KAILAN nga ba nagbukas ang pinilakang-tabing para sa mga Tomasino?

Nagsimulang magkaroon ng mga theater guilds sa Unibersidad matapos itanghal ng Quill, dating literary society ng Unibersidad, ang kuwentong The Traitor ni Percival Wilde. Dahil dito, napagtanto ng mga propesor ng literatura na kailangang magtatag ng isang drama club sa Unibersidad upang mahubog ang mga Tomasino sa sining ng pagtatanghal.

Pagsapit ng 1932, pinamunuan ni José Hernandez, isang makata’t propesor, ang pagtatatag ng kauna-unahang opisyal na theatre guild sa Unibersidad—ang Thespians’ Club.

Sa nasabi ring taon nagpalabas ang samahan ng tatlong dulang may isang yugto—ang The Beggar King ni Parkhurst, ang satire na This Man, at ang Night at the Inn, na obra ni Lord Dusacany, isang maharlika mula sa England. Pawang mga lalaking kasapi ng Thespians’ Club ang gumanap sa mga dulang The Beggar King at Night at the Inn, samantalang mga babae naman ang nagsabuhay ng This Man. Libreng ipinalalabas ng samahan ang kanilang mga dula.

Noong Abril 1932, nagkaroon ng bantang pagbuwag sa Thespians’ Club dahil sa pagsasama ng mga lalaki’t babae sa kanilang dula—isa sa mga bagay na ipinagbabawal ng Unibersidad.

Ipinaliwanag naman ni Hernandez noon sa Varsitarian na hindi maiiwasang magsama ang mga lalaki’t babae sa isang dula dahil sa lumalaking populasyon ng mga kababaihan sa Unibersidad at sa dumaraming mag-aaral na interesadong mapabilang sa organisasyon.

Nang sumunod na Mayo, nakapagtanghal rin ang Thespians’ Club ng mga dula para sa mga estudyanteng mayroong summer classes.

Pansamantalang nasuspinde ang samahan, ngunit pagsapit ng Agosto ng kaparehong taon, nabuhay muli ang Thespians’ Club. Maaari nang magsama ang mga lalaki’t babae sa kapisanan, ngunit hindi sa iisang dulang kanilang itatanghal. Nagplano ang organisasyon na magpalabas muli ng isang dulang ganap ang haba noong Setyembre 1932, ngunit simula noo’y wala na ring narinig mula sa kanila.

READ
Filipino Dominicans consolidate hold over Pontifical University

Ayon kay Jose Victor Torres, isang historyador at dating tagapayo ng kasalukuyang University-wide theater guild na Teatro Tomasino, nawala ang Thespians’ Club nang pumanaw si Hernandez.

Taong 1954, nagsimulang umere sa istasyong DZST ng Unibersidad ang Aquinas Dramatic Guild (ADG) na pinamunuan ni Fr. Antonio Piñon, O.P. Karaniwang mga dula ng makatang si William Shakespeare at mga ‘di bantog na dula ng sari-saring manunulat ang isinabuhay ng samahan.

Nakilala man ang kapisanan sa pagpapalabas ng isang dula para sa isang benefit program sa Catholic International Fair, mas naging tanyag ang ADG nang imbitahan sila ng UST Sorority para makakuha ng sapat na pondo upang makatulong sa pagpapagawa ng National Shrine of the Rosary sa simbahan ng Unibersidad noong 1954.

Nang sumunod na taon, inimbitahan ng Unibersidad ang ADG upang magpalabas ng isang dula para sa pagdiriwang ng ika-344 na anibersaryo ng UST. Itinanghal ng samahan ang City of Kings ni Fr. Urban Nagle, O.P., dating pinuno ng Dramatics Department sa Catholic University of America sa Washington, D.C. Ang dula ay tungkol sa buhay ni San Martin de Porres at ang kaniyang naging landas bilang isang Dominikanong mulatto sa Lima, Peru.

Noong 1956, nagtanghal ang ADG ng tatlong dulang may isang yugto na sumasalamin sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa—ang isinulat ni Jaime Asencio na Mamamatay ng Pangarap, na tungkol sa mga magsasaka na sumapi sa mga Huk, ang Sa Pula, Sa Puti ni Francisco Rodriguez na nakatuon sa asawang lalaking nalulong sa pagsasabong, at Ang Kamay ng Kondenado na itinuturing pinakamagandang dulang itinanghal ng ADG. Si Jose Villa Panganiban, isang kilalang lingguwista at ang nagtatag ng Varsitarian, ang siyang bumida sa huling dula.

READ
Saving Vigan's history and heritage

Ayon kay Torres, nabuwag ang ADG dahil sa kakulangan ng pondo.

Sa kasalukuyan, ang Teatro Tomasino, na ipagdiriwang ang ika-35 taon nitong anibersaryo sa darating na Setyembre, ang itinuturing na opisyal na organisasyong panteatro ng Unibersidad at patuloy na pinapanatili ang sining ng pagtatanghal sa Unibersidad.

Tomasino siya

Alam n’yo ba na isang Tomasino ang bantog sa larangan ng pamamahayag?

Nagtapos bilang magna cum laude sa kursong Journalism noong 1970, si Antonio Lopez ay dating Manila correspondent ng Asiaweek Ltd.—isang sangay ng pinakamalaking telecommunications company na Time Warner Inc.—na nakabase sa Hong Kong.

Karaniwang isinusulat ni Lopez ang tungkol sa politika ng Pilipinas at pang-ekonomiya, pangkalakal, at panlipunang aspeto ng Asya. Isa rin si Lopez sa mga mamamahayag na nagkaroon ng pagkakataong makapanayam si Ferdinand Marcos noong panahon ng Martial Law.

Patunay sa kaniyang mga naging ambag sa naturang newsmagazine at sa larangan ng pamamahayag, kinilala si Lopez bilang isa sa Ten Outstanding Young Men sa kategoryang International Journalism noong 1985.

Isa si Lopez sa mga nagtaguyod ng Foreign Correspondents Association of the Philippines at isa sa mga pinakamatagal na kasapi ng National Press Club.

Si Lopez ay ang kasalakuyang pinuno at tagapaglathala ng BizNews Asia, isang weekly business newsmagazine sa bansa. ELORA JOSELLE F. CANGCO

Tomasalitaan

Tagunggong (png)—alkansiya

Hal.: Palihim na sinungkit ni Melchor ang pera sa tagunggong ng kaniyang nakababatang kapatid.

Sanggunian:

(2004). UST 400. Retrieved July 13, 2012 from http://www.ust400.com/antonio_s_lopez_phd

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.