SA UNANG pagkakataon ay ibinatid ng isang dayuhang estudyante ng Unibersidad ang sining ng mga kwentong Bibliya sa Wayang Wahyu, isang eksibisyon ng Indonesian biblical shadow puppetry na ginanap sa UST Museum of Arts and Sciences mula Agosto 16 hanggang Setyembre 2.

Ang Wayang Wahyu ay nagmula sa tesis ni Baroto Murti Anindito ng Master of Fine Arts sa Graduate School. Ninais ni Anindito na mag-iwan ng marka sa kasaysayan ng Indonesia at ng UST. Isinagawa niya ito sa pamamagitan ng paghalo ng sining ng kaniyang inang bayan at ng dominanteng relihiyon sa Pilipinas.

“Lubos kong ipinagmamalaki na ako’y Tomasino. Ang UST ay ang pinakamahusay ng unibersidad para sa mga kursong may kinalaman sa sining at kultura dahil sa labis na pag-gabay at pagsuporta nito sa mga estudyante,” ani Anindito na negosyante, manunulat, at chairman of the board ng isang paaralang interansyonal sa Indonesia.

Ang Wayang ay representasyon ng kayamanan ng kultura ng Indonesia at ng katangian ng mga Indones na magkaroon ng taglay na interes sa lahat ng uri ng sining.

“UNESCO has declared the Wayang (shadow puppetry) a Masterpiece of Oral and Intangible Heritage of Humanity…it is used to tell the stories of ancient epics Mahabharata and Ramayana,” paliwanag ni Yohanes Kristiarto Legowo, ambasador ng bansang Indonesia sa Pilipinas na dumalo sa pagbukas ng eksibisyon.

Ayon kay Anindito, ang Wayang ay halimbawa ng amalgamasyon ng iba’t-ibang sining tulad ng pag-arte, musika, literatura, sining biswal, at pilosopiya. Samantalang ang Wahyu naman ay ang uri ng Wayang na nakatutok sa mga istoryang mahahanap sa Bibliya.

READ
Palanca, anyone?

“Binibigyan nito ang mga tao ng pagkakataong ituro o ibatid ang nilalaman ng Bibliya sa paraang nakakaaliw para sa karamihan,” ani Anindito.

Ang Wayang Wahyu ay ang kauna-unahang eksibisyon ng biblical shadow puppetry sa 400 na taon ng Unibersidad. Makikita dito ang iba’t-ibang imahe na mahahango mula sa ng Bibliya.

Ilan sa mga papet na ihinango sa imahe ni Kristo ay nagpapakita sa kaniyang mga naging paghihirap bago siya bawian ng buhay.

Mayroon ding rendisyon si Anindito ng sikat na “Pieta,” kung saan ipinapakita ang madramang eksena ng mag-inang si Maria at si Jesus nang siya ay pumanaw at naibaba sa krus.

Ang mga likha ni Anindito ay gawa sa balat at sungay ng kalabaw na nagbubunyag ng mga detalyeng nakikita lamang kapag itinatapat ang mga piyesa sa matingkad na ilaw.

Sa katunayan, ang sining ni Anindito ay tunay ngang naguudyok ng maaliwalas na damdamin at nagsisilbing prueba sa nararapat na katangian ng sining na isinalaysay ni P. Isidro C. Abaño, direktor ng UST Museum, noong pagbukas ng Wayang Wahyu;

“…(art that) must have been born out of the spirit that inspires.”

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.