Mga kuha ni Jilson Seckler C. TiuDALAWANG mag-aaral mula sa College of Fine Arts and Design ang nagpakitang-gilas sa kanilang exhibit na tinawag na Ulap sa Lupa na ginanap sa Botong’s Up Bistro sa A. Venue Mall sa lungsod ng Makati mula Agosto 2 hanggang 20.

Tampok dito ang mga gawa nina Kevin “Gripo” Balboa at Frances Nicole “Biwan” Delos Angeles na kasalukuyang nasa kanilang ikaapat na taon sa kursong Painting.

“Ang konsepto ng aming mga gawa ay umiikot sa paghahanap ng mga simpleng pangyayaring nagbibigay kaligayahan sa mga tao, na kung minsan ay nakakaliligtaan ng nakararami,” ani Balboa at Delos Angeles.

Mababanaag sa mga obra nila ang salungat na estilo ng pagpipinta. Ang mga gawa ni Balboa ay binubuo ng mga maliliwanag na kulay, pagkakaroon ng masayahing emosyon, at magugulong paraan ng pagguhit. Maaliwalas man ang kalagayan ng mga piyesa, karamihan sa mga ito ay naglalaro lamang sa dalawang kulay at nagpapakita ng mga taong hindi normal o baluktot ang itsura. Maiitim na linya ang nagsilbing balangkas ng mga tauhan ni Balboa na nagpapakita ng mga kakaibang itsura tulad ng hindi pantay-pantay na parte ng katawan.

“Ito na talaga ang estilo ng aking pagpinta noong una pa lamang, medyo pinalitan ko lang nang kaunti ang ibang elemento tulad ng kombinasyon ng kulay na ginamit,” ani Balboa.

Sa kabilang banda, ang mga gawa naman ni Delos Angeles ay may mga madidilim na kulay na mistulang nagbibigay lumbay sa kaniyang mga likha. Dahil sa limitadong liwanag na matatanaw sa kaniyang mga obra ay halos itim na lang ang likuran ng mga imahe. Ang resulta ay mas nabibigyang-diin ang mga tauhan nitong maliwanag na kumpleksyon.

READ
Pagpapasidhi ng nasyonalismo

“Matagal ko na rin itong estilo, noong nag-exhibit kami naisipan na lang naming maging magkaiba ‘yong tema namin,” ani Delos Angeles.

Ilan sa mga gawa ni Balboa sa exhibit ay ang “Pupu,” na nagpapakita ng isang lalaking dumudumi habang naninigarilyo.

“Ipinapakita ng pintang ito ang sarap na nararamdaman ng isang tao kapag nailalabas niya ang kaniyang mga problema,” aniya.

Ang “Pasang Awa” naman ay larawan ng isang matandang lalaking nakakuha ng pasang-awang grado. Gayon pa man, kita ang kaniyang pagiging masaya at kuntento sa nakamit na marka. Marahil isa rin itong paalala na hindi hadlang ang edad upang makamtan ang edukasyon.

“Ensayo lang nang ensayo at maging bukas ang pag-iisip sa mga iba pang uri ng sining, ang iba kasing mga estudyante ay kung ano lang ang nakikita nila, iyon lang ang nagiging basehan ng kanilang inspirasyon,” mungkahi ni Balboa sa mga kabataang nagnanais maging pintor.

2 COMMENTS

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.