NGAYON, katulad ng mga nagdaang gabi, muli na naman akong dinadalaw ng mga alaala ng aming pagtatagpo. Habang nakalapat ang hapo kong katawan sa aking kama, muli na naman niyang ginugulo ang aking isipan. At tulad ng madalas mangyari, ginagamit niya ang malawak at puting kisame ng aking kuwarto bilang salaming magbabalik ng mga alaala ng aking nakaraan.

***

Una siyang ipinakilala sa akin ni Lola Rosa.

Tuwing hapon, madalas kong maabutang nakaupo sa isang lumang tumba-tumba sa balkonahe si Lola. Tumatabi naman ako sa kanya at ihinihilig ko ang aking ulo sa kandungan niya. Sa ganoong mga pagkakataon niya madalas ikuwento sa akin si Inay.

“Madalas din namin itong gawin ng Inay mo noong bata pa siya,” madalas niyang bigkasin ang mga katagang ito habang sinusuklay ng kanyang mga daliri ang aking buhok.

Bukod sa mga kuwento ng Lola, sa mga lumang larawan ko lamang nakilala ang Inay.

Palaging nakalugay ang hanggang balikat at itim niyang buhok. At bumabagay naman ito sa kanyang bilugang mukha na lalo pang pinasisigla ng isang ngiting naglalabas ng biloy niya sa kanang pisngi. Tulad ko, morena rin siya kaya bumabagay sa balingkinitan niyang pigura ang mga damit na kulay mapusyaw na dilaw o di kaya’y puti. Gustung-gusto ko ring tinititigan ang mga mata niyang buhay na buhay pa rin kahit na sa larawan lamang.

Sabi ng Lola, tuwang-tuwa raw ang Itay nang malaman niyang nagdadalantao si Inay. Tuwang-tuwa rin si Inay lalo na nang malaman niyang babae ang ipinagbubuntis niya. Ipinag-gantsilyo pa nga niya ako ng mga puting damit. Iyon ang naging libangan niya sa loob ng siyam na buwan niyang paghihintay sa akin. Si Inay pa nga raw ang nagbigay ng pangalan ko noong ikaanim na buwan ko sa sinapupunan niya.

“Kamukhang-kamukha mo siya. Sayang…Teresa,” madalas itong sabihin sa akin ng Lola at madalas din, sinusundan ito ng isang malalim na buntunghininga.

Teresa—kinuha raw iyon sa pangalan ng santang nagdiriwang ng kapistahan niya tuwing ika-15 ng Oktubre, ang unang araw ko at huling araw naman ng Inay sa mundo.

READ
Homecoming of the chosen few

***

Lalo ko siyang nakilala nang personal ko siyang makatagpo sa kauna-unahang pagkakataon.

Kakaiba ang araw na iyon. Madilim na ang paligid samantalang alas kuwatro pa lamang ng hapon. Hindi ko inabutan sa balkonahe si Lola Rosa. Naupo muna ako sa tumba-tumba niya habang hinihintay ko siya. Ngunit ilang oras na ang nakalilipas, hindi ko pa rin siya nakikita kaya pinuntahan ko na lamang siya sa kuwarto niya.

Inabutan ko siyang nakahiga sa kanyang kama. Marahil narinig niya ang pagbukas ng pintuan kaya kaagad niyang isinuot ang makapal niyang salamin. Nang makita niya ako, itinaas niya ang kanyang kamay at hinintay niyang maabot ko ito bago niya ito tuluyang ibaba.

Naupo ako sa tabi niya habang hindi ko pa rin binibitawan ang kamay niya. Marahan namang sinuklay ng mga daliri ng isa ko pang kamay ang malambot at kulay abo niyang buhok. Hinahaplos at dinadama ko rin ang lambot ng mga kulubot sa kanyang kamay nang bigla kong nadama ang panginginig nito.

“Teresa, nauuhaw ako. Maaari mo ba akong ikuha ng isang basong tubig?” marahan niyang wika.

Kaagad akong tumayo, binitawan ko ang kanyang kamay, at tumungo ako sa kusina upang gawin ang iniuutos niya.

Nagmamadali akong bumalik sa kuwarto ng Lola. Dinatnan ko siyang natutulog kaya ipinatong ko na lamang sa mesang nasa tabi ng kanyang kama ang baso ng tubig. Inalis ko rin ang suot-suot pa rin niyang salamin at muli kong hinawakan ang kamay niya. Nakadama ako ng takot nang maramdaman ko ang kakaibang lamig nito.

“Lola… Lola… Nandito na po ang hinihingi niyo,” wika ko.

Hindi pa rin nagising si Lola Rosa. Nanginginig ang mga kamay kong pilit na inaabot ang baso ng tubig. Bumagsak ito sa lapag at dumagundong ang tunog ng pagkabasag nito na sinabayan pa ng malakas kong pag-iyak. Tila panandaliang tumigil ang pag-ikot ng mundo ko hanggang sa maramdaman ko na lamang ang mahigpit na pagkakayakap sa akin ni Itay.

