Lusaw ang kalangitan sa hindi pa makabuhos-buhos na ulan. Tila may inaantay pa ito bago unti-unting pumiglas sa ulap na kinalalagyan.

Nakasilip si Gemma sa loob ng kuwarto kung saan nagpipinta ang asawa sa halos blanko pang kambas. Nakadungaw ang pintor sa bintana, kung saan nakasilip mula sa labas ang nanunuyo’t payat na tangkay ng puno ng makopa.

Nakadapo rito ang dilaw na kanaryo, na tila nagaalangan kung lilipad na ba sa silong ng mas madahon na puno o kung patuloy pang popostura para sa pintor. Nararamdaman ng pintor na nanonood si Gemma sa pintuan, may hawak na kape sa isang kamay at bill ng kuryente sa kabila. Tahimik lamang ang pintor, nagaabang sa galit ni Gemma. Napakataas na ng kuryente nila ngayon.

“Nakinig ka na naman ba ng CD sa may kompyuter buong maghapon?”

Tumungo lamang ang pintor.

Umalis na si Gemma sa may pintuan. Pumunta s’ya sa kusina at nagsindi ng sigarilyo. Kumuha ng kalkyuleytor at kinuwenta ang tila walang katapusang gastusin sa bahay.

Pagod na pagod na si Gemma sa katatrabaho para sa kanilang dalawa, ngunit kinakailangan ito. Nang pakasalan n’ya si Marco, kinutya s’ya ng kanyang ina. Wala raw kwentang lalake si Marco—wala raw itong mapapakain sa kanilang mga magiging anak.

“Naloloka ka na ba, ha Gemma? Mas kaya mo pa’ng magtrabaho kaysa sa lalaking ‘yan! Sinong magpapakain sa mga magiging apo ko?”

Ngunit ma-pride si Gemma. Kayang-kaya ko naman a. Hindi porke’t babae ako, makukulong na lang ako sa bahay. Sayang ang pinag-aralan ko.

Nagpakasal sila ni Marco. Walang nagging problema kasi wala pa naman silang anak sa halip ng tatlong taong pagsasama. May malaking problema nga lang para sa ibang tao.

Dumating si Alex, isang negosyanteng mayaman na nakatrabaho na ni Gemma noon. Nag-aalok ito ng business.

“Iwanan mo na si Marco. Aalagaan kita. Babae ka, ang dapat sa’yo pinapanatili ang ganda sa loob ng bahay—nagpapalaki ng anak.”

Sinapak ni Gemma si Alex. Nagmarka sa pisngi ni Alex ang mapulang galit ng isang babaeng ininsulto, ngunit hindi ito nakita ni Alex.

Naramdaman lang niya ang init ng pagkakasapak ni Gemma. May umusbong na galit sa lalaking natalo, ngunit tinago niya ito at tiniklop na parang papel. Pinaliit niya ang kalat ng puting galit, ngunit sa halip ay ay pinagpatong-patong at dagling pinakapal din niya ito—pinatigas hanggang sa maging parang karton.

READ
Ambag ng teknolohiya sa nasyonalismo

Ngunit maya’t maya ay kinulit pa rin n’ya si Gemma.

Papasok na ng kotse si Gemma, may dalang mga folders galing sa opisina. Nagpakita na naman si Alex sa kanya.

“Akin na ‘yan, mabigat ‘yang dala mo eh.”

“Hindi, kayang-kaya ko ito.”

“Kamusta na si Marco? May trabaho na ba, o ikaw pa rin ang sumasalo sa pamilya?”

“Masaya kami. Nagagamit ko ang pinagaralan ko. Sana ikaw rin gamitin mo ang pinagaralan mo. Teritoryo ko na ito e.”

Nakapasok na si Gemma sa kotse at pabagsak na isinara ang pinto.

“Sa’yo lang? Hindi kay Marco?”

Inikot nito ang susi sa ignition at nirebolusyon ang makina ng kotse.

