10 Agosto 2015, 9:55 p.m. – KINILALA si Ronaldo “Ronnie” del Carmen,
alumnus ng dating College of Architecture and Fine Arts, para sa kaniyang
kontribusyon sa larangan ng paglikha ng animated films, kabilang na ang
pagiging kauna-unahang Filipino na naging co-director ng isang internasyunal na
pelikula.
Ginawaran ng parangal ni P. Edgardo Alaurin, O.P.,
rehente ng College of Fine Arts and Design, si Del Carmen, co-director ng pelikulang “Inside Out” ng
Disney-Pixar, sa Gusaling Beato Angelico noong ika-10 ng Agosto.
Binigyan si Del Carmen ng isang maliit na estatwa ng
Dominikong pintor na si Beato Angelico (Guido di Pietro), isang sertipiko, at
isang painting mula sa iba’t ibang estudyante ng kolehiyo. Binigyan naman ni
Del Carmen si P. Alaurin ng pastel painting mula sa pelikulang Inside Out,
bilang pasasalamat.
Ayon kay Del Carmen, mahalaga man ang pag-aaral ng
iba’t ibang sistema ng pagguhit at pag-edit, pinakamahalaga pa rin ang pagtutok
at pagtatag ng emosyon sa pagkukuwento.
“Story-telling
comes from inside you; it’s what connects you to the next person. If I asked
you to come up with a story today, you’d be able to come up with one naturally;
it’s about involving another person with what you’re going through,” ani Del Carmen.
Ipinaliwanag ni Del Carmen na ang mga kuwentong ipinapakita
sa mga pelikula ay nagmula sa kani-kanilang karanasan, tulad na lamang sa
pelikulang Inside Out na hinango mula sa pagtanda ng anak ni Pete Docter, ang
direktor ng pelikula.
Payo ni Del Carmen sa mga Tomasino: “Do not be disheartened by the challenges of
life, prepare for the long term, just tell your story and don’t stop drawing
just because nobody tells your story.”
Nagtapos si Del Carmen ng kursong Bachelor of Fine
Arts in Advertising sa lumang kolehiyong Architecture and Fine Arts, na hinati
sa College of Architecture and College of Fine Arts and Design noong taong
2000.
Si Del Carmen ay bahagi ng Pixar Animation Studios.
Dati siyang nagtrabaho sa Dreamworks at Warner Bros. Vianca A. Ocampo at Maria Corazon
A. Inay