TRESE anyos lamang si Manuel Noche del Castillo nang una siyang mabighani sa Faro de Cabo Bojeador, isang lighthouse o “farola” sa Burgos, Ilocos Norte. Mula noon, lumalim ang interes ni Noche sa mga farola hanggang marating niya ang 23 iba pa na matayog pa ring nakatayo at gumagabay sa manlalayag.

Sa pakikipagtulungan ng UST Center for Intercultural Studies at Heritage Festival Inc., ipinakita ang iba’t ibang mga larawan ng farola at ang kanilang kuwento sa exhibit na hango sa aklat ni Noche, isang propesor sa UST College of Architecture, na pinamagatang Lonely Sentinels of the Sea sa Beato Angelico Gallery (UST Publishing House, 2005).

“Nais kong matuklasan ang mga nakalimutan nang mga farola na ipinatayo noong panahong ng mga Kastila at mabigyang liwanag ang kasalukyang hubog ng mga ito,” aniya sa pagbubukas ng exhibit noong Hulyo 18.

Gumamit si Noche ng istilong photographic documentation sa kaniyang saliksik. Nilibot niya ang mga isla ng Luzon at Visayas upang hagilapin ang mga farola na kadalasang makikita sa mga liblib na isla, tuktok ng burol at mga naiwanang dalampasigan. Sa ngayon, may 24 farola na ang nadokumento ni Noche.

Sa kanyang exhibit makikita ang mga larawan ng iba’t ibang farola tulad ng Faro de Isla Corregidor sa Cavite, ang ikalawang pinakalumang farola sa Pilipinas na ipinatayo noong 1835.  Naiiba ang arkitektura ng Faro de Isla Corregidor dahil sa tugatog nito na napapaligiran ng isang pahingahan. Nagsilbing kulungan at kampo militar ang isla ng Corregidor noong panahon ng Kastila hanggang Hapon at gumabay sa mga barkong pumapasok sa Maynila.

READ
Anatomy of a demolition job

Matatagpuan naman sa Calatagan, Batangas ang Faro de Cabo Santiago na ipinagawa noong 1890. Tila isang palasyo na napag-iwanan ng panahon ang neo-classical na farolang yari sa bricks at kahoy, mayroon itong tore, pavillion, service building at enclosed courtyard. Nasa likod ang tore na halos 22 metro mula sa kinatatayuan nito sa gilid ng burol. Umaabot sa 14 metro ang taas ng tore na may pabilog na disenyo. Samantala, disenyong Victorian ang pavilion ng Faro de Cabo Santiago. Makikita din sa faro ang arched doors, grilled lunettes at decorative wood panels sa disenyong Renaissance.

Kinabitan ng fourth order lens ang farolang ito upang gumabay sa mga barkong galing Maynila papunta sa mga katimugang isla ng Visayas at sa mga manlalayag na papuntang Maynila mula San Bernardino Passage.

Matatagpuan sa Isla Palaui sa Cagayan ang Fabo de Cabo Engano na isa sa apat na farolang itinayo noong panahon ng Kastila. Ginagabayan nito ang mga pumapasok na barko mula sa karagatang Pasipiko patungong hilagang Luzon at Babuyan Channel.

Octagonal ang hugis ng tore at may 11 metro lamang at napapatungan ng copper lantern. Sa kasamaang palad, napag-iwanan na ito. Ang service building, storehouse at kusina na lamang ang natitira.

Ayon kay Noche, adhikain ng kaniyang saliksik na makakuha ng suporta para sa konserbasyon ng mga cultural structure tulad ng mga ito.

Sa mahabang panahon nanatiling matayog na nakatayo ang mga farola sa Pilipinas. Nakatulong ang mga istrukturang ito sa paghubog ng ating kasaysayan, kultura, at ekonomiya, kaya’t nararapat lamang silang pahalagahan. Kerwin Patrick Mercadal

READ
CINEMALAYA 7: See the unseen

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.