MULING binuhay ang masalimuot na pangyayari noong 2001 nang dinukot ng Abu Sayyaf ang mahigit 20 na mga lokal at dayuhang turista sa Palawan sa bagong pelikula ni Brillante Mendoza, ang Captive.
Naging senyal ang pagdukot ng lumalalang problema ng terorismong global at lalo pang umiinit na tensiyon sa bansa sa pagitan ng mga Kristiyano at Muslim, lalo pa’t kasama sa mga dinukot ang mag-asawang misyonerong Protestante na sina Martin at Gracia Burnham.
Ang sinapit ng mga Burnham ang naging pokus ng pelikula ni Mendoza na pinangungunahan ng Pranses na aktres na si Isabelle Huppert na kilala sa pelikulang La Pianiste (2001) at sa dalawang beses na paggawad sa kaniya bilang pinakamahusay na aktres sa Cannes Film Festival (1978, 2001).
Gumanap si Huppert bilang Therese, isang kathang-isip na karakter halaw kay Gracia Burnham na nagsulat ng libro tungkol sa pagkakabihag nila. Sinundan ang paglalakbay niya kasama ang iba pang mga bihag mula sa kanilang pagkakadukot sa Dos Palmas Resort sa Palawan hanggang sa kanilang mahigit isang taon na paggala at pagtatago sa mga masukal na gubat ng Basilan.
Sinubok ang mga bihag ng kalikasan, mga paminsan-minsang engkuwentro ng mga terorista laban sa mga militar, at pati na ng sabaya o ang sapilitang pagpapakasal ng mga babaeng bihag sa mga lider ng rebelde.
Ipinakita rin ang paglalapastangan ng mga Abu Sayyaf sa Kristiyanismo, gaya ng pagtapon ng mga Bibliya sa karagatan at paghampas ng baril sa rebulto ng Birheng Maria.
Sinama sa pelikula ang magic realism, o ang paghahalo ng mga elementong pantastiko sa totoong buhay, nang magpakita kay Therese ang sarimanok, ang alamat na ibon mula sa mga Maranao ng Mindandao, sa mga oras na nawawalan na ang mga bihag ng pag-asa na makalalaya pa sila.
Subalit ipinakita rin ang makataong aspeto ng mga miyembro ng Abu Sayyaf na sa kabila ng matapang at tila batong damdamin ay marunong din naman silang makihalubilo at makipagtawanan sa Kristiyano.
Nakapupukaw ng damdamin ang isang batang rebelde na bagaman hindi nakapag-aral ay nagpakita kay Therese ng malasakit at kabutihan.
Nagwakas ang pelikula sa tangkang pagsagip sa apat na natitirang bihag, kasama si Therese.
Ayon kay Mendoza, na nagtapos ng kursong Advertising Arts sa dating College of Architecture and Fine Arts noong 1982, nais niyang ipakita ang dalawang panig ng pangyayari nang hindi umiiral ang pansariling ideolohiya.
Kinunan nila ang pelikula ayon sa pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari upang maramdaman ng mga artista ang hirap at takot na naranasan ng mga bihag sa tunay na buhay. Bagaman hindi pumunta ang mga artista at buong tripulante ng pelikula sa mga lugar kung saan mismo nangyari ang mga pagbihag, sinubukan naman nilang maging makatotohanan ang disenyong pamproduksiyon para na rin sumalamin sa mga lugar na tunay na pinangyarihan ng mga insidente.
Isang halimbawa ay ang bangkang ginamit ng mga rebelde upang dalhin ang mga bihag mula sa Palawan. Hinalaw ang disenyo ng bangka mula sa totoong ginamit ng mga rebelde sa paglalakbay sa dagat.
Kabilang din sina Sid Lucero, Angel Aquino, Raymond Bagatsing, Rustica Carpio, at Mercedes Cabral sa mga artistang nagsipagganap.
Kasama ang Captive sa mga patimpalak na kategorya sa nakaraang ika-62 Berlin International Film Festival sa Germany.
Ang Captive ay isang pelikula na hindi madaling malilimutan ng mga manonood dahil sa mga kapani-paniwala at nakabibiglang pagkakatulad nito sa panahon ngayon lalo pa’t hindi pa rin natatapos ang gulo sa Mindanao. Ayon kay Mendoza, tungkol ang Captive sa “pagliligtas ng sarili, ng buhay sa harap ng mga paghihirap at sa mga situwasyong mahirap kontrolin.”