Habang hitik ang usapan ukol sa tape na naglalaman ng di umano’y pandaraya ni Pangulong Arroyo sa nakaraang eleksyon, mahalaga rin na mabigyan ng pansin ang isa pang uri ng “tape” na matagal nang salot ng ating bayan. Ang “red tape.”
Gaano ba katagal ang pagkuha ng munting driver’s license?
Madali lang. Basta’t hindi ka paiikutin at pabalik-balikin sa mga opisina sa Land Transportation Office. Ngunit kung sa pagkuha lang ng simpleng papeles para magmaneho ay aabutin ka na ng isang buong araw, dagdag pa nang konting suhol dito, konting kotong diyan, paano na ang pagkuha ng mas komplikadong papeles tulad ng business permit?
Mag-ingat sa mga fixer. Ngunit sa ilang pambihirang pagkakataon, mismong mga opisyales pa ang maghahatid sa iyo sa mga alagad nilang mga fixer. Hindi na ‘yan siguro dapat tawaging red tape, bulgaran na katiwalian na ‘yan.
***
Ngayong taon, ilulunsad muli ng administrasyon ng UST ang customer feedback program na sinimulan noong 2003 ni dating Secretary-General Fr. Winston Cabading, O.P., upang pagandahin ang serbisyo ng mga tanggapan sa Unibersidad.
Ngunit may ilang estudyante rin na ginagamit ang feedback sheets upang gawing palusot para sa kanilang kawalan ng pakialam sa proseso—ang gusto ay serbisyo agad-agad—at minsan, katamaran na rin.
Kahit inis tayong lahat sa red tape, may sinusunod pa rin na proseso sa pagpapalakad ng mga papeles sa mga opisina sa Unibersidad, pati na rin sa mga tanggapan ng gobyerno.
Sa halip na magalit at maglabas ng sama ng loob sa mga feedback sheets, alamin muna ang tamang proseso at ihanda agad ang mga kinakailangan. Ang opisina ay hindi tinayo para sa iisang pakay lamang, marami itong pinaglilingkuran. Ngunit sa ganitong konteksto, dapat ding siguraduhin ng opisina na mapagsilbihan ang lahat ng nangangailangan ng serbisyo nito.
Patas lang dapat.
Kung hindi ginagampanan ng opisina ang kanilang tungkulin, may karapatan—at tungkulin—ang mga estudyante na iulat ang kapalpakan na nadatnan.
Iyan ang Tomasino.
Kahit parang kasama na yata ang red tape sa kultura ng mga Filipino, hindi ito dahilan upang hayaang umiral ito. Kailangan ng pagbabago, at magsisimula lang ‘yan sa tao.
***
Ang column na ito ay para sa nakaraang associate editor ng Varsitarian na si Michael Celis. Sana magampanan ko nang maayos ang trabaho ko bilang kasunod mo. Para sa mga kasamahan ko sa Varsitarian na nagtapos na ng kolehiyo, sina Nick, Deni, Elka, Mikoy, Libai, Tina, Rheeno, Cha, at Dino, maraming salamat sa inyo.
Para sa mga kasama ko ngayong taon, mahaba pa ang daan na lakbayin natin, ngunit kaya natin ito basta’t sama-sama tayo.
At para naman sa lahat ng Tomasino, sisikapin naming mapaglingkuran kayo nang maayos.