READ
Edsa-bound?

***

Mula noon, pinaghandaan ko na ang muli naming pagtatagpo.

Ilang taon ang nakalipas mula nang mawala si Lola Rosa, lumuwas ako ng Maynila upang kumuha ng Medisina. Iyon ang naging hudyat ng isang malaking pagbabago sa buhay ko.

Madalas kong pagmasdan ang aking sarili. Hindi sapat ang makapal kong salamin upang itago ang pangingitim ng paligid ng aking mga mata. At hindi rin naitatago ng maiksi kong buhok ang mga linyang maagang iginuhit ng magdamagang pagbabasa ng makakapal na libro sa aking noo.

Samantala, hindi natigil ang madalas kong pangungumusta kay Itay. Ang mga liham at boses niya lamang sa telepono ang nakaguguhit ng ngiti sa aking mukha. Tanging ang mga ito na lamang ang nagsilbi kong inspirasyon sa buhay.

Isang araw, isang liham ang natanggap ko. Tiningnan ko kung kanino ito nagmula ngunit isang di ko kilalang pangalan ang nabasa ko sa sobre. Bigla na lamang bumilis ang tibok ng puso ko. Nadama ko rin ang panginginig ng aking mga kamay ngunit pinigil ko ito upang kaagad kong mabuksan ang liham. Nalugmok ako sa aking kinatatayuan nang mabasa ko ang nilalaman nito. Ngunit panandalian lamang iyon. Kaagad akong tumayo at pinahid ko ang mga luhang kababagsak pa lamang sa aking pisngi.

Pagkatapos ng halos tatlong oras na biyahe, natagpuan ko ang aking sarili sa harap ng aming bahay. Pinagmasdan kong mabuti ang niluma na ng panahon na tirahan namin. Inikot ko ang aking mga mata na tila ba may kung anong bagay itong hinahanap. Panandaliang napatuon ang mga mata ko sa balkonahe at sa inaagiw nang tumba-tumbang nakapuwesto roon.

Isang tapik sa balikat ang pumigil sa muntikan nang pagbabalik ng mga alaala. Inabot ng isang lalake ang kanyang kamay sa akin ngunit hindi ko ito kinuha. Itinungo ko na lamang ang aking ulo at tumuloy na ako sa loob ng bahay.

Nang muli kong itinaas ang aking mukha, nakita ko ang isang puting kabaong sa aking harapan. Napapaligiran ito ng mga maliliit na ilaw at mga bulaklak na karamihan ay kulay puti at lila. Muli akong tumungo upang itago sa maraming matang nakatingin sa akin ang unti-unting pagbagsak ng mga luha ko.

READ
UST Chem expands awareness on Microscale Chemistry

***

Itinuring kong pakikipaglaban ang bawat pagtatagpo namin.

Naging tahanan ko na ang ospital. At sa tagal nang pananatili ko rito, nakasanayan ko na ang amoy ng gamot at alkohol. Nakasanayan ko na rin ang tila paghatak ng puti kong uniporme sa mga taong kung minsa’y duguan, namumutla, o di kaya’y naghihingalo. Pakiramdam ko’y dito ko masisiguro ang aking kaligtasan.

Ilang pakikipaglaban din ang naranasan ko. Tagumpay para sa akin ang makakita ng masisigla at puno nang pag-asang mga mukha samantalang pagkabigo naman ang bawat pagtalukbong ng puting kumot sa mga wala nang buhay na katawan.

Matamis ang tagumpay. Mga alaala ng mahihigpit na yakap at mga matang lumuluha sa saya ang dala ng mga ito. Ngunit hindi ko rin malilimutan ang mga alaala ng aking pagkatalo sa laban. Hanggang ngayon, nadarama ko pa rin ang malalakas na hampas ng isang ina sa akin na napahinto lamang ng pagsaklolo ng ilang kasamahan. At nasundan pa ito ng matatalim na tingin ng mga matang punung-puno ng pagkabigo, pagkasuklam, at katanungan.

Dahil sa mga alaalang ito, akala ko’y hindi na matatapos ang laban kailanman.

***

Subalit, wala na akong lakas upang ipagpatuloy pa ang pakikipaglaban.

At ngayon, katulad ng mga nagdaang gabi, muli na naman akong dinadalaw ng mga alaala ng aming pagtatagpo. Habang nakalapat ang hapo at nanghihina kong katawan sa aking kama, muli na naman niyang ginugulo ang aking isipan. Tulad ng madalas mangyari, ginagamit niya ang malawak at puting kisame ng aking kuwarto bilang salaming magbabalik ng mga alaala ng aking nakaraan. Ngunit sa pagkakataong ito, alam kong tuluyan nang magwawakas ang laban dahil sa pagtanggap ng katotohanan at sa pagsuko ko lamang matatamo ang hinahanap na kapayapaan.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.