BILANG bahagi ng kulturang Pilipino, espesyal ang turing ng mga Filpino sa pagkain lalung-lalo na kung may mahalagang okasyon. Ngunit sa mga panahong wala nang ipinagdiriwang, nauuwi na lamang ang pagtrato ni Juan dela Cruz sa pagkain bilang isang bagay na panawid-gutom sa kumakalam niyang sikmura. Hindi na pansin ang paraan ng paghahanda at kung anong partikular na putahe ang kanyang kakainin. Ang tanging mahalaga lamang ay makakain.

Subalit para kay Ligaya Tiamson Rubin, isang premyadong manunulat – na nagwagi ng dalawang Gantimpalang Carlos Palanca para sa sanaysay sa Ingles at Filipino na Turning Back and Moving Back at Paano Nagsusulat ang Isang Ina – ang pagpapahalaga sa payak at pangkaraniwang paksa tungkol sa pagkain sa pamamagitan ng panitikan ang kanyang naging inspirasyon tungo sa paglilimbag ng panibagong Umulan Ma’t Umaraw: Mga Pagkaing Pangkaraniwan sa Uniberso ng Pangkaraniwang Maybahay (UST Publishing House, 2006).

Sa unang tingin, aakalain ng mga mambabasa na ang libro ay isang cook book na naglalaman ng iba‘t ibang pamamaraan sa pagluluto. Ngunit kung susuriing mabuti, ito ay isang di-pangkaraniwang koleksiyon ng mga sanaysay na naglalaman ng mga detalyeng tungkol sa mga pagkaing itinampok ng mananaysay na isang propesora ng wika at malikhaing pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas–Diliman. Ang mga ulam, gulay, prutas, at mga pampalasa ay naglalayong kilitiin ang imahinasyon at kuryosidad ng mga mambabasa. Ayon sa panimula ng akda: “Ang nilalaman nito tungkol sa pagkain ay magbubukal ng gunita, sasariwa ng alaala, at aalimbukay ng samu’t saring larawan ng partikular na bagay sa iba’t ibang lunan, iba’t ibang panahon pero iisa ang impresyon.”

READ
Guards undergo 'tummy tuck'

Gumamit si Rubin ng payak ngunit malikhaing wika na tamang-tama ang timpla upang manamnam itong maigi ng mga mambabasa. Ang bawat teksto’y hitik sa kultura at kasaysayan ng bawat pagkain. Simple ngunit kahanga-hanga rin ang estilong ginamit ng manunulat sa pagpapakilala sa mga pagkain na ginamit niya bilang titulo ng bawat yugto upang maipakita ang kahalagahan ng mga ito sa koleksiyon.

Sa unang yugtong Kung Kaya ni Misis, Mas Kaya ni Mister, mabubusog sa panibagong kaalaman ang mga mambabasa sa mga nakatatakam na salaysay na nagpapakitang mas magagaling ang mga lalaki kaysa mga babae pagdating sa pagluluto. Kasama rin sa kabanatang ito ang mga diskusyong tungkol sa pangkaraniwang ulam gaya ng adobo, sinigang at menudo na may malaking bahaging ginampanan sa pagpapayabong ng pagpapatibay ng relasyong pampamilya ng mga Pilipino.

Mga pampalasa naman ang itinampok ni Rubin sa ikalawang bahagi, Asin ng Kusina, Asin ng Buhay. Gamit ang sangkatutak na impormasyon tungkol sa iba’t ibang pansahog tulad ng bawang, suka, asin, at paminta, ipinakita ni Rubin sa mga mambabasa ang mga silbi nito bukod sa pagbibigay ng lasa sa mga putahe. Ilan sa mga ito ay bilang panlinis, pang-gamot, at pampreserba ng pagkain.

Maging sa ekonomiya’t industriya, malaki rin ang papel ng mga rekado na matatagpuan sa ating mga kusina, ayon kay Rubin. Ang kalamansi ay maaaring ihalo sa mga sabon, pharmaceutical na produkto at deodorizing agents, at ang eksportasyon ng luya at patis sa ibang bansa ay tunay namang nakapagpapapasok ng pera sa ating bansa.

Kamote: Ang Bayaning Pagkain ang ibinida naman ng aklat sa ikaltong yugto nito. Para kay Rubin, hindi lamang ito abot-kaya ng bulsa, masustansiya’t malinamnam rin ito kung kaya’t itinuturing na kaagapay ng “wais” na misis. Sa ikaapat na yugtong Saging: Ang Bilyonaryong Prutas, mapapatunayan ngang “bilyonaryo” ang saging sapagkat hindi lamang ang bungang prutas ang mapakikinabangan kundi ang kabuuan nito na maituturing bilang isang palumpong na maraming dulot.

READ
Who wants to be an indie film-maker?

Sa paghimay sa obra ni Rubin, maaliw at maraming matutunan ang mga mambabasa dahil sa mga bagong impormasyong inihahain nito bilang isang kalipunan na sumasalamin sa iba’t ibang uri ng disiplina at paggawa: cook book para sa mga maybahay, librong pang-agham para sa mga nag-aaral ng Biology, librong pangkasaysayan para sa mga mag-aaral o manlalakbay, at librong pang-ekonomiya para naman sa mga negosyante. Bagamat marami itong sahog na impormasyon at datos ay maayos naman itong napagsama-sama ng mananaysay para maintindihan ng mga mambabasa.

Hindi madaling gawing interesante ang isang ordinaryong paksa. Ngunit ayon kay Rubin: “Totoo na mayroon namang mga ulam na habang niri-replay ay lalong sumasarap. Ang tirang hilabos ng hipon ay posibleng iresureksiyon sa hapag-kainan bilang sinigang sa sampalok na may kamatis at gabi.”

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.