NAPATUNAYAN na ng makatang si Bienvenido Lumbera, isang Tomasino, na higit pa sa pansariling kasiyahan ang maaaring idulot ng panitikan. Isa rin itong mahalagang instrumento upang higit na mabuksan ang isipan natin tungo sa paglingap sa sariling wika.

Para kay Lumbera, na kahihirang lamang bilang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, mahalagang isulong ang pagpapahalaga sa sariling panitikan na kaakibat ang estado ng pulitika at kultura sa bansa.


Suliranin sa panitikan

Sa ngayon, malaking suliranin ng panitikang Filipino ang kakulangan, kung hindi man kawalan, ng mga tumatangkilik at nagbabasa ng mga akdang nakasulat sa wika. Subalit hindi pa rin tumitigil ang ating mga manunulat tulad ni Lumbera sa paghahanap ng paraan upang pag-ibayuhin ang paggamit ng wika sa panitikan. Ayon sa kanya, maraming mga salik ang nakaaapekto sa pagsulong ng literaturang Filipino. Kabilang rito ang outlet, edukasyon, ekonomiya, at pulitika.

“Isang malaking problema ng panitikang Filipino ang outlet para sa mga akdang nasa wikang Filipino,” ani Lumbera sa Varsitarian. “Noon, mayroong mga magasing popular na naglalathala ng mga kuwento, tula, at sanaysay sa Filipino. Ngayon, napakalimitado ng ng mga ito.”

Aniya, magkaiba ang dahilan kung bakit hindi nagbabasa ng mga akdang Filipino ang nakapagtapos sa kolehiyo sa pangkaraniwang mambabasa.

“Wikang Ingles ang kinahihiligang basahin ng mga nakatapos ng kolehiyo dahil na rin sa impluwensiya ng paaralan,” ani Lumbera. Dagdag pa niya, iilan lamang ang interesado sa panitikang Filipino dahil nakatuon sila sa pagbabasa ng mga klasiko ng ibang bansa.

Sa pangkaraniwang mambabasa, nagiging hadlang ang kahirapan sa kanilang pagtangkilik sa panitikang Filipino. Ayon kay Lumbera, walang pagkakataong makapagbasa ng mga akdang Filipino ang mahihirap dahil sa kamahalan ng presyo nito, at kakulangan ng ganitong aklat sa mga pampublikong silid-aklatan.

READ
Haze, disasters, and a decade more

Dagdag pa niya, nawawalan din ng panahon ang mga Pilipino na magbasa ng panitikan dahil nakatuon ang mga ito sa paghahanap-buhay, kaya pahayagan at magasin na lamang ang kanilang binabasa.

“Maraming Pilipino ang pwedeng maabot ng manunulat kung mayroon lamang sapat na salapi at panahon,” ani Lumbera.

Binigyang-diin ni Lumbera ang kahalagahan ng isang maunlad na pulitika at ekonomiya sa pag-usbong ng panitikan. Ayon sa kanya, dapat munang bigyan ng lunas ang krisis pang-ekonomiya at pampulitika upang madaling umangat ang antas ng panitikang Filipino.

“Masasabi nating luho ang panitikan; kaya lamang itong suportahan ng isang lipunang maunlad ang ekonomiya at maayos ang sistemang pampulitika,” paliwanag niya.

Patuloy pa rin sa pakikibaka si Lumbera sa literaturang kinahiligan na niya mula pagkabata.


Pagkamulat sa panitikan

Unang kinakitaan ng pagkahilig sa panitikan si Lumbera sa pagbabasa niya ng mga awit at korido sa edad na limang taon. Bukod pa rito, maaga rin siyang nahilig sa mga nobelang Filipino at mga magasing tulad ng Liwayway, na naglalathala ng mga pampanitikang akda. Bumibili rin siya noon ng mga polyetong pang-ispiritwal sa simbahan, na nagkakahalaga ng 10 hanggang 15 sentimos.

