TATAG ng pananampalataya. Lakas ng kabataan.

Ito ang mga pangunahing diwang binuo ng halos 800,000 kabataan mula sa 173 bansa na nakiisa sa pagdiriwang ng ika-17 World Youth Day (WYD) na ginaganap sa Toronto, Canada, mula noong Hulyo 18-28 na may temang, “Ikaw ang asin ng daigdig…Ikaw ang ilaw ng mundo.”

Ang WYD ay isang kasiyahang pandaigdig tuwing ikadalawang taon kung saan ang lahat ng mga delegadong kabataan ay naghahawak-hawak ng kamay at sumasayaw sa saliw ng iisang himig — ang kanilang pananampalataya.

Kasaysayan

Tuwirang ipinahayag ng Santo Papa na mahalaga ang kabataan sa Simbahan. Sa kanyang pagkakaluklok noong 1978 sinabi niyang ang mga kabataan ang kinabukasan ng mundo at pag-asa ng Inang Simbahan. Pagkatapos ibigay ng Santo Papa ang WYD Cross noong Youth Jubillee 1984 at nang ganapin ang World Youth Jubilee ng sumunod na taon sa Roma, naisipan ng Santo Papa na ipagpatuloy ang masayang pakikipag-ugnayan sa kabataan sa pamamagitan ng WYD. Para sa kanya, naipakikita ng kabataan ang kanilang gilas at talento sa pagpapahayag ng Banal na Ebanghelyo.

Ginanap ang kauna-unahang WYD noong Linggo ng Palaspas ng 1986 sa Roma at sa lahat ng parokya sa buong mundo. Sa Buenos Aires, Argentina naman naganap ang unang pandaigdigang WYD noong 1987, na dinaluhan ng isang milyong deboto.

Sa pagitan ng mga taon, ipinagdiwang ang WYD sa bawat parokya sa mundo tuwing Linggo ng Palaspas. Sinadyang tatlong taon ang pagitan ng WYD upang maisabay ito sa Jubilee 2000 sa Roma. Samantalang ang WYD naman na ginanap sa Pilipinas noong 1995 ang sinasabing may pinakamaraming dumalo — 4,500,000 deboto.

Karanasan

Hindi biro ang maging deboto ng WYD. Ang maisabuhay ang kanyang pananampalataya at hindi bakasyon ang nais ng isang delegado. Sa halos isang linggo, malaya ang mga delegado na makihalubilo sa mga kabataan ng Canada at ikutin ang iba’t ibang bahagi ng bansa. Dumadalo sila sa mga gawaing pang-kabataan tulad ng mga konsyerto, mountaineering, seminar, at workshops.

Bago tuluyang nakilahok sa pagdiriwang, pinaghiwa-hiwalay ang mga delegado at dinadala sa kani-kanilang host families, simbahan, unibersidad at komunidad na mag-aalaga sa kanila sa panahon ng WYD. Sinabi ni Don Palo, miyembro ng isang youth council sa Leyte, mula noong pagdating nila sa Canada noong July 13 ay naging maayos ang pagtanggap sa kanila ng mga taga-Canada. Pinakilala sa kanila ng kanilang host families sa Surrey, British Columbia ang buhay sa Canada. “Tinuruan nila kaming mag-ice-skating kahit takot na takot kami kasi wala namang ice sa atin. Ang mga pinapakain sa ami’y mga lettuce, roasted beef, red wine at pizza pie—mga pagkain na hindi ko naman kilala at hindi ako sanay,” kuwento ni Palo. Samantala, nanibago ang 1,700-kataong delegasyon ng Pilipinas sa pagkain na hinahanapan nila ng kanin. Ngunit sinabi ni Palo na hindi sila gaanong nahirapan sapagkat hindi nawala sa Pilipino ang pagdadamayan. Nagpadala ng pagkain ang maraming nagmamalasakit na Filipino-Canadian. Maliban sa pagkain, nanibago rin ang Pilipinong delegado sa marami pang bagay.

“Challenge natin dito ang makita ang iba na nagmimisang naka-shorts o naka-micro skirts. Temptation sa atin iyon dahil hindi tayo sanay, lalo na sa Bisaya,” dagdag ni Palo.

READ
The Ilocano dynasty

Kabilang sa pinagkakaabalahan ng mga deboto ang pagsisilbi sa komunidad. “Nagpa-pack kami ng candy bags para sa mga prostitutes na gumagamit ng cocaine o heroine. Pampababa raw pala ang matatamis ng high mo,” sabi ni Palo.

Sa mga gustong mangumpisal, maghapong nakahimpil ang mga nakatokang pari sa mga nakakalat na lugar kumpisalan sa Exhibition Place.

