ANO nga ba ang kahulugan ng salitang “ano?” At ano naman ang ibig sabihin ng salitang “basta?”
Sa pangungusap na “Ano nga ulit iyon? ‘Yung ano… basta yung ano!” na madalas kong marinig at sabihin, sigurado ako na kapag dalawang Pilipino ang nag-uusap at gumagamit ng mga salitang ito ay magkakaintindihan sila bagaman wala itong tiyak na kahulugan.
Ilan lamang ito sa milyun-milyong mga salita at kataga na pinauso ng mga Pinoy. Ang mga ito ay patuloy na dumadagdag sa mayaman at minsa’y komplikadong bokabularyo ng Pilipino.
Noong nakaraang taon, pinarangalan ng Sawikaan 2010, isang kompetisyon ng mga salitang namayani sa taon, ang salitang “jejemon” bilang Salita ng Taon. Ang salitang jejemon ay tumutukoy sa mga taong mahilig gumamit ng mga dagdag na letra sa pakikipag-text gaya ng “ellow phouwz” at mailalarawan din sila sa kanilang pananamit na may “jeje cap,” isang sombrero na ipinapatong lamang sa ulo. Bagaman umani ang salitang ito ng maraming batikos mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan?akademiya at politika, kasama na rin ang mga dating jejemon na itinatakwil ang dating sarili dahil ayaw mabansagang baduy o “jeje,” ang kalayaan pa rin ng wika ang nanaig mula sa mga ito.
Ang wika?daynamiko sa kaniyang kalikasan, ay may sariling buhay. Gaya ng isang nabubuhay na bagay, ito ay may sariling yugtong sinusundan mula sa unang pagkagamit hanggang sa kumalat ito sa madla gaya ng isang epidemya na mahirap matigil.
Ang bokabularyo ng Pinoy ay maituturing na “katangian” mismo ng kaniyang lahi. May mga salita at kataga na kapag binanggit ay agad-agad mong mahihinuha na Pinoy ang nagsabi. Ito ay pinatutunayan ng mga salitang “hoy,” “psst,” “po,” “opo,” at marami pang iba. Alam mo rin na isang Pilipino ang nagsasalita kung ang kaniyang sinasabi sa pagbili ay” Colgate” sa halip na toothpaste, Xerox sa halip na photocopy, at marami pang iba.
Isa ring katangian ng mga salitang Pinoy ay ang pagiging pang-uri o pang-abay ng isang pangngalan kapag may isang pambihirang pangyayari ang maiuugnay sa isang salita. Halimbawa ay ang katagang “ma-Miriam” na tumutukoy sa posibilidad na matulad sa nangyari kay Miriam Quiambao na natapilok noong kaniyang pagrampa sa Miss Universe 1999.
Iniaangkop ng wikang Filipino ang sarili sa pabago-bagong panahon at pangyayari kung kaya’t nananalasa ang iba’t ibang language trends sa bansa gaya ng swardspeak o salitang bakla; pagiging konyo o ang pagapalit ng wika mula Ingles sabay magiging Filipino o kabaliktaran; jejemon; at ang usong-uso ngayong bekimon o pagsasalita ng matatas na salitang bakla.
Ang iba’t ibang trends na ito ng wikang Filipino ay isang pagpapatunay ng pagkamalikhain at katalinuhan ng mga Pinoy. Makikita natin sa kasaysayan ng wikang ito ang isang rebolusyon kung saan lumago at lumawak ang dating simpleng katutubong wika na mula pa sa ating mga ninuno.
Ang wikang Filipino ngayon ay nasa isang ginintuang panahon kung saan malaya itong naipapahayag at nasasambit ng mga Pilipino. Ngunit dapat ding tandaan na kalakip ng kalayaan sa wika ay ang responsibilidad ng wastong paggamit.
Taliwas sa iniisip ng iba, naniniwala ako na hindi wikang Ingles ang kalaban ng wikang Filipino. Ito ay hindi tanong ng kung sino o ano ang wikang madalas na ginagamit at sinasalita ng isang tao dahil maaaring ang kaniyang pananalita ay hinihiling lamang ng kaniyang kapaligiran o isang angkop ng pakikiayon sa panahon. Ang higit na kalaban ng wikang Filipino ay ang mga Pilipino mismo na hindi marunong magmahal at gumalang sa wika?silang mga nanliliit sa kanilang wika at nagpapanggap na hindi matatas sa sariling wika. Sa kalayaan ng wikang Filipino ngayon, nagpapasalamat ako sa ating wika na tunay ngang napakayaman at mapagpalaya. Ito ay nagpapatingkad ng ating pagkakilanlan bilang mga Pilipino at nagbibigay ng pag-asa’t pagkakataon upang maipahayag ang mga ideya na madalas ay hindi pinakikinggan ng mga nasa itaas.