ANG MGA kontribusyon ni National Artist for Visual Arts Victorio C. Edades sa mundo ng sining ay binigyang pugay nang inilunsad ng kaniyang mga dating estudyante at kasamahan sa UST ang Edades Projects.
Ang proyektong ito ay isang pagbalik-tanaw sa makulay na buhay ng maestro at pagkilala sa kaniya bilang “Ama ng Modernong Sining sa Pilipinas.”
Bilang patikim ng Edades Projects, isang eksibisyong pinamagatang Afternoon Tea at Edades’ Garden ang inilunsad sa kaniyang dating tahanan sa San Juan noong Hulyo 29.
Kilala din si Edades sa pagtatag niya ng College of Architecture and Fine Arts (CAFA) noong 1935 na ngayo’y tinatawag nang College of Fine Arts and Design (CFAD).
Isa rin sa mga nagpunta ay si Belen Morey, isang propesor noong direktor pa si Edades ng CAFA. Inalala niya ang pagtaguyod ng unang Interior Design course sa Pilipinas.
“We just finished in an interior design course in New York…Mr. Edades thought if New York had interior design, UST should too,” ani Morey.
Isa sa mga dumalo ay si Veronica Lim-Yuyitong na dating estudyante ni Edades. Isinalaysay niya na tumayo si Edades bilang ama ng mga estudyante at kaibigan naman ng mga guro. Ayon kay Lim-Yuyitong, na ngayon ay isa nang batikang arkitekto, si Edades ang nagtulak sa kanila na magsanay.
“Kaunti lang ang mga libro tungkol sa sining noon at ang mga ito ay nakalagay pa sa faculty room na bawal tambayan ng estudyante. Si Sir Edades ang mismong pumapayag noon na basahin namin ang mga libro doon,” ani Lim-Yuyitung.
Isa pang estudyante ni Edades ay si Rodah Recto na nagretiro bilang propesor sa CFAD kamakailan lang.
“Minsan ko siyang naakunan ng retrato habang nagsusulat sa pisara,” ani Recto, ngunit hindi na niya mahanap ang nasabing larawan.
Ayon kay Morey, buong-pusong inialay ni Edades ang kaniyang taglay na galing at talino sa sining sa loob at labas ng Unibersidad. Dahil naging malapit siya sa maestro ay madalas itong bumisita sa San Juan upang makasama ang mag-asawang Edades.
“We used to visit this house and have a drink or have tea with Mrs. Edades,” ani Morey.
Sa kasalukuyan ay pag-aari na ng pamilyang dayuhan ang bahay ng mga Edades, na nabili nila noong 1960’s.
Isang lumang sulat ang nagpatunay ng galak ng mag-asawang Bohannan sa kanilang bagong tahanan. Nilalaman ng sulat ang sumusunod na puri para sa dating tinutuluyan ni Edades:
“Formerly the Edades Atelier evolved by an artist/ (architect) on his “off” moments, it is comfortably non-elegant, compatible with the Bohannesque, and a conversation piece.”
Ang katapusan ng Edades Projects ay mamarkahan ng eksibisyon ng mga obra maestro ng ama ng modernong sining at ng mga sumikat nitong mga estudyante na mangyayari sa Nobyembre 11 sa National Museum.
Inihahatid ng Liongoren Gallery, National Museum, at UST ang Edades Projects bilang pagpupugay sa apat na siglo ng edukasyong Tomasino. Alyosha J. Robillos