Wari ay nagkaroon ng ibayong lakas ang Santo Papa nang mag-isa itong bumaba mula sa eroplano at lakarin ang 25 hakbang pababa upang tuluyang makalapit sa kabataang naghihintay sa kanyang pagdating noong Hulyo 23.

Mula Hulyo 24 hanggang 26 naman, nagkaroon ng mga katekesis sa umaga kung saan nagkaisa ang mga kabataan sa pagdarasal, talakayan, at pagsusuri ng sarili base sa mga turo ng mga obispo na nagmula na rin sa iba’t-ibang bansa. Natatapos ang bawat katekesis sa isang banal na Misa.

Nakalalakas ng loob ang makakita ng isang malaking lugar na punung-puno ng mga delegado na magkakaiba man ang lahi ay naghahawak-kamay para awitin ang “Ama Namin.”

“I think WYD is really cool because people from around the world celebrate their love for Jesus Christ. It’s good to know that there are people around you who have the same faith as you do,” sabi ni Vel Vinia, 19, ng Singapore.

Sa gabi, nagkakaroon ng mga Youth Festival na binubuo ng mga gawaing ispiritwal, kultural, at puro pangkasiyahan lamang.

Sa mga gawaing ito, nakatuwaan ng marami ang palitan at bigayan ng mga gamit, tulad ng mga buttons, watawat, pamaypay, keychain, parol o kahit na anong alaala na waring sumasagisag sa pagpapalitan at pamamahagi ng kultura ng bawat isa.

Noong Hulyo 25, Huwebes, nagkita ang Santo Papa at ang mga kabataan sa Papal Welcoming Ceremony. Pinilit ng mga delegado na lumapit sa entablado at sa daraanan ng Papa upang masilayan ang kanilang idolo kahit sa isang sandali.

Kinabukasan idinaos ang Way of the Cross sa University Avenue. Sabado, Hulyo 27, dumalo sa misa ang mga delegado sa kani-kanilang itinalagang parokya sa Toronto at pagkatapos ay naglakad papuntang Downsview Lands upang makisali sa vigil kasama ang Santo Papa. Nagkantahan, nagsayawan at nagbigay ng mga personal na testimonya ang mga kabataan ukol sa kasiyahan na kanilang nadama nang makasama ang Santo Papa. Samantala, matapos ang vigil kung saan nagbigay ang Santo Papa ng kanyang mensahe, malambing siyang nagpaalam sa mga delegado sabay sabing “sleep well!”

Ngunit hindi rin nakatulog ang ibang mga dumalo dahil sa sayawan sa mga iba’t ibang klaseng tunog ng tambol, gitara, pluta, at iba pang instrumentong pang-musika. Nakatutuwang isipin na kahit hindi man nagkakaintindihan sa pananalita, nagkakaisa sa wikang gamit, nabubuklod pa rin ang mga kabataan sa pamamagitan ng musika.

Nagising ang mga delegado nang madaling araw noong Linggo, hindi lang para sa Papal Mass na bukas sa publiko, ngunit dahil din sa mga nabasang sleeping bags ng ulan. At dahil sa lamig ng hangin at sa lagay ng panahon, marami sa mga delegado ang nagpasyang umuwi na.

Subalit nang ikasiyam ng umaga, nagsimulang tumigil ang ulan at sumikat ang araw—nagkataong tumapat ang entablado sa direksyon ng liwanag ng araw.

READ
Forum tackles economic journalism

Asin at Ilaw

Sa kanyang sermon, nanawagan ang Santo Papa sa mga kabataan na suportahan ang kaparian at mga seminarista. Kaugnay ito sa mga nababalitang pangmomolestiya ng mga kabataan at pag-aasawa ng ilang miyembro ng Kaparian. Ito ang unang pagkakataong nagsalita ang Santo Papa tungkol sa nasabing isyu.

“The harm done by some priests and religious to the young and vulnerable fills us all with a deep sense of sadness and shame. But, I think of the vast majority of dedicated and generous priests and religious whose only wish is to serve and do good,” ani niya.

Sa gitna ng kanyang sermon kung saan sinabi niya ang mga linyang “You are young, and the Pope is old and a bit tired,” pinadama ng mga kabataan ang kanilang pagmamahal nang buong sigla sumigaw ng, “No, the Pope is young, JPII is young!”

Inaalay ng Santo Papa ang kanyang sariling buhay upang maging inspirasyon ng mga kabataan at mamuhay ang mga ito ng may pag-asa at pananampalataya.

“Although I have lived through much darkness, under harsh totalitarian regimes, I have seen enough evidence to be unshakeably convinced that no difficulty, no fear is so great that it can completely suffocate the hope that springs eternal in the hearts of the young,” wika ng Santo Papa.

