Laban para sa wika ay laban ng bayan

0
8623

ISANG malaking insulto at kahihiyan ang naging desisyon ng Korte Suprema na katigan ang utos ng Commission on Higher Education (CHEd) na gawing opsiyonal na lamang ang Filipino at Panitikan bilang mga asignatura sa kurikulum sa kolehiyo.

Sa bansang ito lamang yata hindi priyoridad ang pagkatuto ng sariling mamamayan ng kanilang wika. Ang naging pagpapasya na ito ay isang halimbawa ng ating neokolonyal at imperyalistang pag-iisip.

Tanging sa Filipinas lang pangalawa ang sariling wika–ang kaluluwa ng isang bayan–at mas tinitingala pa ang mga maalam sa wikang Ingles o Espanyol kaysa sa Filipino.

Mabilis tanungin ng iilan: Ano naman kung gawing optional ang Filipino sa kolehiyo, gayong aaralin din naman ito sa Senior High School?

Sa makitid ang utak, nagbibingi-bingihan at nagbubulag-bulagan ay marahil may punto ito. Ngunit para sa totoong nauunawaan ang kontribusyon ng wika sa pagkatuto ng mga mag-aaral, ang sagot ay ito: Ang wikang Filipino, bilang parte ng ating kultura, ay nagpapatibay ng ating identidad bilang mga Filipino.

Sa pangunguna ng kontra-wika at kontra-kulturang CHEd, ang pagbaba ng Filipino bilang isang pagpipilian na asignatura ay pagbaba ng pagtingin ng mismong mamamayan ng bansa sa sarili nilang wika.

Nakapanggagalaiting isipin na mismong CHEd ang kontra-wika at kontra-kultura na siyang nangunguna sa pagbaba ng tingin ng mga mamamayan sa sarili nilang wika sa pamamagitan ng pagbaba ng Filipino bilang isang asignaturang puwedeng pagpili-pilian lang.

Marahil ay hindi na nakagugulat na ang ganitong pagtingin ng mga lider ng bansa sa ating wika ay naipapakita sa kung papaano nila tratuhin ang mga nagluklok sa kanila sa kapangyarihang pinag-gaganid-ganiran nila: Imperyor sa banyaga at hindi inuuna ang kapakanan ng sariling mamamayan.

Hindi na rin kataka-taka kung bakit ang mismong lider ng bansa ay bahag ang buntot pagdating sa paglaban ng ating soberanya sa West Philippine Sea. Lahat ito ay binubuo ng pag-iisip na bilang mga Filipinong kilala sa mundo bilang “hospitable,” dapat palaging mas inuunang isipin ang kapakanan at karapatan ng dayuhan kaysa sa sariling kababayan.

Ano ang magiging epekto nito sa milyon-milyong Filipinong mag-aaral? Lalaki silang bawas ang pagpapahalaga sa sariling wika dahil nga naman hindi na nila ito aaralin pagtungo sa kolehiyo.

Ayos nang kabisaduhin at isapuso ang gramatiko at diksiyon sa wikang Ingles. Ayos nang hindi alam ang pagkakaiba ng paggamit ng “ng” at “nang” o na ‘di kaya naman ay marami sa ating mga diyalekto at lennguwahe ay unti-unting namamatay na. Tutal, tila ang layunin lang naman ng edukasyon sa bansang ito ay pagtapusin ng kolehiyo ang mga mag-aaral ‘di para matuto ngunit para maging “marketable” na empleyadong magre-remit ng dolyar mula sa ibang bansa.

Kung mahina o mababa man ang tingin ng Filipino sa kaniyang sarili ay dahil hindi matibay ang pundasyon ng kaniyang identidad–ang kultura niya ay pinaghalong Espanyol at Amerikano. Nasaan ang pagiging Filipino? Kaninong responsibilidad ang paghubog sa kaniyang pagkatao, pagka-Filipino? Hindi ba’t nasa sa mga kolehiyo at unibersidad din at sa mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng CHEd?

Dito sa Unibersidad, ayon sa huling ulat ay bagamat tuloy ang Filipino at Panitikan bilang mga asignatura sa kolehiyo ay wala pang pinal na pasya ang Academic Senate na binubuo ng mga dekano ng iba’t-ibang kolehiyo at iba pang opisyal ng UST.

Karapat-dapat lamang na himukin ng mga Tomasino ang administrasyon na panatilihin ang mga nasabing asignatura sa kurikulum. Isa itong laban na hindi dapat isuko, sapagkat ang kultura’t kalinangan ng bawat Tomasino ang nakasalalay rito.

Sa mga nakaraang taon, naipakita na ng Tomasino na kaya niyang labanan ang pagbabalik ng mandatory Reserved Officers’ Training Corps at ang patuloy na patayan sa kampanya ng gobyerno laban sa droga. Marahil ay kaya niya ring tumindig para sa kaniyang wika, sa kaniyang kultura at sa kinabukasan hindi lang niya ngunit ng sarili niyang bayan. Tomasino, oras nang lumaban para sa wikang Filipino!

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.