ANG NATURAL na tuwa’t saya ng madlang Pilipino ay umabot na sa kalapit bansang Indonesia.

Ito ay matapos mabili ng Indonesia ang prangkisa ng pinakamahabang noon-time variety show sa Pilipinas at, ayon sa Guinness World Book of Records, sa buong mundo—ang Eat Bulaga!

Sa website ng Surya Citri Televisi (SCTV) Indonesia—ang television network na bumili sa format rights ng Eat Bulaga—ang pagkakatatag ng Eat Bulaga Indonesia ay may garantiyang tuwa at pag-asa para sa mga mamamayan nito, katulad din ng orihinal na Eat Bulaga.

Dahil dito, unti-unti nang nakikilala ng buong mundo ang tatak ng sayang Pilipino.

Ang 33-taong programa’y kilala sa buong bansa dahil sa pagbibigay-saya sa mga Pilipino sa pamamagitan ng interactive show o ang direktang pamamahagi ng katuwaan at tulong sa mga mahihirap na Pilipino.

Bantog ang mga segments nito na nagpapamalas ng katuwaan sa mga Pilipino mula sa mga maliliit o simpleng bagay, katulad ng mga pang-araw-araw na talakayan ng hosts ng Eat Bulaga.

Ayon sa Director of Programming ng SCTV na si Harsiwi Achmad, inabot ang buong production team ng pitong taon upang buuin ang Eat Bulaga Indonesia.

“I tried to find contact to the Philippines and I met Mr. Antonio Tuviera, who is very kind to me,” ani Achmad sa programang “Kapuso Mo, Jessica Soho.”

Pinapangunahan nina Vic Sotto, Joey de Leon, at Tito Sotto ang mga “dabarkads,” o ang mga hosts ng programa. Ang bersyon ng programa sa Indonesia nama’y mayroon ding mga dabarkads na tinatawag nilang “bolagang” sa wikang Bahasa, ang pambansang wika ng Indonesia—“magkakaibigan” sa wikang Filipino.

READ
Blue-chip 2013 graduates reporting for duty

Ayon sa Pilipinong nakabase sa Jakarta na si Jerry Guzman, marketing creative adviser ng SCTV, nagkaroon ng internasyonal na bersyon ang Eat Bulaga dahil “madali itong pumatok sa masa.”

“This [Eat Bulaga Indonesia] is a crowning glory of Philippine television. Madaling maka-relate ang mga tao rito sa saya na binibigay ng Eat Bulaga,” ani Guzman, na nagsilbing tulay sa pagitan ng SCTV at pamunuan ng Eat Bulaga upang maisakatuparan ang usapan sa pagbili ng format rights ng programa.

Ayon pa kay Guzman, maraming pagkakapareho ang mga mamamayan at kultura ng Pilipinas at Indonesia kaya agad natanggap ng mga taga-Indonesia ang konspeto ng Eat Bulaga.

Ayon naman kay Antonio Tuviera, chief executive officer at may-ari ng TAPE, Inc., ang producer ng Eat Bulaga, magsisilbi sa pamunuan ng programa na inspirasyon upang lalong pagbutihin ang trabaho.

“Noong una, akala lang nami’y isasalin sa [wikang] Bahasa ang programa, tapos noong sinabi ng SCTV na gusto na nilang bilhin nga ang franchise, doon na kami natuwa at medyo hindi makapaniwala,” ani Tuviera.

Ang Tomasinong si Tuviera ay kumuha ng kursong Architecture, ngunit hindi niya ito tinapos sapagkat mas nahilig siya sa larangan ng entertainment.

Bantog ang mga segment ng Eat Bulaga, tulad ng “Pinoy Henyo” na binansagang “pambansang laro ng bayan.” Sa Eat Bulaga Indonesia, ang parteng ito’y tinawag na “Indonesian Pintar” (Indonesian Genius).

Ang tanging pagkakaiba ng orihinal na programa sa bersyong Bahasa ay ang oras ng pagpapalabas nito. Sa Pilipinas, idinadaos ang Eat Bulaga sa tanghaling tapat hanggang ikalawa at kalahati ng hapon. Samantala, tuwing ikaapat ng hapon hanggang ikalima at kalahati naman ipinapalabas ang Eat Bulaga Indonesia, bilang pagsunod at pagrespeto sa pinakamalaking relihiyon sa Indonesia, ang Islam. Ang tanghaling tapat ay oras ng pagdarasal para sa mga Muslim.

READ
Down with Lacson flyover

Ang studio sa Jakarta ay mayroon ding kunwaring tindahan na siyang tambayan ng mga bolagang at entablado sa gitna ng mga manonood.

Ang kinagigiliwang remote segment nito na “All for Juan, Juan for All! Bayanihan of the Pipol” ay dumarayo sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas upang magbahagi ng mga premyo.

Sina Jose Manalo, Wally Bayola, at Paolo Ballesteros, mga hosts sa naturang segment, ay kinagigiliwan na rin sa Indonesia matapos ipinakilala ng SCTV ang mga segment hosts na sila Ramzi, Narzi, at Leo Consul. Dumarayo rin ang tatlo sa mga kasuluk-sulukan ng Jakarta at iba pang parte ng Indonesia upang mamigay ng mga papremyo. Si Consul, na nagtapos sa University of the Philippines-Baguio, ay ang kaisa-isang Pilipinong host ng Eat Bulaga Indonesia.

Ang Eat Bulaga ang kauna-unahang Philippine television show na nagkaroon ng international franchise. Ang programang ito’y nagsimula noong 1979 sa dating istayon na RPN9. REDEN D. MADRID

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.