ISANG araw nang nakasakay ako sa jeepney, mayroong lalaking sumakay at tuloy-tuloy na nag-anunsiyo.
“Magandang umaga po, mga kapatid,” kaniyang panimula.
Agad kong naisip na paniguradong ito na naman ang mga ‘di umano’y miyembro ng isang relihiyosong grupo na gustong makalikom ng pondo, at pagkatapos ay kakanta sila ng kung anong himno.
Ngunit ako’y napaisip sa mga sumunod na winika ng lalaki.
“Kapapanaw lamang po ng aking nanay,” aniya.
Sa puntong ito, tuluyan na niyang nakuha ang aking atensiyon.
“Ito po ang kaniyang death certificate,” ani ng lalaki habang ipinapakita sa mga pasahero ang kapirasong papel. “At ako po’y humihingi ng kaunting abuloy, kung ano lamang po ang bukal sa inyong kalooban.”
“Para po ito sa tuluyang ikatatahimik ng kaniyang kaluluwa,” dagdag pa niya.
Sa lumanay ng kaniyang tinig, ‘di na malabo pang marami ang mahabag sa kaniyang kalagayan. Ngunit, sa aking pagkagitla, isa lamang sa aming mahigit sampung pasahero ang nag-abot ng salapi. Marahil ay naging mapanghusga rin ako dahil hindi ako nagbigay ng ambag nang mapansing walang gaanong natinag sa ginawa ng lalaki, subalit wala naman akong pagsisisi—dahil hindi ito ang huling pagkakataong tumambad sa akin ang lalaki.
Makalipas ang ilang buwan, nangyari muli ang naturang eksena. Sa kasong ito naman, ang lalaki’y namatayan ng “isang kasamahang pedicab driver” na ‘di umano’y “napagdiskitahan lamang at pinagsasasaksak ng mga ‘di na nakilala pang masasamang loob.” Tulad ng dati, may ipinakitang kapirasong papel ang lalaki’t tinawag itong “death certificate.”
At kawangis din ng dati, may iisa o dadalawa lamang na nag-abot ng salapi. Sa pangalawang pagkakataon, hindi pa rin ako nagbigay—kahit pa tinitigan ako ng lalaki’t ginamit ang kaniyang malumanay na tinig: “Sige na, ate, kahit magkano lang,” aniya.
Nang bumaba ang lalaki, nagbulung-bulungan ang ilang pasahero.
“Totoo kaya?” ani ng mga kolehiyalang katabi ko. Napailing-iling ang iba; ang iba nama’y tila nasanay na sa ganoong eksena. Nagsalita na rin ang aming tsuper.
“’Wag ho kayong maniniwala sa mga ganyan, sindikato ho ‘yan,” aniyang may paninindigan.
‘Di kalaunan, napag-alaman kong ang lalaki at ang “abuloy” na kaniyang hinihingi ay isang malaking palabas lamang—handog ng mga taong ang pangunahing layunin ay makapanlamang ng kapwa sa pinakamadali’t “mabuting” paraan.
Nakalulungkot isipin na sa tindi ng kompetisyon upang mabuhay sa mundo, tila nalilito na ang mga tao kung ano ang tama’t mali, kung kailan ba nagiging tama ang isang maling gawi, at kung kailan nagiging pagkakamali ang gumawa ng tama.
Noon magpasahanggang ngayon, ang ating nakagisnang basehan ng tama’t mali ay naaayon sa konsensiya ng isang tao—at ang tama ay mananatiling tama, ang mali’y magiging mali pa rin.
Nakatatakot ang mga “sindikatong” ‘di umano’y may hawak sa mga katulad ng lalaking aking nakadaupang-palad. Nakatatakot ang katotohanan na ang mga taong nasasadlak sa kahirapan ay patuloy pang pinahihirap ng mga mas makapangyarihan sa kanila. Higit sa lahat, nakatatakot ang masalimuot na maaaring maganap sakaling tangkaing kumawala ng mga tagasunod sa mga nakapangyayari—ang katunayang mas lalo pang masasadlak ang mga aba, habang ang mga matataas ay patuloy pang magkakamal ng kayamanang hindi naman nila pinaghirapan.
Hindi rin madaling husgahan kung kanino nga ba isisisi ang sitwasyong ito: sa mga sunud-sunuran ba o sa mga naghahari-harian? Sa pamahalaan ba na puro pangako o sa mga mamamayang tila nakalimutan nang magtrabaho’t naghihintay na lamang ng biyaya?
Ayon sa National Statistical Coordination Board, mula 2009 ay nasa 24 porsyento ang poverty rate ng bansa, o tinatayang isa sa bawat tatlong tao’y kabilang sa tinatawag na “mahirap.” Ngunit walang kahit anong bilang o pag-aaral ang makatutumbas sa ‘di maikakailang pagsusumikap ng mga tao sa laban ng buhay—gagawin ang lahat, susugal sa kahit na anong modus, makamtan lamang ang nais na kaginhawaan.
‘Di bale nang may masagasaan, ‘di bale nang makasakit.
Sa isang banda, marahil ay ‘di nga maiiwasang makasakit. Ngunit sa isa pang pananaw, maaari nating pakinggan ang cartoon character na si Winnie the Pooh: “Kung hindi mo sila kayang mahalin, ‘wag mo na lamang silang saktan.” Kathang isip man, ang kaniyang binahagi ay isang malaking hamon sa ating mga naturingang pinakamataas na klase ng hayop—sapagkat kung kaya nating magpatayan, malamang ay kaya rin nating buhayin ang isa’t isa.
Marahil ay kaya nating mabuhay para sa isa’t isa.