tula sa Filipino); Rosario Cruz-Lucero (Katha sa Ingles); Chris Millado (Dula sa Filipino); Oscar Peñaranda (Tula at Katha sa Ingles); Fernando Sanchez (Katha sa Ilokano); at Benito Tan (Tula sa Tsino).

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.