“Sa amin, pero kung ikaw siguro ang asawa ko, pati ako ginagawa mo’ng teritoryo.”

“Hindi mo ba ginagawang teritoryo si Marco? E di kahit sinong babae pwedeng-pwedeng magpapinta sa kanya ng hubad?”

“Kuntento na s’ya sa katawan ko.”

“Sigurado ka?”

“Ikaw nga eh, ayaw mo ‘kong tantanan kahit sinusuka na kita.”

Umapak si Gemma sa pedal ng gas, pinagdasal na nasagasaan n’ya ang paa ng preskong lalake.

Tatawag pa rin ulit si Alex sa bahay nina Gemma at Marco. Malakas ang loob nito dahil hindi naman sumasagot ng telepono si Marco. Ang laban ay sa pagitan lamang nina Alex at Gemma. Walang pagkakaiba ito sa panliligaw para sa lalaking nagnanais sumira ng pagsasama ng magasawa.

Tuwing tatawag si Alex ay iitim ang mga ulap sa labas ng bahay. Mag-aalangan ang kanaryo kung mananatili pa ba itong pumostura para sa pintor o lilipat sa mas mainam na silong.

Laging muntik nang umulan, ngunit nauuna ang init ng galit na kumukulo sa kape ni Gemma at umuusok sa sigarilyo nitong malapit nang maupos sa nangangalawang na ashtray.

Ngunit paglaon ay nauuhaw din ang lupa at babagsak din ang kalangitan, upang ibuhos ang lahat ng dagat at ilog na sinipsip nito mula sa kalupaan.

Sa labas ng bintana ni Marco, nanunuyot na ang puno ng makopa. Malapit na itong mamatay. Ang pag-awit ng kanaryo sa tangkay nito ay tila nagsisilbi lamang na pampaibsan sa sakit na nararamdaman ng tumatandang puno.

Nalungkot si Marco. Malapit na n’yang mapuno ang kambas. Tuka na lamang ng ibon at kumpleto na ang kanaryo ng larawan sa oleo. Naipinta na rin niya ang maiitim na ulap na tila nagpapasikip ng kalangitan. Malapit nang umulan.

READ
Former senator leads TOTAL recipients

Sa kusina, nakita ni Gemma ang gabundok na platong hindi pa nahuhugasan ni Marco. Kumidlat at kumulog sa labas ng bahay nila. Nakita rin ni Gemma ang maduduming damit ni Marco na hindi man lamang nailagay nang maayos sa rupero gaya ng ihinabilin nya. Ang ibang damit pa ay nakakalat sa sahig ng kusina. Pinulot ni Gemma ang nakasabit na salawal ni Marco sa gilid ng lababo.

Pinalo ng malakas na hangin ang mga pintuan bumaggsak pati ang mga plorerang nakahanay sa bungad ng mga bintana. Nilipad ang mga papel na nakapatong sa bukas sa folder ni Gemma. Wala pang nakahain sa hapag-kainan at gutom na gutom na s’ya.

Umaambon na sa labas. Tatalon-talon ang kanaryo mula sa huling pinagka-upuan nito, aakmang lilipad. Sisigaw si Gemma.

“Ako nanaman ba ang magluluto ngayon?”

Walang sasagot.

“Ano bang ginawa mo habang nasa opisina ako? Hindi ka man lang nagligpit ng kahit konti habang wala ako!”

Maaalala ni Marco ang kanyang ama. Sasampalin ng kanyang ama ang kanyang ina dahil tutong ang nasaing na kanin ng kanyang ina.

Lilipad na papalayo ang kanaryo. Kakainin ito ng ulan at ng maiitim na ulap sa kalangitan. Iiyak si Marco, gaya ng pag-iyak niya nang siya ay limang taong gulang pa lamang.

Hihikbi siya gaya nang pagiyak niya dati, noong pagbuhatan siya ng kamay ng kanyang ama dahil hindi n’ya nilalaro ang bola ng basketbol na bigay nito. Mabubuhay ang mga patay na tinig sa kanyang isipan. Hahapding muli ang mga gumaling na dapat na pasa at sugat.

