IGINIGIIT ng mga nagtutulak ng federalismo sa Filipinas na mas mainam ang nasabing uri ng pamahalaan upang maibahagi nang maayos ang pondo sa mga rehiyon at hindi lamang nakasentro sa kalakhang Maynila.
Matagal-tagal na ring isinisisi sa konseptong tinatawag na “Imperial Manila” o ang konsentrasiyon ng kayamanan at kapangyarihan sa kapitolyo ng bansa, ang hindi pantay na paglago ng ekonomiya at pag-unlad ng mga rehiyon.
Ngunit sa panahon ng ‘di na mabilang na mga isyung pumapalibot at nagpupumilit na pagwatak-watakin ang bansa, marahil ay mas higit na kailangan ang isang gobyernong magbubuklod sa atin bilang isang bayan at hindi pa nga magiging sanhi ng dibisiyon nito.
Mas magiging matimbang ang hindi magandang maidudulot ng pagpapalit ng uri ng pamahalaan kaysa sa mabuting maibibigay nito. Magpapalala lamang ito ng ating suliranin pagdating sa mga pamilyang ganid sa kapangyarihan sa mga lokal na pamahalaan o mas kilala bilang mga political dynasty.
Ipinakita ng ilang pag-aaral na mas laganap ang kahirapan sa mga probinsiya sa mga kapuluan ng Visayas at Mindanao na pinamumunuan ng mga pamilyang matagal na sa politika.
Ipinakikita lamang nito na bago umambisiyon ang pamahalaan sa pagpapalit ng konstitusiyon ay nararapat munang ayusin ang mga suliraning panlipunan, pampolitika at pang-ekonomiya sa bansa.
Ang paglipat ng bansa sa isang pederal na pamahalaan ay isang “band-aid solution” na nagpapanggap na makabubuti sa bayan para lamang masabi ng pamahalaan ni Pangulong Duterte na may legasiya itong maiiwan sa sambayanan bago ito matapos sa puwesto.
Kung ito lang naman ang inaalala ng pangulo sa usapin ng pag-iiwan ng marka ay marahil wala na itong dapat ipag-alala sapagkat hindi naman makalilimutan ng madla ang libo-libong mga buhay na nalagas sa kaniyang madugong giyera laban sa droga.
Lubos ding nakababahala ang isinusulong ng mga mambabatas na palitan ang Saligang Batas sa pamamaraan ng isang constituent assembly at ang kongreso ang uupo upang pagdebatihan ang mga babaguhing probisiyon.
Kontrolado na nga ng partido ng pangulo ang mayorya, hawak pa ni dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang liderato ng Kamara. Sa mga kamay nga ba talaga ng mga taong ito natin ipagkakatiwala ang pagpapalit ng ating Saligang Batas?
Isang malaking insulto para sa mga kasapi ng binuong komite na sumulat ng “draft’ ng bagong konstitusiyon na ipaubaya na lamang sa mga naghahari-harian sa kongreso ang pagbabago ng Saligang Batas.
Sa pagtitipon ng Kamara at Senado bilang isang “con-ass,” malaki ang posibilidad na maipawalang bahala na lang ang pinagpaguran ng mga ekspertong tulad ng dating punong mahistrado Reynato Puno, dating pangulo ng Senado na si Aquilino Pimentel Jr., Julio Teehankee, at P. Ranhilio Aquino.
Wika naman ng dating senador Joey Lina, mayroon nang sariling bersiyon ng federalismo ang Filipinas—ang Local Government Code ng 1991. Layon ng batas na ito na isakatuparan ang mga prinsipyo ng lokal na awtonomiya at desentralisasiyon, parehong mga prinsipyo na nais makamit ng pederalismo.
Ayon din sa kasalukuyang Saligang Batas, dapat magtalaga ang pangulo ng regional development councils na kinabibilangan ng mga lokal na opisyal ng gobyerno at kinatawan ng mga non-governmental na organisasiyon, upang siguraduhin na pinauunlad ng mga lokal na pamahalaan ang kani-kanilang nasasakupan.
Pinapatunayan ng mga batas na ito na matagal nang ibinaba sa mga lokal na pamahalaan ang kapangyarihan na lutasin ang suliranin ng kani-kanilang hurisdiksiyon. Subalit hindi ito naisasakatuparan maaaring dahil sa mga kilalang pamilyang naghahari-harian sa bawat probinsya.
Hindi dapat minamadali ang pagbabago ng pangunahing batas sa Filipinas. Sa panahon kung kailan pinagwawatak-watak ng mga suliranin ang lipunan, mas mainam pa rin na magkaroon ng sentralisadong gobyerno na magbubuklod sa bawat rehiyon.
Kung hindi pagkakapantay-pantay sa pag-unlad ang nais lutasin ng federalismo, dapat ipaalala sa mga nagsusulong nito na may sapat na mga batas at mekanismo nang nakasulat sa ating Konstitusyon upang aksiyunan ito. Kailangan lang isakatuparan ang mga batas ng mga politikong tapat sa Saligang Batas at hindi sa ideolohiya ng iisang partido.