ISANG natatanging pagkakataon ang masaksihan ang mga piling kabataang Asyanong miyembro ng Asian Youth Orchestra (AYO) sa kanilang pagtatanghal ng kanluranin at klasikong musika sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ipinamalas ng AYO ang kanilang husay noong Agosto 17 at 18 sa Cultural Center of the Philippines Tanghalang Nicanor Abelardo (CCP Main Theater). Bahagi ng kanilang 2001 Southeast Asian at Japan Summer Concert Tour na nagsimula noong Agosto 11 sa Penang, Malaysia ang pagtatanghal.
Kasalukuyang binubuo ang AYO ng 103 kabataan mula sa 12 bansa sa rehiyon, sumasailalim sila sa pagtuturo ng mga respetadong musikero mula sa Asya at Europa. Kabilang sa limang mapapalad na kabataan mula sa Pilipinas na miyembro ng AYO ang Tomasinong si Ariston Payte III ng Conservatory of Music.
Hindi nagpahuli ang AYO sa kalibre ng kanilang mga panauhin sa serye ng pagtatanghal. Pinamalas ng ipinagmamalaking piano soloist ng bansa na si Cecile Licad ang kanyang kahusayan sa pagtatanghal noong Agosto 17.
Isa sa pinakabatang nagkamit ng prestihiyosong Leventritt Gold Medal noong 1981, sumailalim si Licad sa pagsasanay ng bantog na si Rudolph Serkin ng tanyag na Curtis Institute of Music.
Kabilang sa itinanghal ni Licad at ng AYO ang Symphony No.7, in A, Op. 92 ni Ludwig van Beethoven. Taglay ng bawat tipa sa tiklado at harmonisasyon ng mga instrumentong biyolin at woodwinds ang natural na orkestrasyon. Madarama naman ang drama at ang romantisismo sa kanilang Rhapsody on a Theme of Paganini, Op. 43 ni Sergei Rachmaninoff.
Samantala, binighani nina Licad at AYO ang mga manonood sa pamamagitan ng piyesa ni Igor Stravinsky na Suite from the Ballet Firebird, isang likhang may natatanging ritmo sa paglalahad ng isang kaakit-akit na kuwento ng hiwaga, pakikipagsapalaran, at pag-ibig.
Hindi naman inalintana ng mga manonood ang nagbabadyang ulan at kanila pa ring sinaksihan AYO, kasama ang kilalang violinist na si Leila Josefowicz sa ikalawang gabi ng pagtatanghal.
Sa umpisa pa lamang, puno na ang tanghalan ng saliw ng biyolin at iba pang instrumentong lumikha ng pabugso-bugsong tempong nagtataglay ng mala-krystal na kinang sa kanilang rendisyon ng mga operang Russlan at Ludmilla Overture ni Mikhail Ivanovich Glinka.
Lumikha naman ng mabagal na hagod sa biyolin ni Josefowicz, kasabay ng mga instrumentong woodwinds, at unti-unting umiigting na tensyon sa kalagitnaan ng arya ng operang sumentro sa nilalamang drama ng Concerto for Violin and Orchestra in E minor, Op.64 ni Felix Mendelssohn.
Sa huling bilang, ang mabagal at malungkot na harmonisasyon ng mga cello, bassoon, at horn ang nagbigay ng melodyang nababalot ng di-maipaliwanag na halina sa orihinal na piyesang sonata ni Antonin Dvorak, ang Symphony No. 8 in G, Op.88.
Ipinamalas ng serye ng pagtatanghal ang natatanging galing ng mga kabataang Asyano sa pagtuturo at pagkumpas ng respetadong maestro na si Sergio Comissiona at ilan pang bantog na musikero mula sa Boston Symphony Orchestra, Boston Musica Viva, Cleveland at Philadelphia Orchestra Empire Brass, mga Unibersidad ng Yale at Indiana, Julliard School, New England Conservatory of Music, Unibersidad ng Southern California at San Francisco, at symphony orchestra ng San Francisco, Pittsburgh, Houston, Calgary, at Vancouver.
Sa pagtugtog ng klasikong musika, nalinang ang kakayahan at nabigyan ng pagkakataon ang mga kabataang ito na magpalitan ng ideyolohiya, mag-aral, at magtanghal sa iba’t ibang bansa kasama ng pinakamahuhusay na artista sa larangan ng klasikong musika.
Ang AYO ang kauna-unahang internasyunal na orchestra na nakapagtanghal sa Hanoi, Vietnam noong 1996, matapos ang 50 taong pagsasarili ng bansa.
Umani rin ng papuri ang pagtatanghal nila sa Hong Kong handover noong 1997, at sa world premiere ng Tan Dun’s Symphony 1997 kasama ng kilalang cellist na si Yo-Yo Ma.