MATALINO man ang matsing, ang tao’y mas matalino pa rin.

Dahil sa mga ebidensiyang nagpapatunay sa kanilang pagkakahalintulad, ilang mga dalubhasa ang nangangarap ng biglaang ebolusyon ng mga unggoy sa aspeto ng katalinuhan.

Sa pelikulang “Rise of the Planet of the Apes,” tinalakay ang pagbangon ng mga matsing bilang makabagong naghaharing-uri sa daigdig.

Ang istorya ay nagsimula sa isang siyentipikong nakaimbento ng lunas para sa Alzheimer’s disease, isang sakit na nagdudulot ng malubhang pagkawala ng intelektwal na kakayahan ng tao, gaya ng alaala.

Sinuri ng siyentipiko ang gamot sa isang unggoy na nagkaroon ng katalinuhang higit pa sa normal nitong kakayanan. Ngunit hindi inakalang buntis ito at nagdulot ng kaguluhan habang pinoprotektahan ang anak.

Ang eksperimento ay ipinatigil at inampon ng siyentipiko ang batang matsing.

Hindi inaasahang naipasa ng inang matsing ang kaniyang katalinuhan sa anak.

Si Caesar, ang batang matsing, ay nagpakita ng mga kakayahang higit pa sa mga batang nasa kaniyang edad.

Nang makulong si Caesar sa isang primate sanctuary matapos maging banta sa buhay ng mga tao, nakilala n’ya ang mga kapwa unggoy, at sila ay nagsimula ng rebolusyon na nag-udyok ng kanilang pagbangon bilang mga pinuno ng mundo.

Ipinakita sa pelikulang ito ang potensyal ng mga matsing na maging kasinghusay ng mga tao ngunit hanggang saan nga ba ang kanilang kakayahan?

Maraming mga doktor at siyentipiko sa ibang bansa gaya nina Dr. Jane Goodall, Frans de Waal ng Emory University, at Jill Pruetz ng Iowa State University, ang nakapagpatunay na likas na matatalino ang mga matsing.

Anila, ang mga matsing ay gumagamit ng kasangkapan tulad ng patpat upang maghanap ng pagkain at gumagamit ng bato upang magbukas ng mani. Tinawag silang matatalino dahil hindi lahat ng hayop ay kaya itong gawin.

READ
APO-UST honors 12 alumni in golden anniversary

Sa Japan, inobserbahan ng primatologist na si Tetsuro Matsuzawa ang isang matsing na nanood sa screen ng computer habang lumalabas ang numerong isa hanggang siyam, isa-isa.

Ang mga puting kahon ay naiwan kung saan lumabas ang mga numero at isa-isa rin itong pinindot ng unggoy na nagpapakita ng matalas na memorya.

Sa naturang pelikula, ang drogang nanghihikayat ng neurogenesis ang itinuturong dahilan ng biglaang pagtaas ng kaisipan ng mga matsing sa pangkaraniwan.

Ang neurogenesis ay isang proseso kung saan ang brain cells ay nabubuhay muli matapos nila mapinsala.

Ayon sa mga siyentipiko ng National Geographic, ang unggoy at ang tao ay may 96 porsiyento na pagkakapareho ng genes o genetic code, kung kaya’t hindi malayo ang posibilidad na ang mga unggoy ay lumakad, kumain, at magsalita kasama ang katauhan, lalo pa’t kung sasaksakan ng droga na nagpapataas ng katalinuhan, tulad na lamang ng epekto ng neurogenesis sa pekilula.

Habang maraming tao mula sa loob at sa labas ng bansa ang nagsasabing malaki ang posibilidad na ang mga unggoy ay magkaroon ng antas ng katalinuhan na tulad ng sa tao, marami din naman ang mga nagsasabing imposible ito.

Ayon kina Sheila De Jesus at Edward Quinto, mga propesor sa College of Science, imposibleng ang antas ng kaisipan ng hayop ay maging tulad ng sa tao.

“Malapit ang mga unggoy sa mga tao, pero iba pa rin ang human intelligence sa intelligence ng mga apes,” ani De Jesus.

Hindi posible, anila, na mangyari ang katulad ng sa pelikula, kung saan agarang naging matalino ang mga unggoy gaya ng tao.

READ
Gabay sa ortograpiya pinagtibay

Magkaroon man ng epekto ang gamot, hindi ito mabilisan at hindi rin aabot sa punto na ang mga unggoy ay maging kasintalino na ng mga tao.

Magkaiba ang pinagmulan ng mga tao at ng unggoy na libu-libong taon na ang nakaraan. Kaya naman, anila, walang basehan kung ikukumpara ang antas ng pag-unlad ng mga unggoy at ng sa mga tao.

Dagdag pa rito, sa kabila ng mga patunay na ang mga tao ay may 96 porsyento o higit pang pagkakahalintulad sa mga unggoy, ang mga hayop ay may higit na kakayahang pisikal kumpara sa mga tao, at kadalasan ay wala silang sapat na kontrol para dito.

Dalawang taon ang nakararaan, isang babae sa Connecticut, United States of America ang inatake ng isang unggoy, kung saan halos mabura na ang kaniyang mukha.

Ayon sa mga doktor na sumuri, ang unggoy na ito ay nakainom ng gamot ng tao na nagtatanggal ng pagkabalisa. Ang naturang gamot diumano ay mayroong pangalawang epekto tulad ng depresyon at pagkalito.

1 COMMENT

  1. I believe Sheila De Jesus at Edward Quinto cuz’ why would we be ranked as the top of the food chain when some species can beat us. Besides, we also have the ability to think very quick in times of danger. We are the very successful creation of our dear GOD. From the toe to the head, we are successful. We can run as fast as a race horse when the adrenalin rush is activated. Having a wise decision everytime of everyday of every hour of every second.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.