ANG PAGHIMLAY sa katawan ng dating pangulo at diktador na si Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) ay pagbubunyi ng kaniyang alaala at malaking insulto sa sambayanan na nagpatalsik sa kaniya noong 1986.

Noong ika-10 ng Agosto, pormal nang ipinag-utos ni Pangulong Duterte sa Hukbong Katihan ng Pilipinas na ihanda ang lahat ng pangangailangan para sa libing na may “military honors” na igagawad sa yumaong Pangulo.

Kasama na rito ang paglilipat ng kaniyang katawan mula sa kasalukuyan nitong himlayan sa Batac, Ilocos Norte—ang kaniyang sinilangang-bayan—tungo sa pambansang sementeryo sa Taguig.

Bagaman marami ang nadismaya, ipinagtanggol ni Duterte ang kaniyang desisyon at sinabing sinusunod lamang niya ang nakasaad sa Republic Act (RA) 289 na naglalaan ng isang panteon o shrine para sa mga labi ng mga nagsilbing pangulo sa LNMB.

Ayon sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas, huling hantungan ang LNMB ng mga sundalong nagbuwis ng kanilang mga buhay para bayan, gaya ng mga beterano noong mga pandaigdigang digmaan.

Kabilang rin ang mga aktibo at retiradong sundalo, mga pangulo, mga chief of staff ng Hukbong Sandatahan, mga kalihim ng Tanggulang Pambansa, mga awardee ng Medalaya ng Kagitingan, at mga Pambansang Alagad ng Sining at Agham sa listahan ng mga maaaring ilibing sa LNMB.

Kung batas lamang ang magiging batayan, legal ang paglibing kay Marcos sa 103-ektaryang sementeryo. Ito rin ang katuwiran ni Duterte na piniling kaligtaan ang pagpapatunay ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas na palsipikado ang ilang mga medalya at tala ni Marcos sa kaniyang karera sa militar.

Ani Duterte, ang paglibing kay Marcos sa LNMB ay bilang pangulo at sundalo; hindi bilang bayani.

Subalit mahirap paghiwa-hiwalayin ang katauhan ng maniniil na nagpasailalim sa bansa sa isang madilim na yugto ng kasaysayan nito.

Ayon sa RA 289, tampok ang mga nakahimlay sa LNMB upang magsilbing “inspirasiyon” sa mga susunod na henerasyon.

Kung gayon, tila isang insulto sa kasaysayan at sa alaala ng lahat ng mga biktima ng Batas-Militar ang panukalang ilibing si Marcos sa LNMB.

Napakahirap pangatuwiranan kung papaano magsisilbing mabuting halimbawa si Marcos sa mga susunod na henerasiyon kung titingnan ang dami ng mga karapatang-pantao ang nilabag sa ilalim ng kaniyang katungkulan.

Ayon sa ulat ng Amnesty International, 70,000 na tao ang ikinulong, 34,000 ang sumailalim sa tortyur at 3,240 ang pinatay noong panahon ng Batas Militar.

Noong Mayo 2015 naman, mahigit 75,000 ang nagpakilala sa Human Rights Victims Claims Board bilang biktima o kamag-anak o kakilala ng mga biktima ng Batas-Militar.

Hindi rin karapat-dapat si Marcos na mapabilang sa hanay ng mga sundalong namatay sa pakikipagdigma, lalo na’t siya’y namatay sa ibang bansa—sa Hawaii kung saan siya tumakas matapos patalsikin sa puwesto noong 1986.

Sapat na ang mga kasunduang inilatag ni Pangulong Ramos noon kasama na ang paglibing kay Marcos sa Ilocos Norte na may karagdagang military honors.

Maaaring maging kasangkapan ang paglibing kay Marcos sa LNMB sa patuloy na pambabaluktot ng ating kasaysayan (historical revisionism), lalo na’t kung ituturing siyang bayani ng mga susunod na henerasiyon.

Ilang dekada man ang lumipas, kahit maghilom ang mga sugat ng mga biktima, hindi dapat mawala sa alaala ng mga Pilipino ang mga pagmamalupit na nangyari noong panahon ng Batas Militar at ang panlalapastangang ginawa ni Marcos sa pagkapangulo.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.