NASYONALISMO—malawak na kasaysayan, mas malawak na kahulugan.
Isang malaking usapin sa ating mga Pilipino ang sukatan ng pagiging makabayan. Ngunit lingid sa ating kaalaman, walang iisang batayan ang pagkamakabayan dahil sa mga umuusbong na mga kahulugan at paniniwala ukol dito.
“Iba na ang konsepto ng nasyonalismo ngayon. It is many different things to many different people depending on their orientation, where they live, their personal experience, religion, and language,” ani Maria Eloisa de Castro, propesor ng History sa Faculty of Arts and Letters.
Ayon sa akdang “Nationalism” (2009) ni Anthony Smith, dating propesor sa London School of Economics, ang mga kahulugan ng nasyonalismo ay maaaring nagmula sa pagkakaroon ng nasyon.
Ayon kay Smith, dalawang uri ang kinabibilangan ng mga kahulugan ng nasyon—ang objective factors at ang subjective factors.
Ang objective factors ay mga kahulugang nakatuon sa wika, relihiyon, asal, teritoryo, at institusyon.
Ang sinaunang kahulugan ng nasyonalismo na nakabatay sa geographical notion o pagsasama-sama ng mga tao sa iisang teritoryo ay isa sa mga halimbawa ng objective factors mula sa akda ni Smith.
“Before, the concept of nation is tied with a particular geographical location, the situatedness of people. It was quite easy to determine who the Filipinos are as people who reside and live in the Philippines,” ani Ferdinand Lopez, propesor ng Literature sa Faculty of Arts and Letters.
Idinagdag ni Lopez na ang mga naninirahan sa iisang teritoryo ang bumubuo ng nasyon at ang pananatili nila sa bansa ang nagiging sukatan ng nasyonalismo.
Samantala, ang subjective factors naman ay tumutukoy sa mga kahulugang nakasentro sa mga saloobin, pang-unawa, at sentimyento ng mga mamamayan.
Isang halimbawa nito ay ang paniniwala ni Nick Joaquin, National Artist ng Pilipinas, na makabubuo ng isang nasyon ang mga taong may magkakaparehong karanasan at ang kanilang iisang gawain sa kanilang sentimyento ang magiging sukatan ng nasyonalismo.
“Ayon kay Joaquin, nagsimula ang nasyonalismo sa Pilipinas noong dumating ang mga Espanyol dahil nagkaroon tayo ng isang magkaparehong karanasan: ang karanasang kolonyalismo sa ilalim ng mga Espanyol,” ani Lopez.
Paliwanag naman ni Benedict Anderson, dating propesor ng International Studies sa Cornell University, “A nation is an imagined political community—and imagined as both inherently limited and sovereign.”
Sa akda ni Anderson na “Imagined Communities: Reflections on the Origin and Spread of Nationalism,” imahinasyon ang itinuturing na pinagmumulan ng nasyon.
“It is imagined because the members of even the smallest nation will never know most of their fellow-members, meet them, or even hear of them, yet in the minds of each lives the image of their communion,” ani Anderson.
Dagdag ni Anderson, sa pagkatha ng kamalayan ng mga tao, nagkakaroon sila ng mga bagay na pinanghahawakan upang masabing bahagi sila ng isang bansa o nasyon.
Isang halimbawa ng katayuang ito ay ang mga expatriates o ang henerasyon ng mga Pilipinong isinilang sa ibang bansa at hindi pa nakatutungtong sa Pilipinas.
Ayon sa kahulugan ni Anderson, ang pagkakaroon ng imahinasyon ng mga expatriates ng bansang Pilipinas ay nagbibigay daan sa pagbubuo ng nasyon at ang proseso ng pagkakaroon nila ng palasak na imahinasyon sa bansa ay tinatawag na nasyonalismo.
“Because they [expatriates] share a common feeling and a common imagination of a homeland, the expression of that common yearning for the homeland is already an expression of nationalism. ‘Yung mga Filipino-American groups, lagi silang sumasali sa mga cultural performances; it’s their way of manifesting their affection to the motherland kahit wala naman sila dito [sa Pilipinas],” ani De Castro.
Puspos man ang pagpapatunay ni Anderson sa paniniwalang ito ay nagkaroon ng argumentong ang imahinasyon ay may kaparehong kahulugan ng imbensyon, fabrication o pagkatha, at falsity o kamalian kaya hindi umano dapat tanggapin ang kaniyang kahulugan.
Ngunit iginiit ni Anderson na hindi tama ang pagbibigay ng kahulugan ng mga salitang iyon dahil ang imahinasyon ay mas marapat na iugnay sa salitang creation o paglikha.
Sa kasalukuyan, ang pagkakaroon ng iba’t ibang kahulugan ng nasyonalismo ay nagbibigay ng mas malawak na sukatan ng pagiging makabayan.
“[Sa ngayon ang pagpapahayag ng nasyonalismo ay] iba-iba na—different degrees, different manifestations. ‘Di siya magkakapareho o ‘di siya puwedeng gawing istatistikal dahil hindi mabibihag ng istatistikal na pagsisiyasat ‘yung pagkakaiba at ‘yung antas ng damdamin o ‘yung imahe na mayroon sila para sa bansang mahal nila… Hindi na maikakahon ‘yung kahulugan ng nasyonalismo,” ani De Castro.