13 Agosto 2013, 3:37 p.m. – HINIKAYAT ni Kardinal Luis Antonio Tagle, arsobispo ng Maynila, ang mga mambabatas na makibagay at makiisa sa mga mahihirap na Pilipino upang tuluyang maiwaksi ang kultura ng korupsiyon.
“Kung maglalakad ang mga [opisyal ng gobyerno] sa gabi at makikita lamang nila sa lansangan ang mga Pilipinong naghihirap, hindi na nila iisiping makibahagi sa isyu ng pork barrel,” ani Tagle na naging emosyunal sa isang pulong-balitaan kaninang umaga sa UST Quadricentennial Pavilion.
Ang press conference ay ukol sa idaraos na Philippine Conference on the New Evangelization (PCNE) sa UST sa darating na Oktubre 16-18.
Ang PCNE, na may temang “God makes all things new,” ay naglalayong iparanas ang kagandahan ng buhay na pananampalataya sa mga pamilya, kabataan, at lalo na sa mga dukha. Ang pagtitipong ito, na pangungunahan ni Tagle, ay kaugnay ng pagdiriwang ng Taon ng Pananampalataya ng pandaigdigang Simbahan.
Ani Tagle, ang PCNE ang isa sa mga instrumento ng Simbahang Katoliko upang muling iparanas sa mga mananampalataya si Hesus, at upang mas lalo pang maunawaan ng Simbahan ang makabagong mundo.
“Ang ebanghelisasyon ay pagpapahayag ng Mabuting Balita na hindi lamang Salita kundi Salitang nagkatawang tao,” ani Tagle. “Paano natin maipahahayag si Hesus kung hindi natin siya mararanasan? Ang pwedeng sumaksi kay Hesus ay may buhay na ugnayan sa Kaniya.”
Dagdag pa ni Tagle, patuloy ang misyon ng Simbahan na “maabot ang mga taong hindi pa nakaririnig kay Hesus at muling pag-alabin ang diwa ng pananampalataya sa mga Kristyanong nanlalamig sa pananampalataya.”
Sinang-ayunan naman ito ni Henrietta de Villa, executive secretary ng PCNE organizing committee, na nagsabing nais din ng kumperensiya na abutin ng mga mananampalataya ang mga nangangailangan at madala ang mga ito sa “bagong mundo.”
“PCNE is a festival of faith to bring people to a new world. Go out and seek someone with a greater need,” ani de Villa, na dati ring ambassador ng Pilipinas sa Vatican.
Sa pamamagitan ng PCNE na dadaluhan ng mahigit 5,500 katao mula sa pitong bansa sa Asya, ang Unibersidad ay maituturing na bagong pook ng ebanghelisasyon, ani de Villa.
Magtatampok ito ng 50 magkakasabay na diskurso na tatalakay sa iba’t ibang isyu at usaping pansimbahan. Gracelyn A. Simon