“DARATING ang panahon, kaming mga Pilipino ang susulat tungkol sa aming kultura.”

Ito ang sagot ni Dr. Jose Rizal sa mga nang-aalipusta sa mga Tagalog noong panahon ng Kastila.

Sa mga katagang ito hinugot ni Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan, ang “Reklamasyon sa Gunitang Pambansa,” ang una sa serye ng mga lecture-workshop ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (Lira) ngayong taon sa College of Arts and Letters sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman noong Hunyo 4.

Ayon kay Almario, importanteng magsimula sa pagbawi at pagkilala ng cultural identity ang mga nagsisimula pa lang magsulat ng tula dahil ito ang magiging pundasyon ng kanilang sining.

“Hindi napapag-aralan ang pagiging makata,” ani Almario. “Malaking bahagi ng pagiging makata ang talino (sa paggamit ng sariling salita).”

Ani Almario, naging balakid sa pag-unlad ng kultura ang pagkawala ng ilang kapiraso ng sinaunang literatura na naungkat mula sa mga ekspedisyon ng mga iskolar. Kung napangalagaan sana ang mga dokumento, ani Almario, ito ang maaaring pagmulan ng orihinal na anyo ng panulaang Filipino na maipagmamalaki ng mga Pilipino.

Hindi rin lingid sa kaalaman ng marami na umusbong na ang kulturang Pilipino bago pa man naimpluwensyahan ng kulturang Español. Ngunit dahil hindi pantay ang atensyong ibinigay ng mga iskolar sa pananaliksik nito, dagdag ni Almario, hindi ito maaninag sa kasaysayan, kumpara sa malinaw na imahe ng panahong kolonyal hanggang sa kasalukuyan.

Ayon kay Almario, ito rin ang dahilan kung bakit makitid ang sakop ng ating pambansang gunita. Aniya, sa etimolohiya lamang nagkakaroon ng bakas ng mga katutubong salita ang mga mananaliksik ng wika.

READ
Buhay dalita

Ang kakulangan sa pananaliksik tungkol sa etimolohiyang Pilipino ang isa ring nagdudulot sa bumababang kalidad ng wika. Nakikita ito sa kakaunting nailalathalang materyal na maaari sanang magpalago sa pambansang wika, ani Almario.

Dagdag pa ni Almario, nagiging bunga nito ang pagkakamali ng mga manunulat sa paggamit ng wikang Filipino, lalo na sa mga salitang nalihis ng kahulugan dahil sa pagkakabaluktot nito sa popular at pang-araw-araw na pagbigkas. Isang halimbawa nito ang salitang “mulawin,” na tumutukoy sa isang uri ng puno, ngunit naiba ngayon ang kahulugan dahil sa popular na media.

Magkagayon man, hindi rin maaaring hadlangan ang pagbabago ng wika dahil sa impluwensya ng makabagong teknolohiya at globalisasyon. Maaaring pagsamahin ang gamit ng katutubo at banyagang wika, ayon kay Almario.

“Umuunlad ang lenggwahe ngunit hindi nangangahulugang papatayin ito,” ani Almario.

Itinatag ni Almario noong 1985 ang Lira, isang organisasyon ng mga makatang nagsusulat sa Filipino. Tumatanggap ang Lira ng mga fellows taun-taon sa isang serye ng mga lecture-workshop.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.