HANDA ka bang harapin ang lahat makaalis lamang sa bansang iyong kinasasadlakan?
Dahil sa lumalalang ekonomiya ng Pilipinas, marami ang nagnanais mangibang bayan upang maiahon lamang ang sarili at ang pamilya sa kahirapan. At madalas piliin ng ating kapwa Pilipino si “Uncle Sam” na nagbibigay ng mga oportunidad at magaang pamumuhay. Kaya naman marami ang nagkukumahog at nagkakandarapa sa pagkuha ng visa makaalis lamang sa Pilipinas.
Ito ang nakatatawang ipinakita sa pelikulang La Visa Loca ng Unitel Pictures, ang produksyon na siya ring nagbigay ng tanyag na pelikulang Crying Ladies, ang pinakamahusay na pelikula sa 2003 Metro Manila Film Festival, at ng Santa, Santita.
Mula sa direksyon ni Mark Meily, na siya ring gumawa ng Crying Ladies, umiikot ang kwento kay Jess (Robin Padilla), isang tsuper, na nagsisikap makakuha ng visa upang matupad ang kanyang mithiing makapunta sa Amerika para umunlad at makasama ang kanyang nobya. Nabubuhay siya kasama ng kanyang nabibingi nang ama (Johnny Delgado), na madalas tumawag sa mga istasyon ng radio upang ipahayag ang kanyang mga sentimiento tungkol sa nagbagong kaugalian ng mga Pilipino, bagaman tahimik lamang at nanonood ng telebisyon.
Kung anu-anong kursong bokasyonal ang kinuha rin ni Jess sa kagustuhang makamit ang kanyang pangarap, ngunit palagi siyang natatanggihan sa kanyang panayam sa embahada ng Estados Unidos. Hanggang sa maging giya at tsuper siya ni Nigel Adams, isang tanyag na host ng Planet Strange, isang palabas tungkol sa mga kakaibang ritwal mula sa iba’t-ibang lugar sa mundo. Sa isang nakatutuwang eksena, aksidenteng nagbukas ang oportunidad niya upang mapalapit sa kanyang mithiin kapalit ang isang masalimuot na trabaho.
Ngunit sadya nga yatang napakaraming hadlang sa kanyang pangarap. Sa isang di-ina-asahang pagkakataon, bigla niyang nakita muli ang kanyang dating kasintahang si Mara (Rufa Mae Quinto), na nagtrabaho bilang isang serena sa karnabal. Dagdag pa rito, ang bagong responsibilidad bilang ama ng kanilang anak. Bagaman ikinatuwa niya ang kanyang pagkatuklas na ito, nag-iwan ito ng napakahirap na suliranin kay Jess: pipiliin ba niya ang napakatagal nang pang-arap na nasa kanyang abot-kamay na, o ang kanyang bagong tuklas na mag-ina?
Tulad ng nasaksihan sa Crying Ladies, ginamit ni Meily ang komedya at katatawanan upang isiwalat ang kanyang pagtalastas sa sosyalidad at kaugalian ng Pilipino. Ang kanyang paggamit ng mga payak, ngunit makukulay na tauhan katulad nina Jess at Mara, ang labis na nagpalakas sa mensaheng nais sabihin ni Meily. Sa kabuuan, maraming mga eksena ang nagpatuon sa mga suliranin na binigyan ng pansin bukod pa sa lubos na pagnanais ng mga Pilipino na makakuha ng visa katulad ng pagtingin sa kwaresma sa Pilipinas bilang isang malaking piyesta na dinadayo ng mga turista, at ang mga Pilipino na nangingibang-bayan na parang hindi Pilipino kung makapagsalita ukol sa Pilipinas.
Ipinakita rin ang kalagayan ng mga estudyante at iba pang nag-aasam na guminhawa ang buhay na bilang nars at caregiver sa ibang bansa.
Hinaluan din ang pelikula ng mga temang satirikal. Katulad na lamang ang pagtimpla ni Jess ng 3-in-1 na kape sa lalagyan ng isang sikat at mahal na kapihan, na tila nagsasabing pare-pareho lang ang lasa ng kape.
Para namang si Meily ang nagsasalita sa mga tawag ng ama ni Jess tungkol sa kanyang mga sentimiento sa pagbabago ng kaugalian ng mga Pilipino, kalakip dito ang mga isyu tungkol sa ating pagtangkilik sa wikang Ingles kaysa sa Tagalog. Ang mga tawag na ito ang pinakama-linaw na nagsasaad sa tema ng obra.
Kahanga-hanga rin ang tinipong mga aktor sa pelikula na nagbigay ng mahusay na pagganap sa bawat tauhan. Kapansin-pansin na sinadyang piliin si Padilla bilang pangunahing tauhan dahilan na rin sa karanasan na matanggihan ng visa.
Sa kalahatan, maganda at napapanahon ang La Visa Loca. Pangunahing tema ng pelikula ang kolonyal na pag-iisip ng Pilipino, at maayos naman itong naita-tanghal sa pelikula. Sa ating humihinang sining sa pelikula, mas marami pa sanang mga kagaya ng La Visa Loca ang magbibigay kulay at direksyon sa mga Pelikulang Pilipino, at sa komunidad na rin.