HUMAKOT ng 75,776 na manonood ang Cinemalaya Philippine Independent Film Festival Competition na ginanap sa Cultural Center of the Philippines (CCP) sa Pasay City, Trinoma sa Quezon City, Greenbelt sa Makati, at Alabang Town Center sa Muntinlupa noong Hulyo 27 hanggang Agosto 4. Mas mataas ito ng 13 porsiyento mula sa mahigit 66,000 na manonood noong nakaraang taon.

Ang ika-siyam na pagdiriwang ng malayang pelikula ay isa sa mga pinakamatagumpay sa kasaysayan, ayon sa presidente ng CCP na si Nestor Jardin.

“I think this is one of the best batches we ever had,” ani Jardin. “The true success of a festival lies in the quality of its films. And I guess our audience has become engrossed to agree with us.”

Humakot ng sampung parangal ang Transit ni Hannah Espia sa kategoryang New Breed, ang patimpalak para sa mga bagong direktor. Ito ay tungkol sa isang pamilyang Pilipino na nakipagsapalaran sa Israel habang nangangambang mapatalsik sa bansa ang pinakabatang miyembro nito dahil sa istriktong panuntunan ng Israeli immigration na tinuturing hindi makatarungan mismo ng mga Israeli.

Bagamat marami nang pelikulang nagsasalaysay sa buhay ng mga OFW, naniniwala si Espia, na siyang nanalo bilang pinakamahusay na direktor, na ang pelikula ay nakapagbigay ng bagong perspektiba sa usapin.

Natamo rin ng Transit ng parangal na Best Original Music Score, Cinematography, editing at Audience Choice.

Nakamit din ng pelikula ang Network for Asia-Pacifc Cinema (Netpac) Award, na binigay ng isang internasyonal na organisasyon bilang pagkilala sa mga independent films sa Asya.

Sina Irma Adlawan at Jasmine Curtis Smith na gumanap bilang mag-ina sa naturang pelikula ay pinarangalan bilang pinakamahusay na pangunahin at pangalawang aktres.

READ
Medical Missions' 'Yolanda' effort wins award

Samantala, nagkamit naman ng Best Screenplay, Best Sound at Special Jury Prize ang Quick Change ni Eduardo Roy, Jr. na tungkol sa ilegal na cosmetic surgery business ni Dorina (Mimi Juarez), isang transgender siya namang pinarangalan na Best Actor.

Tinanghal na Best Film ang Sana Dati ni Jerrold Tarog sa kategoryang Director’s Showcase, ang patimpalak ng Cinemalaya para sa mga batikang direktor. Tungkol ito kay Andrea (Lovi Poe) na nalagay sa alanganin ang kasal sa mismong araw ng pagiisang-dibdib niya nang dumating ang isang misteryosong lalaki na nagpaalala sa kaniya ng dating kabiyak.

“Sinulat ko ito pitong taon na ang nakakaraan. Lahat ng anti-romantic comedy na naisip ko binuhos ko lahat, ‘yon ang pinaka-inspirasyon ko,” ani Tarog, na nanalong Best Director.

Humakot ang Sana Dati ng parangal sa Best Screenplay, Best Sound, Best Original Musical Score, Best Editing, Best Production Design at Best Cinematography. Tinanghal namang Best Supporting Actor si TJ Trinidad, na gumanap sa mapapangasawa ni Andrea.

Nagwagi ng Special Jury Prize ang Ekstra ni Jeffrey Jeturian. Tungkol ito sa isang araw sa buhay ng isang ekstra sa dulang pampelikular, na ginagampanan ni Vilma Santos sa siya naming ginawaran ng parangal bilang pinamahusay na aktres.

Maiikling pelikula

Sa kategoryang Short Feature, hinirang na pinamahusay na pelikula ang The Houseband’s Wife ni Paolo O’Hara. Tungkol ito sa baligtad na mundo ng mag-asawa: dahil si misis ang napunta sa ibang bansa upang kumayod, naiwan si mister sa bahay upang mag-alaga ng pamilya. Tanging Skype lamang ang kanilang pamamaraan para magkausap at magkaniig, na nauwi naman sa isang malubhang di-pagkakaunawaan.

READ
The plague that is irresponsible reporting

Nakamit naman ng Special Jury Prize at Audience Choice Award ang Taya, na tungkol sa mga larong kalye ng mga bata habang nangyayari ang isang malagim na demolisyon.

Nanalo ng pinakamahusay na direktor si Jann Eric Tiglao para sa Onang, na umikot sa pangarap isang labindalawang taon gulang na batang babae na mapabilang sa isang koro sa kabila ng pang-aabuso sa kanya ng nabiyudong ama. Mga Manununlat Ng Mulinyo

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.