Higit na lumakas ang sigaw at pagpupugay ng mga delegado nang binitiwan niya ang mga salitang, “Do not let that hope die! Stake your lives on it! We are not the sum of our weaknesses and failures; we are the sum of the Father’s love for us and our real capacity to become the image of His Son.”

Nanawagan si Pope John Paul II sa mga kabataang dumalo na magsilbing asin at ilaw sa kani-kanilang mga tahanan at komunidad.

Kaugnay sa tema, ipaunawa ng Santo Papa ang taglay na kapangyarihan ng kabataan. Isa sa pangunahing gamit ng asin ang magbigay lasa sa pagkain. Ayon sa kanya, bilang “asin” ng mundo may kakayahan ang mga kabataang baguhin ang “lasa” ng isang putaheng panlipunan.

“Dear young people, it is up to you to be the watchmen of the morning who announce the coming of the sun who is the Risen Christ! In your dioceses and parishes, in your movements, associations and communities, Christ is calling you,” sabi ng Santo Papa.

“The only way to be the salt of the earth and the light of the world is that you have to let people see how you live. You don’t have to say anything. You just love people truly, without meaning to get praise from others,’” ayon kay Teresa Hsueh ng Taiwan.

Samantala, ayon kay Kristine Gonzaga, isang Filipinong taga-Canada mula 1987, mahirap din ang lumaban sa karamihan lalo na kapag ang masamang gawain ang mga nauuso. Ngunit tulad ng maraming Filipino na nakatira sa labas ng bansa, nakakita na si Gonzaga ng panghabambuhay na solusyon.

“Ever since I was little I have Youth for Christ. So I have friends who have the same beliefs as I do, “ sabi ni Gonzaga.

READ
Green Cross gives scholarship grants

Binanggit ni Petra Gross, 16, mula sa Bavaria, Germany, ang kawalan ng pananampalataya sa Diyos ng iba sa kanilang bansa.

“It was terrible. There are only 14 people (who enter the Church) and they all had gray hair. My father and I were the youngest inside and the church could fill about 300 people,” sabi ni Gross.

Mahirap daw maging Katoliko sa isang bansa tulad ng Germany na puno ng mga atheist.

Ayon kay Hsueh, marami rin ang walang paniniwala sa Diyos sa Taiwan at pareho ring kasinungalingan ang sinasabi sa kanya.

“It’s very lonely to be Catholic in Taiwan. They tell me, ‘ Teresa, you have to trust and depend on yourself instead of that God who is invisible,’ which is not true because humans are so weak,” sabi ni Hsueh.

Tugon

Nababalita ang paghina ng Santo Papa, ngunit hindi ito hadlang upang mawalan ng loob ang mga kabataang mananampalataya na magtipun-tipon at maging isang Simbahan. Naging sapat ito upang mapasigla ang Santo Papa at makiisa sa pandaigdigang kasiyahan.

“I don’t think there is any person of his age in the whole world who can gather so many young people. No other person who is physically strong can get thousands of young people to meet like this,” sabi ni Olla Bobowski, 20, mula sa Poland.

Sa umpisa pa lamang, makikita na sa mga kabataan ang kanilang panata na ipagpatuloy at sundin ang bilin ng Santo Papa na payabungin ang Simbahan.

“We really need a revival. We are lacking a lot. Not just in Trinidad but in the whole world,” sabi ni Charlene Sobrian ng Trinidad and Tobago.

Nararamdaman ni Sobrian na marami pang isyu na kailangang masagot upang maipakita sa mga kabataan na mahal sila ng Diyos.

“The youth are not feeling they should be heard and they are being shut up so much that they rebel. I think we should tell them they are the future and that they are worth hearing about God and make a difference,” dagdag ni Sobrian.

Sisimulan ni Sobrian sa kanyang sarili ang pagbabago. “I’m the public relations officer of my youth group. I will go back to (Trinidad and Tobago) to revive the youth group not of my parish but in the others as well where I am a member of. “

Ayon kay Emmanuel Odueyungbu, 26, ng Nigeria na may 70 hanggang sa 126 milyong Katoliko, kinakailangan lamang patatagin ang pananampalataya ng mga tao.

“I only pray that I could spread the good news back home,”ani niya.

Pagkatapos ng dalawang taon, sa Germany naman gaganapin ang susunod na WYD. Nananalangin si Gross at ang marami pang kabataan sa buong mundo na mananatiling matatag ang kanilang pananampalataya at magawa ang hinihingi sa kanila ng Diyos.

“In two years WYD will be held in Germany and our diocese is not doing anything. I want to go home and do these things that I’ve learned to help and get more people to God by organizing and volunteering,” sabi ni Gross.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.