Dibuho ni ni Fritzie Marie C. AmarPASOK sa ikatlo at ika-apat na puwesto ang dalawang mataas na paaralan ng UST sa National Achievement Test (NAT), na kinuha ng mga mag-aaral sa ikalawang taon ng hayskul noong Marso.

Sa isinagawang pagsusulit ng Department of Education (DepEd) sa may 84 na pribadong paaralan sa Maynila, pangatlo ang UST Education High School na may markang 61.27 porsiyento at pang-apat naman ang UST High School na may 59.27 porsiyento.

Ang Samantabhadra Institute (66.33 porsiyento) at St. Jude Catholic School (64.26 porsiyento) naman ang nanguna at pumangalawa sa pagsusulit.

“May pumasok na bagong top one (Samantabhadra Institute) kaya kahit ang St.Jude [na dating nanguna ay] bumaba sa ikalawang puwesto,” ani Marishirl Tropicales, punong-guro ng Education High School.

“Total number of examinees affect the rank. We’re happy out of 84 schools, we’re no. 4,” ayon naman kay Eden Tolentino, punong-guro ng UST High School.

Sa limang asignaturang kasama sa NAT, ang pinakamataas na nakuha ng UST Education High School ay 76.51 porsiyento para sa Filipino at ang pinakamababa nila ay matematika na may 49.44 porsiyento. Nakuha naman ng mga mag-aaral ang 71.94 sa Ingles, 47.55 sa araling panlipunan, at 60.91 sa agham.

Filipino rin ang pinakamataas na asignatura ng UST High School na may markang 74.23 porsiyento, habang ang araling panlipunan na may 43.51 porsiyento ang pinakamababa. Samantalang, 68.67 porsiyento ang kanilang marka sa Ingles, 59.19 sa agham, at 50.74 sa matematika.

Base sa DepEd, nasa antas ng “mastered” ang paaralan na makakukuha ng 100 hanggang 96 porsiyentong marka; “moving towards mastery” ang may 95 hanggang 86 porsiyento; at “average mastery,”–kung nasaan ang dalawang mataas na paaralan ng UST–ang makakuha ng 65 hanggang 35 porsiyento. “Low mastery” naman ang marka na nasa 34 hanggang 15 na porsiyento; habang nasa antas ng “very low mastery” ang may markang 14 hanggang limang porsiyento. “Absolutely no mastery” ang makakukuha ng apat hanggang zero porsiyento na marka.

READ
Vatican starts liturgy reforms

“Masaya kami sa pangatlong puwesto. Pero kung titingnan mo ang kabuuan ng resulta sa private at public schools, hindi ganoong kaganda ang mga resulta,” ani Tropicales.

Layon ni Tropicales na umangat ang antas ng UST Education High School sa pamamagitan ng paggamit ng Understanding by Design (UBD).

Ang UBD ay isang paraan ng pagtuturo kung saan tinututukan ng mga guro ang pagkakaintindi ng mga mag-aaral mga aralin sa halip na pagpasa lamang. Ngayong taong pang-akademiko lamang ito ipinatupad ng DepEd sa mga mag-aaral ng unang taon.

“Maaari namin itong ipatupad sa mga mag-aaral ng una hanggang apat na taon dahil kami ay isang laboratory school,” ani Tropicales

Ang laboratory school ay lugar kung saan hinahasa ang kasanayan ng mga estudyanteng kumukuha ng kurso na secondary education.

Kabilang sa top 10 ng Manila Private School Division ang Metropolitan International Christian Academy (ikalimang puwesto), Uno High School (ika-anim), St. Scholastica’s College-Manila (ikapito), Chiang Kai Shek College (ikawalo), Malayan High School of Science (ikasiyam), at O.B. Montessori Center, Inc (ikasampu).

Ang UST Education High school at UST High School ay naglaan ng oras para sa pagbabalik-aral ng 476 na mag-aaral isang linggo bago sila kumuha ng NAT.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.