SINONG batang Pinoy ang hindi dumaan sa paglalaro ng taguan-pung? Bagaman isa itong sikat na larong pambata, hindi maituturing na pambatang babasahin ang Taguan-Pung at Manwal ng mga Napapagal (UST Publishing House, 2006) ni Eros S. Atalia, isang propesor sa Filipino sa Faculty of Arts and Letters. Tinatalakay nito ang mga morbid na isyu gaya ng pagpapakamatay.
Bukod sa ito ang unang libro ni Atalia, ito rin ang unang koleksiyon ng mga dagling katha o flash fiction sa Filipino na binigyang buhay ng mga dibuho ni Jaime Pacena III, isang propesor sa College of Fine Arts and Design. Karaniwang binubuo ng hindi hihigit sa 2,000 salita ang mga dagling katha, hindi katulad ng ordinaryong katha na binubuo ng 2,000 hanggang 20,000 salita.
Nahahati sa dalawang bahagi ang aklat: ang “Taguan-Pung,” na binubuo ng 14 na dagling katha; at ang “Manwal ng mga Napapagal,” isang “gabay” sa pagpapatiwakal ayon sa karakter na si Karl Vlademir Lennon “Intoy” J. Villalobos.
Umiikot ang paksa ng “Taguan-Pung” sa kabataan at sa mga nakakatuwang sitwasyong kanilang kinakaharap kahit sa paglalaro. Isang halimbawa nito ang kuwentong “Cleanliness is Right Next to Godliness,” kung saan kinailangang dakutin ng isang batang lalaki ang sariling duming umapaw mula sa baradong inidoro. Sa sitwasyong ito, wala siyang ibang maasahan sa kubeta kundi ang sarili.
Nakakaengganyong basahin ang mga kwento sa koleksiyong ito dahil sa sorpresang twist sa bandang huli, gaya na lamang sa “Telebisyon: Kapuso ng Bawat Kapamilya.” Dahil sa panonood ng mga telenobela, nabuko ang relasyong namamagitan sa pagitan ng baklang ama at ninong ng bata. Ginawa ring nakakatawa ni Atalia ang mga kuwento, ngunit tila pagbabalat-kayo lamang ito sa tunay na implikasyon ng mga kuwento. Nakababahala ang mga nais nitong ipahiwatig, tulad ng hindi pagsagot ng mga magulang sa mga tanong ng anak ukol sa relihiyon at gawain ng mga nakatatanda sa “Mga Tanong Ko Kina Itay at Inay” at “Ilan Pang Tanong Uli sa Parent Ko.”
Sa ikalawang bahagi ng libro, ang “Manwal ng mga Napapagal,” nagbigay si Intoy, isang taong “trip” magpakamatay, ng iba’t ibang paraan ng pagpapatiwakal: mula sa solong pagpapakamatay hanggang sa pagdamay ng ibang tao. Sa una’y parang simpleng pagpapatawa lamang ang mga suhestiyon ni Intoy ukol sa pagpapatiwakal, ngunit unti-unti na pala nitong minumulat ang mga mambabasa sa mga pangyayari sa lipunan sa pamamagitan ng mga hirit ukol sa relihiyon, edukasyon, rutinaryo o paulit-ulit na gawain, hustisya, at pulitika. Pinagmumuni-munihan ni Intoy ang mga kasagutan sa mga tanong niya sa buhay at kung ano ang magiging epekto ng pagpapakamatay niya sa ibang tao. ‘Ika nga ni Intoy, “Pilit ko talagang hinahanapan ng kahulugan ang buhay ko. Nating lahat. Kasi dun ko lang makikita ang kahulugan ng kamatayan eh. O baka naman baligtad. Sa kamatayan lang makikita ang kahulugan ng buhay.”
Kapansin-pansin ang hindi paggamit ni Atalia ng kumbensyonal na pagsulat sa Filipino. Unang-una, humiwalay siya sa mahahabang katha na nakasanayan ng ibang mga manunulat sa Filipino. Hindi rin siya gumamit ng purong Filipino at malalalim na salita. Bagkus, gumamit siya ng mga salitang ginagamit sa modernong panahon. Sa katunayan, “Taglish” ang pagkakasulat niya sa ilang bahagi ng akda.
Wala ring pormal na pormang sinunod si Atalia. Mayroon siyang mga akdang isinulat sa anyong prosa, at mayroong iba na pa-dayalogo.
Tila kawangis ng pagsusulat ni Bob Ong ang pagsusulat ni Atalia dahil parehong pagpapatawa ang atake nila sa kanilang pagsusulat. Matalinghaga ang mga puna ni Atalia dahil gumamit siya ng prosa upang mailahad ang mga problema sa lipunan, partikular sa pamilyang Pilipino.
Hindi lamang katha ang sinusulat ni Atalia. Nagwagi si Atalia ng unang gantimpala sa Pambansang Patimpalak sa Pagsulat ng Tula ng Pandaylipi Ink. noong 1995. Nasundan ito ng ikalawang gantimpalang banggit sa Komisyon ng Wikang Filipino, Talaang Ginto at ng Gawad Collantes sa Sanaysay noong 2004.
Maaaring isang hudyat ng bagong paraan ng pagkuwento ang pagdating ng “Taguan-Pung” sa panitikang Filipino. Ika nga ni Jun Cruz Reyes, patnugot ng aklat, ”Ito na ang panahon upang ihanda ang ating sarili sa mga darating pang tulad (ni Atalia na) magpapatikim ng bagong putahe sa pagkuwento.”