NOONG nag-aaral pa ako sa hayskul, naging kaugalian naming magkakaibigan na matapos ang mga klase, magpaiwan sa eskuwela hanggang gabi o kaya ay pumunta sa bahay ng isa sa amin, upang mag-usap tungkol sa kung anu-anong bagay. Sa mga pagkakataong iyon namin inaayos ang mga galit o away na maaaring namagitan sa ilan sa amin, o pinaplano kaya ang mga magiging buhay namin pagtuntong ng kolehiyo—kahit ano ang maisipan naming pag-usapan.

Sa mga diskusyong ito, kami natutong mag-isip at mag-away tungkol sa iba’t ibang paksa. Nakatutuwa dahil nakita ko noon kung paano na kami natututong magtanong tungkol sa mga nagaganap sa mundo, at hindi na lamang sa mga buhay-buhay namin. At sa maraming pagkakataon, doon nagmula ang karamihan sa mga paniniwala ko ngayon.

Minsan, sa mga pagtitipon namin, may isang kaibigan na nagsabi sa aking hindi ka maaaring kumanta, sumayaw, o gumawa ng anumang masining kung hindi ka marunong magmahal.

“Bakit naman?” tanong ko sa kanya, kahit wala sa kanya ang atensyon ko. Sa mga panahong iyon, abala kaming nagtuturuan ng Statistics at Calculus bilang paghahanda sa mga eksamen. At dahil talagang mahina ako sa mga asignaturang iyon, hindi ko masyadong inintindi ang mga sinabi niya. Nagpapahinga kasi siya noon sa pag-aaral, kaya’t pinapanood niya lamang kami. Karamihan naman sa amin ay hindi mapakali hangga’t hindi namin matutunan ang leksiyon. Natawa siya sa pagkakaistorbo niya sa amin. “Kahit ano lang,” sabi niya. “Maiintindihan mo rin. Kapag naranasan mo na.”

Hindi na niya naituloy ang pagpapaliwanag, dahil natapos ang gabing iyon na puro leksiyon ang napag-usapan, at dumaan ang isang linggo ng mga eksamen. Nakalimutan namin ang paksang iyon.

READ
Ang kuwento ng 'ano'

Minsan, habang nanonood ako ng isang pelikula sa telebisyon, nabanggit ulit ang sinabi ng kaibigan ko.

Sa pelikula, may isang lalaking masama ang disposisyon; malulungkot ang mga pangyayari sa buhay niya. Namatay ang kanyang ina at bumagsak siya sa paaralan. Nagkaroon siya ng maraming hinanakit at poot. Upang maibalik ang dati’y mabuting pananaw niya sa mundo, tinuturuan siya ng isang babae ng mga sayaw na pang-ballroom. Hindi natututo ang lalaki. Sa pagka-inis ng babae, nasabi niya (sa Ingles) na hindi makapagsasayaw kailanman ang lalaki kung hindi niya kayang mahalin ang musikang sinasayawan nila, ang hangin, at ang araw na sumisilip sa bintana ng silid na pinag-eensayuhan nila. At makasasayaw lamang ang lalaki kung muli niyang bubuksan ang kanyang puso sa pagmamahal.

Bigla kong naalala ang kaibigan ko. At napag-isipan ko rin ang mga sinabi niya, pati ang narinig ko mula sa pelikula.

May katotohanan sa kaisipang iyon. Ano bang klaseng pagmamahal ang makapagbibigay ng kakayahang makagawa ng mga masining na mga bagay¾pagmamahal ba ng magkapamilya, magkasintahan, o magkaibigan? May pagkakaiba ba ang mga epekto ng mga ito sa pagiging malikhain?

Marahil ay simple lamang ang paliwanag dito. Walang partikular na klase ng pagmamahal ang kailangan. Kung marunong kang magmahal ng mga taong nasa paligid mo, hindi na mahirap ang pagpapahiwatig sa mga nararamdaman mo. Dito lumalabas ang pagiging malikhain ng tao, ang kanyang abilidad sa sining. Dahil sa pagmamahal mo, pakiramdam mo ay makapagsasayaw ka sa mga kalsada, maaawit mo ang kasiyahan sa iyong puso at maipipinta mo ang iba’t ibang kulay na nagsasayaw sa iyong paningin.

READ
Faculty car hits students

Hindi lamang sa tao ang hangganan ng pagmamahal. Nasubukan mo na bang huminto nang sandali at obserbahan ang pagsikat ng araw sa umaga? O ang hinhin ng pagyakap sa iyo ng hangin? Napapansin mo ba ang pagkaway sa iyo ng mga puno? Ang paglambing sa iyo ng alaga mong pusa o aso? Malaki ang epekto ng kalikasan sa ating pagkatao; ito ay isang bahagi ng tao na hindi maaaring mawala.

At hindi rin sa lahat ng kagandahan at kasiyahan lamang magmumula ang pagsibol ng pagmamahal. Maraming kabiguan, hinanakit at kawalang pag-asa sa mundo; hindi normal ang buhay kung wala ang mga ito. Ngunit ang mga ito ay mapagkukunan din ng lakas. Namnamin mo ang hapdi ng bawat sugat, ilabas mo ang luha ng iyong mga pagkatalo. Tanggapin mo ang lahat ng sakit. Sa maraming pagkakataon, ang sakit na nararamdaman mo ay makapagdudulot ng higit na kaunawaan, at higit na pagpapahalaga sa lahat ng sarap.

Sa ilang mga pagkakataong sumubok ako sa sining, naramdaman ko na rin ang katotohanang ito. Hindi ako makaawit kung wala akong nakikitang dahilan upang magsaya. Hindi ako makapagsayaw kung walang saya at pagmamahal na magpapagaan sa aking mga paa. Wala akong maipinta kung ang buhay ko mismo ay walang kulay at walang kinang. Wala akong maisulat kung sa aking sarili ay wala akong masasabi.

Dahil sa pagkaabala natin sa mga kamunduhan, sa mga gawaing nagiging ritwal na at walang saysay, nalimot na natin ang mahalaga¾ang relasyon natin sa kapwa tao, sa kalikasan, at sa ating sarili. Alisin natin ang alikabok ng pagkalimot na dumudungis at nagtatago sa likas na ganda ng mundo.

READ
The second degree

Ngayon ay naiintindihan ko na. Alam kong kulang pa ang aking nalalaman, ngunit mabuti at alam kong napakarami pang puwedeng matuklasan sa mundo, tulad ng mga kagandahang magpapakita sa akin na makalilikha rin ako ng mga sarili kong kagandahan na makapagtatanim ng pagmamahal sa puso ko at ng ibang tao. Isa itong magandang dahilan upang bumangon sa bawat umaga.

Nagpapasalamat ako sa mga kaibigang nagmahal at nagturo sa aking sumabay sa saliw ng musika, awitin ang mga kanta ng saya at pagtangis, at isulat ang mga salitang nagkukuwento sa isang buhay na nagtamo ng bagong halaga.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.