Noong 1950, kumuha si Lumbera ng kursong Journalism sa UST. Sa kanyang pamamalagi sa dating Faculty of Philosophy and Letters, naging pangunahing impluwensiya sa kanya ang panitikang kanluranin at ang wikang Ingles.

“Sa UST, ninais kong mapag-aralan ang pandaigdigang panitikan at ang unibersal sa literatura,” ani Lumbera. “Nasorpresa ako dahil hindi lamang sa mga silid-aralan nagsasalita ng Ingles ang mga mag-aaral kundi pati rin sa mga pasilyo.”

READ
Let no man put asunder

Sa panahong ito rin nagsimulang maging aktibo si Lumbera sa student council, ngunit hindi pa rin niya itinigil ang mithiing mapaunlad ang sarili sa panitikan. Sina Erlinda Francia Rustia at Manuel Viray, mga propesor at batikang manunulat sa UST, ang mga pangunahing nakapagbigay impluwensiya sa kanyang pagkakatuto at pagsusulat ng panitikan. Dagdag din sa kanyang kasanayan ang pagiging patnugot ng Panitikan sa Varsitarian noong 1953.

Matapos ang kanyang pag-aaral sa kolehiyo, natanggap si Lumbera bilang isang Fulbright scholar sa kursong M.A. in Comparative Literature sa Indiana University. Dito niya tinapos ang kanyang disertasyon na pinamagatang “Tradition and Influences in the Development of Tagalog Poetry (1570-1898).”

Ipinagpatuloy ni Lumbera ang pagkuha ng kursong Ph.D. in Comparative Literature, at bumalik siya sa Pilipinas noong 1967 upang magturo sa Ateneo de Manila University.

Nang nagtuturo pa siya sa Ateneo, inilunsad ng dating pangulong Carlos Garcia ang Filipinization movement upang itaguyod ang kulturang Filipino sa akademiya. Dito matagumpay na naisulong ni Lumbera at Rolando Tinio ang pagpapawalang-bisa ng English-only requirement sa mga klase, at nahikayat nila ang mga mag-aaral na gamitin ang sariling wika sa loob at labas ng silid-aralan.

Kabilang sa kanyang mga naisulat ang Philippine Literature: History and Anthology (1982), isang akdang kritisismo, at ang Likhang Dila, Likhang Dula (1993), isang koleksyon ng mga tula. Isinulat din niya ang mga libreto ng mga dramang musikal tulad ng Tales of the Manuvu, Bayani, at Noli Me Tangere the Musical.

Bago ihirang na Pambansang Alagad ng Sining, iginawad kay Lumbera ang Ramon Magsaysay Award for Journalism, Literature, and Creative Communication Arts noong 1993; Gawad CCP sa Sining (Cultural Research) noong 1995; Gawad Sentenyal sa Sining at Kultura noong 1999; at Gawad Tanglaw ng Lahi mula sa Ateneo noong 2000.

READ
Justice is a start and not the end

“Marahil ang oryentasyon ko bilang kritiko at manunulat tungo sa bayan at sa nakararami ang naging batayan ng paggawad nila sa akin,” aniya. “Ngunit hindi ibig sabihin nito na tuluyan nang nagbago ang pananaw ng ating lipunan sa larangan ng panitikan.”

Ayon kay Lumbera, ipagpapatuloy pa rin niya ang adhikain sa paggamit ng wikang Filipino at pagpapalaganap ng mga nakasulat na akdang Filipino sa pamamagitan ng edukasyon.

“Sa mga kabataang sumisibol bilang manunulat, kailangang makita nila na hindi lamang para sa pansariling kasiyahan ang panitikan, kundi maaari rin itong maging instrumento upang mapaunlad ang lipunan,” dagdag pa niya.

“Kailangang ituon ang pagsusulat sa pag-unawa ng bayan upang maisulong ito sa isang panahong tunay na may kalayaan at demokrasya.” Lee V. Villanueva

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.