MGA NAPAPANAHONG usapin sa lipunan ang itinampok ng Tomasinong pintor na si Melvin Culaba sa kaniyang eksibisyong pinamagatang Marker na itinanghal mula Hulyo hanggang Agosto sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas o CCP.
Sa pamamagitan ng kaniyang mga obra na gumagamit ng istilong social realism, umaasa si Culaba na magsilbi itong paalala sa publiko na alagaan ang mga historical sites ng bansa.
“Ito ay pagpapahalaga o paggalang sa kasaysayan o historical sites na pinapabulok at nasisira,” ani Culaba sa isang mensahena ipinadala sa Varsitarian.
Maliwanag ang paggamit ng nasabing istilo sa “Wala nang Aangguluhan, Tibagin na ‘Yan,” na naglalarawan ng isang itim na asong kagat ang retrato ng Rizal Monument at ng pinagtatalunang kondominyum ng Torre de Manila.
“Sabi ni [Joseph] Estrada na [um]anggulo ka lang daw para hindi makuha sa picture ang Torre,” ani Culaba. “Ang solusyon ko, tibagin na.”
Para kay Culaba, ang kanyang pagtatanghal ay naglalahad ng kaniyang mga sentimyento sa mga isyu na tinatalakay at kinakatawan ng bawat larawan.
“Ang ‘Debateng O-A (apple-orange)’ ay patungkol sa walang silbing pulitiko,” aniya, samantalang. ang “Pinag-aaralan Pa” ay tungkol naman sa kalidad at mga problema sa edukasyon sa bansa.
Isa pa sa mga nilikha ni Culaba, ang “I Was Here” na naglalarawan ng isang bata na kinukuhanan ng “selfie” ang kaniyang sarili.
Samantala, ang mga larawan na “Mabuhey… Babalik Ka Rin” at “Makibaboy… ‘Wag Matakot” ay nagpapakita ng mahirap na pamumuhay sa lungsod ng Maynila.
Sa pamamagitan ng “Marker,” nais maiparating ng pintor ang mensahe ng korupsiyon, kamamangman ng masa, at kawalan ng katarungang panlipunan.