“Binabae ka ba, ha? Pinapalaki ba kitang bakla? Ano ba’ng ginagawa sa’yo ng nanay mo, ha? Ano ‘yan? Ang payat-payat ng braso mo. Patpatin kang lampa!”

“’Tay, tama na po!”

Hahampas sa maliit na mukha ni Marco ang malaking kamay ng ama n’ya.

“Sa tingin mo natutuwa ako dahil gumuguhit ka, ha? Ano’ng akala mo sa’kin, tanga? Pinapahiya mo ‘ko sa mga kaibigan ko e! Pinagtatawanan ako kasi bakla daw ang anak ko!”

“Alfredo, tama na! Ang liit-liit pa ng bata!” Magmamakaawa ang kanyang ina, ngunit pagbubuhatan din ito ng kamay ng kanyang amang lunod na lunod na sa kalasingan.

Papasok ang tinig ni Gemma at lalakas ang ulan.

“Pagod na pagod na ‘ko Marco! Konting ayos lang naman ng bahay ang hinihingi ko! Pinagbibigyan na nga kita sa kalokohan mo!”

READ
Philippine filmmaking comes full circle

Makikita ni Gemma ang humihikbing anino ni Marco sa madilim na kwarto. Mapapansin nitong wala na ang kanaryo sa tangkay ng macopa. Maiinis si Gemma sa kahinaan ng asawa. Lalakas na naman ang hangin at hahampas ito sa bukas-sarahan ng bintana.

May hinaing na lulutang sa ere. Tinig ni Marco o ng nababaling tangkay ng maKopa. Mabibiyak ang payat na kahoy. Ngayon lang mapapansin ni Marco na marupok at nabubulok na pala ito. Sisigaw si Marco at magtatangkang sirain ang katatapos lamang na larawan sa oleo.

“Wag!” Halos talunan ni Gemma si Marco para pigilin ang galit na mga kamay nito. Natumba ang estante, pero ligtas ang larawan kay Marco. Hawak na ni Gemma ang mapapayat na bisig ng asawa.

“I’m sorry, hindi na kita sisigawan.”

Hihina ang ulan. Maaawa si Gemma sa asawa. Sisisihin ang sarili sa nangyayari kay Marco.

Titignan ni Marco ang muling nanlalambot na tingin ng asawa sa kanya. Naupos na ang dahas nito. Wala na ang dating ilaw ng yabang na nakikita ni Marco sa asawa na halos pumantay sa mga mata ng kanyang sariling ama.

Titignan ni Gemma ang patayong anino ng asawa n’ya. Kampante na ito at tumigil na sa kahihikbi.

Iaabot ng lalake ang kamay niya sa babae. Kukunin ito ng babae at tatayo na rin. Sa dilim ay pantay na silang muli. Titila ang ulan.

Huhuni ang mga kuliglig sa kinagabihan. Sasabayan nila ang ik-ik ng kamang matagal nang hindi nadadapuan.

Kinaumagahan, mas mayabong nang tatayo ang puno ng makopa. Manunumbalik ang dilaw na kanaryo at huhuni nang muli. Minsan, aalis pa rin ito kapag kinakailangan.

Ngunit kakapal ang dahon ng puno at ito ay mamumunga na rin. Mamumugad din ang kanaryo at dadating ang panahon na dito ay mananatili na.

Samantala, si Marco ay magsasawa na sa kapipinta ng ibon at puno ng kahoy. Ipipinta na niya ang unang anak habang ito ay sumususo kay Gemma.

Susundan niya ang arko ng katawan ni Gemma sa kambas niya. Tatanggapin ang bawat dilim, liwanag, angat at lubog nito. Isasama rin niya pati ang peklat ng asawa n’ya.

Titignan niya ang gutom na nakaguhit sa mukha ng anak n’ya. Matututuhan n’ya itong gayahin sa kambas, gaya ng pagkatuto n’yang tignan ang sarili sa mata.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.