SA LIKOD ng mga magagarang palamuti, libreng pagkain at ng makinang na fireworks display, ang taunang pagdiriwang ng Paskuhan sa UST ay nakaugat sa diwa ng pagbibigayan.
Taong 1993 nang simulang tawaging “Paskuhan” ang pagdiriwang ng mga Tomasino sa tuwing sasapit ang kapaskuhan. Noon, isang simpleng pagsasama-sama lamang ang naganap sa pangunguna ng noo’y UST treasurer na si P. Tereso Campillo, O.P.
Noong Disyembre 19, 1991 unang naganap ang ganoong klaseng pagsasalu-salo ng Thomasian community sa temang “Paskong Tomasino, Paskong Filipino ’91,” kung saan isang misa ang inialay sa UST Grandstand at isang paligsahan sa paggawa ng parol ang ginanap. Higit sa lahat, nagsilbing daan ang itinuturing na unang Paskuhan upang ipaabot ng mga Tomasino ang kanilang tulong sa mga nasalanta ng bagyong “Uring.”
Sa ilalim ng 14 na talampakan na Christmas tree sa Grandstand inilagay ng mga Tomasino ang mga regalong donasyon at tulong sa mga nasalanta.
Naging magarbo naman ang pagdiriwang ng Paskuhan noong 1994 bilang paghahanda sa World Youth Day na ginanap sa Unibersidad noong Enero 1995. Dito rin unang nasilayan ang 80-talampakang Christmas tree na unang dinisenyo ni Rey Mañago, propesor sa College of Fine Arts and Design.
Wala namang fireworks display noong 2004 matapos mapagdesisyunan ng administrasyon na ilaan ang pondo para rito sa mga nasalanta ng tatlong magkakasunod na bagyo.
Naging maluwag naman ang pagtanggap ng mga estudyante dito, ani Jose Cruz, direktor ng Office for Community Development. Dagdag pa niya, may mga estudyante rin na nagkusang-loob tumulong sa pagbabalot ng mga donasyon at nagboluntaryong pumunta sa Nueva Ecija para ipamahagi ang mga ito.
Taun-taon, hindi rin mawawala sa Paskuhan ang raffle para sa mga Tomasino kung saan maaaring manalo ng iba’t-ibang regalong pamasko tulad ng computer showcase, cellphone at appliances. Bawat tiket na ipinamamahagi ay nagkakahalaga ng 99 sentimo. Ang hindi alam ng marami, ang kita mula rito ay inilalaan sa community service ng UST.
Mula sa isang payak na selebrasyon, naging bahagi na ng kulturang Tomasino ang pagdiriwang ng Paskuhan na parating dinarayo ng mga mag-aaral mula sa iba’t-ibang unibersidad.
Ngayong taon nakatakdang simulan sa Paskuhan ang countdown sa quadricentennial celebration ng UST sa susunod na taon.
Tomasino siya
Alam niyo bang isang Tomasinong inhinyero ang nasa likod ng Jollibee, isa sa pinakamalaking franchising business at pinakasikat na food chain sa bansa?
Nagtapos si Tony Tan Caktiong sa Unibersidad ng kursong chemical engineering noong 1975 at sa parehong taon ay nagtayo siya ng dalawang ice cream parlor sa Cubao at Quiapo. Nakilala ito ngunit hindi naglaon, napansin niya na naghahanap ang mga parokyano ng iba pang pagkain bukod sa ice cream. Dahil dito, sinimulan niyang magbenta ng iba pang pagkain gaya ng hamburgers, french fries at fried chicken. Hindi nagtagal, nagpasya si Caktiong na gawing dine-in fast-food restaurant ang ice cream parlor at tawagin itong Jollibee.
Sa kasalukuyan, ang Jollibee ang pinakamalaking franchising network sa buong bansa at mayroon na ring mga franchise nito sa Tsina at Estados Unidos. Patunay rito ang ilang mga parangal na nakamit ni Caktiong dahil sa Jollibee tulad ng Management Ernst and Young Entrepreneur of the Year – International Award noong 2004. Itinanghal din siya bilang isa sa Ten Outstanding Young Men (TOYM) noong 1990 para sa entrepreneurship.
Tomasalitaan:
Kasilinawan (png) – pagdiriwang na bukas sa publiko.
Halimbawa: Isang kasilinawan ang gaganapin sa bayan mamayang gabi bilang pagsalubong sa bagong taon.
Mga Sanggunian:
The Varsitarian: Tomo LXXII, Christmas Supplement, Disyembre 15, 2000
The Varsitarian: Tomo LXXVI, Blg. 8, Disyembre 16, 2004
The Varsitarian: Tomo LXXXI, Blg. 6, Oktubre 6, 2009