Normal ang tawanan sa klase ni Dekano Fortunato Sevilla III ng UST College of Science. Ayon sa estudyante niyang si Hazel Leque, ikatlong taon sa Chemistry, kwela at hindi nakakaantok ang mga leksyon niya dahil sa kakaiba ngunit epektibong istilo—ang pagtuturo ng agham sa salitang Filipino.

“Mas nagiging aktibo kami sa klase dahil nawawala ang formality,” ani Leque. Ayon sa kanya, higit nilang naiintindihan ang mga mahihirap na aralin sa chemistry dahil sa pagsasalita ng kanilang propesor sa Filipino.

Para kay Sevilla, ang layunin ng bawat guro ay maintindihan sila ng kanilang estudyante, at nakita niyang madali itong makakamit kung gagamitin ang Filipino sa pagtuturo, lalo na sa mga mahihirap na asignatura sa agham at matematika.

“Iba ang dating ng Filipino sa estudyante,” diin ni Sevilla.

Pilipinisasyon

“Haba ng alon” para sa “wavelength,” bilis para sa “speed,” at “tulin” naman para sa “velocity.” Nakakatuwa sa pandinig ngunit naniniwala si Sevilla na higit na mainam gamitin ang wikang Filipino sa klase.

“Hindi lamang tayo sanay, ‘wirdo’ lamang dahil hindi natin ordinaryong ginagamit (sa Filipino ang agham),” wika ni Sevilla.

Aminado rin ang dekano na sa ngayon, nahihirapan ang mga siyentipikong talakayin sa Filipino ang mga paksang pang-agham dahil sa limitadong bokabularyo ng Filipino sa mga konseptong teknikal. Aniya, hindi sapat ang wikang Filipino sa mga katawagang pang-agham dahil sa walang pangangailangan para sa mga salitang teknikal noon.

Gayunpaman, naninindigan siyang kung palalawakin ang pagtanaw sa wikang Filipino, isang kumpletong diksyunaryong pang-agham na lamang ang kakailanganin.

Ipinagmalaki ni Sevilla na isa sa mga maituturing na simula sa paggamit ng Filipino sa agham ang Talahulugang Pang-agham: Ingles-Pilipino (UST Press) na isinulat noong 1977 ni Jose Reyes Sytangco, isang Tomasinong doktor. Naglalaman ang talahulugang ito ng maraming katumbas ng mga salitang Ingles: mula sa sistemang Maugnayin, sa ilang wikang katutubo, Español, at Ingles na mayroon at walang pagbabago sa ispeling.

READ
Drama fest test-runs new materials

Pangangailangan

Ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino, ang dalawang pangunahing suliranin sa pagpapairal ng isang patakarang pangwikang Filipino sa pagtuturo ay ang pangangailangan ng mga babasahin at gamit na panturo sa Filipino, lalo na sa agham, matematika, at teknolohiya; at ang kawalan ng pagkakasundo sa uri ng Filipinong gagawing modelo sa pagtuturo at pag-aaral.

Ayon pa kay Sevilla, bihirang-bihira ang mga siyentipikong nagbibigay ng lecture na teknikal sa Filipino kaya hinihikayat niya ang mga mananaliksik sa UST Research Center for Natural Sciences na magbigay ng panayam na teknikal sa Filipino.

Taon-taon, dalawang propesor ang nagbibigay ng lecture sa Filipino tungkol sa mga masusulong o pinakabahong paksa sa agham at teknolohiya, tulad ng semikonduktor, optical fibers, organikong metal, sangkap ng mga halamang panggamot, at spektroskopi.

Naniniwala si Sevilla na kailangan pa rin ang Ingles, ngunit hindi ito nangangahulugang Ingles lamang ang dapat gamitin sa mga diskursong pang-agham.

“Kailangang gamitin ang Filipino upang mapaunlad at malaman kung ano ang kulang sa wika, kung anong salita ang wala,” aniya. “Kung hindi natin gagamitin, hindi magkakaroon ng Filipino sa agham.”

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.