IILAN lamang sa mga pelikulang Pilipino ang naglalabas ng official soundtrack, at kadalasan, hindi pa nakikilala. Upang maging hudyat ng pagbabago ng pelikulang Pilipino, gumawa ng soundtrack ang Unitel Pictures para sa Pinoy Blonde.

Sari-saring mga tunog mula sa iba’t ibang musikero ang kasama sa soundtrack, tulad ng Bamboo (“Mr. Clay”), Sugarfree (“Kwarto”), Kjwan (“Daliri”), Mayonnaise (“Bakit Part 2”), Imago (“Akap”), Color it Red (“Handpainted Sky”), at Radioactive Sago Project (“Astro” at “Hello, Hello”).

Hindi rin nagpahuli ang mga bandang Urbandub (“Fallen on Deaf Ears”), Twisted Halo (“Public Service Announcement”) at Kapatid (“Sunday Shining”) at ang “Biyaheng Reggae” ng Island Boy, kung saan kasapi si Boy2 Quizon. Naglagay rin sila ng mga kanta ng mga pasikat pa lamang na mga banda tulad ng “Luntian” ng Hellbender, “Masayang Kalungkutan” ng Pinwheel, “Action! Action!” ng The Brockas with The Brockas, at “More! (kilikili)” ng Makata.

Katulad ng Unitel, independent o “indie” rin ang karamihan sa mga bandang ito. Bagama’t mayroong iilang mga kanta na hindi angkop sa pelikula, mayroon namang mga kantang epektibo sa mga eksenang kanilang pinaglapatan, tulad ng “Mr. Clay” na nagpabilis sa isang maaksyong tagpo at ang “Kwarto” na nagsiwalat ng malungkot na damdamin.

Sa paglabas ng soundtrack ng Pinoy Blonde, maaring mahikayat na rin ng ibang mga gumagawa ng pelikula sa Pilipinas na gumawa ng isang dekalidad na album gaya nito.

READ
Pagbalik sa pinagmulan

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.