NAGSILBING liberettist (may-akda) ang National Artist for Literature at Tomasinong si Bienvenido Lumbera para sa Noli Me Tangere, the Musical na itinanghal sa Cultural Center of the Philippines mula Agosto 5 hanggang Agosto 28.
Kabilang sa malalaking pangalan sa likod ng musical ay sina Audie Gamora na tumayo bilang direktor, Ryan Cayabyab bilang direktor ng musika, at Salvador Bernal bilang costume designer.
Maliban sa pagpaparangal sa ika-150 taong kaarawan ni Jose Rizal, ang musical ay isa ring paglunsad ng national campaign na pinangungunahan ng Kagawaran ng Edukasyon at Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas. Ang kampanya ay nag-uudyok sa kabataan na makipagsanib puwersa sa Kabataang Rizal Movement upang isulong ang mga ideya at pangarap ni Rizal para sa Pilipinas.
Kagandahan at kabaliwan
Nagsisimula ang dula sa pagdating ni Ibarra sa bayan ng San Diego mula sa pag-aaral niya ng liberal arts sa Espanya. Kasama sa mga naghihintay sa kaniyang pagdating ay ang maganda at relihiyosang si Maria Clara de los Santos, ang kaniyang iniirog. Sa mga unang eksena ipininta ang daloy ng buhay noong panahon ng mga Kastila. Dito rin naipakita sa mga manonood ang mga elementong nagpapatakbo ng lipunan noon: ang kayamanan, relihiyon, at kapangyarihan.
Sa unang eksena din ipinahiwatig ang ipinagbabawal na pagsinta ng isang prayle, si Padre Salvi, sa dalagang minamahal ni Ibarra.
Sa kabanatang ito ipinakilala ang mga importanteng tauhan sa kuwento na nagbigay kulay sa nobela ni Rizal, tulad ni Padre Damaso at Elias.
Pangungulila at pagpapanggap
Sa mga susunod na kabanata ay matutunghayan ang pag-awit ni Elias tungkol sa kanser ng lipunan na umuugat sa mga kasuklaman ng mga conquistadores. Masusundan ito ng isang nakakatuwang pagsasalaysay ng buhay ng mag-asawang mapagpanggap na sina Doña Victorina at Don Tiburcio.
Tulad ng nobela, ang mga tauhan sa dula ay nagsisilbing ilustrasyon ng mga stereotype ng mga tao sa lipunan noon. Nirerepresenta ni Elias ang mga naapi at ang mag-asawang si Doña Victorina at Don Tiburcio ay halimabawa ng mga naging tuta ng mga taong nasa mataas na posisyon.
Ang mga susunod na pangyayari ang eksplanasyon sa pag-aaklas ni Ibarra at ang rason ng kaniyang pagiging excommunicado, kung saan unti-unti siyang nilalamon ng pamahalaang walang hustisya. Sa pagkatao ni Ibarra makikita ang mga pakikipaglaban para sa mga karapatan ng mga Pilipinong hindi nag-wagi.
Ang katapusan ng dula ay mamarkahan ng pagpasok ni Maria Clara sa kumbento dahil sa akala nitong patay na si Ibarra.
Ang musical ay pinagbibidahan ni Mark Bautista at Gian Magdangal bilang Crisostomo Ibarra at Cris Villonco bilang Maria Clara. Kasama rin sa musikal sina Bodjie Pascual bilang Padre Damaso, Al Gatmaitan bilang Padre Salvi, Aireen Antonio bilang Doña Victorina, at Garry Lim bilang Don Tiburcio. Kalahok rin sina Red Nuestro at Jonathan Tadioan bilang Kapitan Tiago, Jennifer Junglaus Villegas bilang Tia Isabel, Paolo Rodriguez bilang ketongin, Jerald Napoles at Riki Benedicto bilang Elias, at Angeli Bayani bilang Sisa.
Ang Noli Me Tangere, the Musical ay nakatakdang maglibot sa Estados Unidos, Europa, at Canada sa susunod na taon.