MAY KUWENTO ang bawat tao.

Ito marahil ang nais iparating ng pelikulang Piñero na isinulat at idinirek ni Leon Ichasco. Umiikot ito sa masalimuot na buhay ng isang makata, artista, at mandudulang taga-Puerto Rico na si Miguel Piñero (Benjamin Bratt).

Ipinakita dito ang kanyang buhay mula sa kulungan hanggang sa pagtuklas ng kanyang talento at paggawa ng kanyang mga obra maestra. Isa na rito ang Short Eyes, isang dula ng nagpapakita kung paano naimpluwensiyahan ng isang bilanggong may kaso ng pangmomolestiya ng isang bata, ang kanyang mga kasamahan sa kulungan. Nagkamit ang dula ng ilang nominasyon sa Tony Awards at nagbigay daan ito sa pagsikat at pagkakilala sa pangalang Piñero sa larangan ng paggawa ng dula.

Sa kabilang banda, isiniwalat din ang pagiging heroine addict, magnanakaw, manloloko ni Piñero.

Bilang isang makata, marami siyang nakilala at nakasalamuha at naipatayo niya ang Nuyurican Poets Café sa Manhattan Lower East Side sa tulong ng kanyang pinakamalapit na kaibigang si Joseph Papp (Mandy Patinkin). Sa Café, nakilala niya si Sugar (Talisa Soto), kanyang naging love interest na tulad rin niyang biktima ng pangmomolestiya.

Bilang isa ring Latino, naging mahusay ang pagganap ni Bratt sa Piñero na nais ilantad sa pelikula. Angkop naman kay Soto (Mortal Combat) ang karakter ni Sugar ngunit hindi niya nabigyan ng lalim ang kanyang pagganap at hindi nagbabago ang ekspresyon ng kanyang mukha.

Kahanga-hanga naman ang pag-arte ni Rita Moreno (West Side Story), bilang ina ni Piñero. Kahit paminsan-minsan lang siyang lumabas at kaunti ang kanyang diyalogo, damang-dama ng manonood ang sinseridad ng kanyang karakter bilang isang naghihirap na ina ng isang bilanggo.

READ
PAAO holds youth workshop

Sa kabuuan, may problema ang pelikula ayon sa pagkakasunud-sunod at daloy ng kuwento. Ang ilan sa mga flashbacks ay naging distraksiyon at nakalilito. Hindi rin maayos ang sinematograpiya, tulad na lamang ng pagpapalit-palit ng ilaw sa pinilakang tabing mula black and white at colored, nang walang dahilan.

Nangarap at nagtagumpay si Piñero at naipahayag niya ang kanyang sarili sa kanyang sining: “Just once before I die/ I want to climb up on a tenement sky/ To scream my lungs out till I cry/ Then scatter my ashes to the Lower East Side.” Ngunit naging isang trahedya at bangungot ang pelikula tulad ng kinahantungan ng buhay ni Piñero.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.