ISA NANG malaking karangalan para sa karamihan ang makapagtapos ng kahit isang kurso sa kolehiyo. Subalit isang Tomasino ang namumukod-tangi dahil sa kaniyang pagtatapos ng 10 kurso mula sa Unibersidad.
Kabilang sa mga kursong natapos ni Dr. Tomas Barnes sa Unibersidad ang Associate in Arts, Bachelor of Science in Commerce, Bachelor of Laws, Bachelor of Literature in Journalism, Bachelor of Arts in Political Science, Master of Science in Business Administration, Master of Laws, Master of Arts in Political Economy, Doctor of Civil Law at Doctor of Philosophy in Education.
Bukod pa sa mga kinuha niyang kurso sa Unibersidad, ginawaran din si Barnes ng Bachelor of Science in Diplomacy and Foreign Service mula sa Quezon College Institute of Law and Diplomacy at Doctor of Humane Letters (honoris causa) mula sa Universite Libre Asie sa Pakistan.
Bago nakapag-aral si Barnes sa kolehiyo, nagsimula muna siyang magtrabaho bilang mensahero sa opisina ng dating senador na si Manuel Quezon. Matapos ang ilang taon, hinirang si Barnes bilang assistant to the registrar ng Unibersidad matapos siyang itagubilin ni Quezon sa dating Rektor na si P. Serapio Tamayo, O.P. Nagturo rin si Barnes sa Faculty of Philosophy and Letters at College of Commerce mula 1935 hanggang 1946.
Noong dekada ‘50, itinatag ni Barnes ang Quezon College sa Maynila upang matulungang makapag-aral ang mga estudyanteng mahihirap sa pamamagitan ng pagsingil ng mababang matrikula. Kabilang sa mga nagturo rito ang kapwa niyang mga abugado na sina Claro M. Recto, Jose P. Laurel at Lorenzo Tanada.
Bukod sa pagtuturo, naglingkod din si Barnes bilang isang opisyal sa mga samahan pangnegosyo, pambatas at sa gawaing pang-alumni. Naging tagapangulo siya ng Barnes Commercial Corporation at Malayan Industrial Corporation habang nagsilbi rin siyang ingat-yaman at coordinator ng Philippine Lawyers’ Association. Maliban pa rito, nagsilbi siyang direktor ng UST Faculty of Civil Law Alumni Association, UST College of Commerce Alumni Association at UST Graduate School Alumni Association.
Bilang pagkilala sa kaniyang mga kontribusyon sa larangan ng edukasyon at gawaing pansibiko, ginawaran si Barnes ng Outstanding Thomasian Alumni Award mula sa UST Alumni Association noong 1973.
Namatay si Barnes noong Nobyembre 17, 1989 matapos ang matagal na pakikipaglaban sa mga komplikasyon sa puso at prostrate cancer.
Sa pamamagitan ng kaniyang pagtatapos ng 10 kurso, napatunayan ni Barnes na maraming makakamit na tagumpay ang isang tao kapag isinadibdib ang kahalagahan ng pag-aaral.
Tomasalitaan:
Sabyo (pangngalan)- taong maraming alam
Halimbawa: Itinuturing na sabyo ang aming propesor dahil sa kaniyang malalim na pagsusuri ng mga problemang intelektwal.
Sanggunian:
Thomasian Who’s Who, Tomo I, 1982
Tomas A. Barnes, Jr.
www.hanamaga.com/pph/nightviews
Ruben Jeffrey A. Asuncion