MATAPOS ang dalawang beses na pagpapaliban sa taunang Thomasian Welcome Walk, umusad ito sa wakas sa Plaza Mayor noong Agosto 5.

Ang taunang tradisyon ng pagmamartsa ng mga freshmen sa ilalim ng Arch of the Centuries ay pormal na naituloy matapos itong ilipat mula sa orihinal na petsa na Hunyo 23 at Hulyo 29 dahil sa pananalanta ng mga bagyo.

Ani Evelyn Songco, Assistant to the Rector for Student Affairs, naisagawa nang maayos ang Thomasian Welcome Walk kahit ito ay “minadali.”

“Kung hindi natin itinuloy ang tradisyong ito noong araw na iyon, kailan pa?” aniya.

Pinayuhan naman ni P. Rolando De la Rosa, O.P., Rektor ng Unibersidad, ang higit 13,000 freshmen sa kaniyang homiliya sa Misa na kasabay ng pagsasaya, kailangang magsakripisyo upang makamit ang tagumpay sa buhay.

Ayon sa kanya, ang tradisyon ng pagpasok sa Arch of the Centuries ang siyang simula ng makabuluhang paglalakbay tungo sa magandang kinabukasan.

“Ang pag-aaral ay hindi parang modernong sayaw na walang katuturan, ito ay isang mahalagang sangkap sa buhay upang bigyan ninyo ng kahalagahan ang inyong mga pangarap,” ani De la Rosa. “Pinatuloy namin kayo sa UST upang ipagpatuloy ang inyong adventure sa kolehiyo—ang graduation.”

Samantala, idinaos sa Plaza Mayor sa unang pagkakataon ang Misa at after party dahil sa putik na naidulot ng ilang araw na pag-ulan sa field, ani Songco.

Dagdag pa niya, nilimita lamang sa 5,000 ang mga upuan sa Plaza Mayor, dahil hindi kaya ng lugar ang 13,000.

Kahit inulan ang welcome party, dinaluhan pa rin ito ng mga banda gaya ng Spongecola, Grace Note, Kiss Jane, Tanya Markova, at Sino Sikat.

READ
UST Singers earn raves in European tour

Sa 13,000 mag-aaral sa unang antas ang naitalang dumalo sa taunang tradisyon, 1,863 ang nagmula sa Faculty of Engineering, kung saan muling naitala ang pinakamaraming bilang ng freshmen.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.