ANO BA’NG mayroon sa mga Pilipinong doktor at nars kung bakit patuloy ang pagtangkilik ng ibang bansa sa kanila?
Maraming nagsasabi na dala ng katangian ng mga Pilipino sa pagsasagawa ng mediko ang penomenang ito kung saan “hindi lamang agham kundi sining ang paggagamot.”
Naniniwala si Dr. Irene Yu-Maglonzo, isang propesor sa departamento ng Preventive Family and Community Medicine sa Faculty of Medicine and Surgery na hindi lang health care provider ang manggagamot, kundi isa ring guro, mananaliksik, “social mobilizer,” at tagapangasiwa.
Tinatalakay ni Maglonzo ang halaga ng paggiging makatao ng isang manggagamot sa kasalukuyang panahon sa kanyang aklat na “The Filipino Physician Today: A Practical Guide to Holistic Medicine,” na inilathala ng UST Publishing House noong nakaraang taon.
“With the advent of modern technology, we do not want our patients to be like mere passive objects of our practice, the use of biopsychosocial and holistic medicine is essential,” ayon sa doktor.
Ayon sa Canadian Holistic Medical Association, isang “sistema ng pag-ingat sa kalusugan na nangangailangan ng pagpapaginhawa ng pisikal, mental, emosyonal, sosyal, at espiritwal na aspeto ng kalusugan” ang holistic medicine.
Para sa kanya, isang sentro sa pagtalakay ng holistic medicine ang biopsychosocial approach. Sinasakop nito ang katawan (bio), isip (psycho), at paligid (social).
“Kung manggagamot tayo ng pasyente, kailangang isipin ang iba pang aspeto maliban sa pisikal,” tugon niya sa Varsitarian. “Ang lahat ng sakit, pati na ang kapaligiran, ay may epekto sa pasyente.”
Tinuturo ng aklat ang wastong paggamit ng medical records upang mas makilala ang pasyente. Binanggit din sa libro ang sinabi ni Hippocrates, ama ng medisina, na “mas mahalagang malaman ang uri ng tao na may sakit hindi tulad ng pagtukoy kung ano ang sakit nito.”
Dapat ding makatotohanan at wasto ang sasabihin ng manggagamot ukol sa tunay na kalagayan ng pasyente. Kinakailangan ding lagi siyang handa na magbigay ng counseling dito.
Bukod pa rito, kailangan ang social mobilization o paghikayat sa mga tao sa iba’t ibang sektor katulad ng pamilya, gobyerno, at non-government organization na tutulong sa pasyente. Kinakailangang i-angat ang sigla ng pasyente kasabay ang pagtataguyod ng “sense of belongingness” nito.
Nagtapos ng Family Medicine sa Unibersidad si Dr. Maglonzo noong 1987. Nagtamo siya ng master’s degree sa Health Professions Education, at kasalukuyang pangulo ng Philippine Society of Teachers in Family Medicine, at chair ng Philippine Academy of Family Physicians Specialty Board of Examiners.
Sa kasalukuyan, ginagamit ang kanyang aklat bilang textbook ng mga estudyante sa UST. Ginagamit din itong praktikal na review para sa mga manggagamot at mag-aaral sa medisina.