BILANG pagdiriwang ng ika-690 anibersaryo ng kanonisasyon ni Santo Tomas de Aquino, inihandog ng UST Museum of Arts and Sciences ang isang eksibit na tampok ang kagandahan ng garing, Ars Eboris Sacri (Art of Sacred Ivory): Ivory and Controversy.

Nagbukas ito noong ika-18 ng Hulyo at magtatapos sa ika-28 ng Setyembre. Layunin ng eksibit na ipahayag ang pagkadismaya ng Unibersidad sa ilegal na pagpatay sa elepante at pagpuslit ng garing, na gawa sa pangil ng mga ito.

Itinanghal ng Unibersidad ang mga koleksiyon nitong relika na ginawa pa noong ika-16 hanggang ika-19 na siglo. Isa sa mga ito ang “Crucifixion of Christ,” ang pinakamalaking imahe sa Pilipinas na gawa sa garing.

Naging tampok din ang imaheng ito sa isang artikulo ng National Geographic na pinamagatang “Blood Ivory” ni Bryan Christy.

Inilahad ni Christy ang ilegal na pamamaraan sa pangangaso ng mga elepante. Naging tampok dito ang pinakakilalang kolektor ng garing na si Monsignor Cristobal Garcia na ipinakita kay Christy ang kaniyang koleksyon at kung paano makakuha at magpuslit nito.

Ani P. Isidro Abaño, O.P., direktor ng museo, hindi hinihimok ng Unibersidad ang ilegal na pagkuha ng garing at ang koleksiyon ng museo ay bahagi na ng kultura at kasaysayan kaya naman kinikilala ng Unibersidad ang responsibilidad nito na pangalagaan ang mga antigong relika.

“They [relics] are preserved because they serve as reminders of the heritage of mankind’s ingenuity,” ani Abaño. “We are protecting the good that came from the past; at the same time, being aware to preserve the beauty of the good and to avoid the bad.”

READ
Dalawang estudyante ng CFAD nagpakitang gilas sa unang exhibit

Ilan sa mga relika na itinanghal ay ang “Mother and Child” na mula pa sa ika-18 siglo. Ang isa pang imahen, “La Divina Pastora,” ay nakuha pa noong huling bahagi ng ika-19 siglo; ito ay gawa sa garing, salamin at kabibe.

Isang tableau naman ang “Calvary Scene,” na yari sa garing at kahoy. Ipinapakita nito si Santa Veronica at Birheng Maria na nakatingin sa nakapakong Hesu Kristo. Ito’y mula pa sa ika-19 na siglo.

Ipinamalas din ang yari sa garing at kahoy na imahe ni San Francisco Javier, isang Heswitang misyonero.

Isang malaking rebulto ni Santo Tomas de Aquino ang itinanghal din sa eksibit. Yari sa kahoy at garing, ang imahe ay may hawak na pluma sa kaliwang kamay at simbahang nakapatong sa libro naman sa kaniyang kanang kamay. Ginawa ang imahe sa pagitan ng ika-19 at ika-20 na siglo.

Ilan ding mga kilalang imahe sa kasaysayan ng Pilipinas ang itinampok. Isa na rito ang pinaniniwalaang pinakamatandang imahe ng Pilipinas na yari sa garing, ang Our Lady of the Rosary, o La Naval de Manila. Itinuturing na mahalagang kayamanan at sentro ng debosyon ang 41-sentimetro na imahe na matatagpuan sa Simbahan ng Santo Domingo sa Quezon City. Ito ay mula pa sa ika-17 na siglo.

Dalawa pang imahe na yari sa garing ang nasa Simabahan ng Santo Domingo—ang Beata Juana de Aza at San Pio Quinto.

Ayon kay Bise Rektor P. Richard Ang, O.P., itinuro ni Santo Tomas de Aquino ang konsepto ng pagiging makatao upang makamit ang kinabukasan.

“When it comes to human relation with a non-human world, care and not domination should be the operative moral principle,” aniya. “A Thomistic approach to the futurity problem did not exclude and devalue other species.”

READ
CPT is now College of Rehabilitation and Science

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.