TIYAK na babaguhin ng “Galaw ng Asoge” (UST Publishing House) ang patutunguhan ng nobelang Tagalog — ito ang ipinangako ni UST Center for Creative Writing and Studies (CCWS) Senior Associate Cirilo Bautista nang inilabas ang kanyang kauna-unahang nobela sa Filipino.

Masasaksihan sa aklat na ito ang mga salpukan ng sining at pulitika, pulitika at pamilya, pamilya at negosyo, negosyo at dignidad, at dignidad at pagkatao, sa buhay ng mga mayaman at makapangyarihan.

Nagsimulang gumalaw ang asoge (mercury sa salitang Ingles), sa buhay ng pangunahing tauhang si Amado Ortiz, pangalawang anak ng nabaldadong negosyanteng si Carlos, noong taong 1965. Dahil sa hindi kaya ni Carlos na patakbuhin ang negosyo dala ng karamdaman, ipinasa niya ito sa duwag at walang-karanasang si Amado sa pag-asang maisasalba ito ng anak, katulong ang panganay na kapatid na si Clara, isang sawi sa pag-ibig. Nakasama rin ni Amado si Ben, isang maralitang makata na mas maalam at matibay ang sikmura sa pakikipagtunggali sa kapalaran.

Kabilang din sa mga pangunahing tauhan ng nobela si Rosario, ang ina ni Amado na itinuturing na may pinakamatatag na paniniwala sa lahat ng mga tauhan; ang magandang iniibig ni Amado na si Mita Gonzales na nagtaksil sa kanya; at ang traydor na mag-amang milyonaryo at akalang kaibigan ng mga Ortiz na sina Don Agustin at ang tuso niyang anak na si Angela, pawang nasa likod ng pagbagsak ng ilang negosyo ng pamilya sa ibang bansa.

Sa huli, matagumpay na sana si Amado sa kanyang mga nais mangyari subalit sa isang kisap-mata’y naglaho ito nang mamatay ang kanyang ama. Gayumpaman, nagpatuloy siyang mamuhay nang maligaya, kapiling ang kanyang ina at mga kapatid.

READ
Sikreto sa flood-resistant na palay, natuklasan

Mahalagang simbolong ginamit sa nobela ang “asoge” bilang gabay sa pakikipaglaban sa buhay ng pangunahing tauhan — mabilis, malikot, at hindi mahulaan ang kilos. Kinakatawan din ng buong nobela ang kapangyarihan ng wika na makapagpapabago ng buhay at pananaw. Hindi raw kapangyarihan o yaman, kundi wika ang nagpapagalaw sa buhay ng tao dahil kaya ng wikang “gumamot o kumitil, dumagok at humalik, pumuri at sumumpa, ngumata, at lumuwa ng kaligayahan, humuli at magpakawala sa mga pitpit ng guniguni, manangis at sumayaw sa kalansay ng patay”.

Bukod sa mayabong na paglalarawan at paglalahad ng bawat tagpo ng kuwento, hitik na mga butil ng karunungan, sipi ng kasaysayan, at pilosopiya mula sa iba’t ibang mga pilosopo’t manunulat ang mapupulot habang tinatahak ang mga pahina nito. Ipinapakita rin ng nobela kung paano at gaano pinahihitik ni Bautista ang kanyang husay sa pagsulat bunga ng pananaliksik sa loob ng 15 taong pagsusulat nito.

Ginamit ni Bautista ang mga lugar na pinangyayarihan ng mga tauhan mula sa kanyang personal na buhay at karanasan, ngunit nagmula sa orihinal na kathang-isip ng may-akda ang pagkakabuo ng “Galaw ng Asoge.”

Bukod sa “Centennial Literary Prize Award,” nakatanggap na si Bautista ng “Palanca Hall of Fame Award,” “Roman Prize for the Novel,” at “Gawad Manuel L. Quezon” na patunay ng kanyang kahusayan bilang isa sa mga tagapagtaguyod ng panitikan sa bansa.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.