NAGDULOT ng pagtatalo ang inilabas ng Komisyon sa Wikang Filipino na rebisyon ng “Alfabeto at Patnubay sa Ispeling ng Wikang Filipino” noong taong 2001 na nagsasabing “kung ano ang baybay ng salita, siya ring
sulat.” Ilang akademiko rin ang nagparatang sa komisyon na nagtutulak diumano’y pagwasak sa wikang pambansa sa halip na paunlarin ito.

Upang maiwasan ang ano pa mang kalituhan sa tamang pagbababaybay at pagsulat ng wikang Filipino, maglalabas ang komisyon ng “Gabay sa Ortograpiya ng Wikang Pambansa.” Binalangkas ito ni Ricardo Ma. Nolasco, dating tagapangulo ng komisyon, at inaprubahan naman ng nakaraang taon.

“Ang marami dito ay dati ng mga kaalaman at tuntunin na naipahayag, naimungkahi o naiharap na sa nakaraan, subalit sa ‘di malamang dahilan ay naiwaksi at nakalimutan. Sa ganang amin, ang muling pagpapahayag ng mga subok na at nakagawian nang tuntunin ay hindi masama kundi mabuting bagay,” ayon sa komisyon.

Sa tulong ng isang standard na mga grapema o pasulat na simbolo, isinasaad ng gabay ang tamang pagbabaybay at pagbigkas, impit ng tunog, at tamang diin at haba ng mga salita.

Mga hiram na salita

Binigyang-tuon din ang panghihiram ng mga salitang dayuhan.

Iminungkahi ng komisyon ang ilan sa mga sumusunod na tuntunin ukol sa panghihiram ng salita: hanggang maaari huwag nang manghiram kung may katumbas naman ang konsepto sa wikang pambansa (halimbawa: “rule” = “tuntúnin” hindi “rúl”); gamitin ang lokal na termino o ihanap ng katumbas sa mga lokal na wika ang konsepto (halimbawa: “tarsier” = “máomag,” “málmag” sa mga Bol-anon); kung wikang Ingles at iba pang wikang dayuhan ang pinaghihiraman, panatilihin ang orihinal na anyo (halimbawa: “psychology” = “psychology,” hindi“saykólojí”); iwasan ang paggamit ng mga letrang wala sa ABAKADA sa pagbababaybay ng mga hiram na salita (halimbawa: “úri ng wíká” o “baráyti ng wíkà,” hindi “varáyti ng wíkà).

READ
Pope opens 2010 with a call for peace

Nilinaw din sa gabay na kapag binaybay ang salitang hiram batay sa orihinal nitong anyo sa pinagkunang wika, maaaring iba ang pagkakasulat nito basta’t mapapanatili ang orihinal nitong pagbigkas (halimbawa: “mommy” [‘ma:.mi], “table” [‘tey.bol]).

Kung sa ating pagbigkas ay maaaring pagpalitin ang “i” at “e,” “o” at “u,” binigyang-diin sa gabay na hindi ito maaari sa pagbabaybay, bagkus dapat pa ring gamitin ang baybay na matagal nang ginagamit (halimbawa: “babáe” hindi “babái”; “búhos” hindi “búhus”).

Paalala naman ng komisyon na patuloy na nagbabago ang anyo at porma ng wikang Filipino sa paglipas ng panahon, kaya’t makabubuti pa rin na balikan ang gabay upang maiwasan ang pagkasira ng wika.

Sa kasulukuyan, sinusuri ng Commission on Higher Education ang bagong ortograpiya bago ito inaasahang pormal na ilimbag ngayong taon.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.