TAMPOK ang tinig ng mga Tomasinong sina Noel Azcona at Ronaldo Abarquez sa konsiyertong La Cenerentola, isang rendisyon ng klasikong opera na pagsasadula ng kuewentong Cinderella, ng Italyanong si Gioachino Rossini sa Meralco Theater noong ika-15 Agosto.
Ang baritonong si Azcona ay gumanap bilang si Don Magnifico, ang pangunahing kontra-bidang amain ni Cenerentola, habang ang robalo (bass) namang si Abarquez ang gumanap sa papel ni Propesor Alidoro.
May kaunting pagkakaiba sa orihinal na istorya ng Cinderella ang bersyon ni Rossini: nagpanggap bilang kawal ang prinsipeng si Ramiro, at ang pagbibigay ng pulseras ni Cenerentola kay Ramiro imbis na pagkaiwan ng glass slipper. Pinalitan naman ni Propesor Alidoro ang papel ng fairy godmother.
Sa tulong ni Propesor Alidoro, nakarating sa palasyo si Cenerentola dahilan kung paano nagkatagpo sila ni Prinsipe Ramiro. Napahimig ng isang matikas at malambing na duweto ang dalawa, at nang alukin ni prinsipe Ramiro ng kasal si Cenerentola ay agad siyang umalis at iniwan sa Prinsipe ang suot na pulseras.
Tungo sa dulo ng konsiyerto, nakilala ni Ramiro kung sino ang may-ari ng pulseras dahil nakita nito sa bahay ni Don Magnifico ang kapares na pulseras na iniwan ni Cenerentola sa kaniya. Sa parteng ito din ipinamalas ng mga bidang mang-aawit ang grandiyosong giant double crescendo—isa sa mga kilalang istilo ni Rossini sa opera.
Nagtapos ang kuwento sa pagpapatawad ni Cenerentola sa kaniyang mga hermanastra (stepsisters) kung kailan narinig ang nakakahumaling na kresendo at diminuendo ng kanilang mga boses.
Bidang Tomasino
Naging posible ang pagganap ni Azcona at Abarquez, na pawang nagtapos sa Conservatory of Music, dahil sa imbitasyon ni Joseph Uy, tagapamahala ng Manila Chamber Orchestra Foundation.
Bagamat dalubhasa na sa pagkanta ng Italyano, inamin ni Azcona na hindi madali ang kanilang pagsasanay para sa konsiyerto.
“I have sung many Italian songs and a number of Italian operas but this particular opera is quite challenging," ani Azcona. "Not only vocally but to get used to the text being sung at a very fast tempo was taxing.”
Kasalukuyang assistant music director ng UST Singers si Azcona at dati namang miyembro ng UST Singers, UST Coro Tomasino at UST Liturgikon Ensemble si Abarquez, na nagtapos ng Bachelor of Music in Voice.
Kabilang rin sa mga tampok na mang-aawit sina Karin Mushegain na gumanap bilang si Cenerentola, Arthur Espiritu bilang si Prinsipe Ramiro, Byeong-In Park bilang Dandini, Myramae Meneses bilang Clothilde at Tanya Corcuera bilang Tisbe. Kasama nila ang Manila Symphony Orchestra at Aleron all-male choir sa ilalim ng pamamatnubay ng konduktor na si Darrell Ang.
Mapupunta sa Juan Antonio Lanuza Endowment Fund for Advance Vocal Studies ang mga malilikom mula sa konsiyerto upang makatulong sa mga kabataang may hangaring maging mang-aawit.