UPANG magkaroon ng pang-kalahatang batayan sa pagsulat, naglabas ang Komisyon ng Wikang Filipino ng ilang alituntunin ukol sa tamang paggamit at pagsulat ng wika sa pamamagitan ng paglilimbag ng aklat na pinamagatang 2001 Revisyon ng Alfabeto at Patnubay sa Ispeling ng Wikang Filipino.

Nahahati ang naturang aklat sa apat na bahagi at tinatalakay ng bawat isa ang tamang paggamit ng walong letrang idinagdag sa dating 20 letrang Alpabetong Filipino. Ayon sa pag-aaral ng ilang lingguwistika, ang mga letrang C, F, J, Ñ, Q, V, X, at Z ay nagdudulot ng kalituhan sa mga manunulat at gumagamit ng wikang Filipino sapagkat hindi nila alam kung kailan at papaano gagamitin ang mga ito.

Nakasulat ang unang bahagi sa wikang Filipino at ang ikalawa naman ay sa wikang Ingles. Nilalaman ng dalawang bahagi ang batayang konseptuwal sa pagdidisenyo ng sistema ng pagsulat. Nakasaad din sa bahaging ito ang mga teorya at konseptong ginamit ng Komisyon sa pagbalangkas ng ilang tuntunin sa wikang Filipino.

Ipinaliwanag din ang dalawang batayan na prosesong ginamit sa pag-aaral ng Komisyon, ang paglilipat ng wikang oral patungo sa nakasulat nitong anyo at ang pagpapayaman o pagpapalawak upang matamo ang inter-translatability ng wikang Filipino sa ibang ganap nang maunlad na wika ng mundo. Ayon sa pag-aaral, namamatay ang wika at naglalaho ang kultura ng mga tao kapag ang wika ay nanatili sa pasalitang anyo. At kapag nakasulat ang wika, ang mga oral na tradisyon at kultura ng isang panlipunang grupo ay naitatala at naisasalin sa susunod pang henerasyon na lumilikha ng uniformity sa pagsulat at pinababagal nito ang takbo ng pagbabago ng wika.

READ
UST to offer classes online

Nakatuon naman ang ikatlong bahagi sa paggamit ng mga walong letrang hiniram mula sa wikang Ingles at Kastila na idinagdag sa ating Alpabeto. Maliwanag ang pagkakalahad sa bahaging ito sapagkat nasa question and answer format ang mga puntong magpapalinaw sa bagong patnubay ng Komisyon.

Nakapaloob sa bahaging ito ang dahilan kung bakit kailangang baguhin ang tuntunin sa paggamit ng walong dagdag na letra sa lumang Alpabetong Filipino. Ayon kay Dr. Nita Buenaobra, Komisyoner IV ng Komisyon ng Wikang Filipino, kinailangang baguhin ang mga lumang tuntunin sapagkat itinuturing na ‘purista’ at napakahigpit para tumugon sa pangangailangan ng mga Pilipinong may kakayahan sa katutubo at banyagang wika.

Binigyang-diin sa isang tanong ang palit-palit na paggamit ng mga wikang ito sa nabanggit na mga letra lalo na sa pantanging ngalan (Quintin para sa Kintin, Familia Cruz sa Pamilya Krus); salitang katutubo mula sa ibang wika sa Pilipinas (longganiza sa longganisa, vinta sa binta); salitang malayo ang ispeling sa bigkas at tanggap na sa internasyonal na pakikipagtalastasan (pizza sa pitsa, fax sa paks); salitang pang-agham at teknikal (quota sa kowta, coño sa konyo); at simbolong pang-agham (Cu sa tanso, Fe sa iron).

Sa huling bahagi naman mababasa ang kabuuang gabay sa paggamit ng Alpabetong Filipino. Kalakip nito ang Kautusang Pangkagawaran Blg. 45, s. 2001 na naglalayon sa paggamit ng 2001 Revisyon ng Alfabeto at Patnubay sa Ispeling ng Wikang Filipino bilang gabay sa pagtuturo, pagsulat ng teksbuk, at korespondensiyang opisyal sa mga tanggapan at pamantasan.

Inaasahan ng Komisyon, sa tulong ng librong ito, ang pagpapatibay ng buong sistemang ortograpiko o iisang batayan sa paggamit ng wikang Filipino. Makakatulong din ito upang malabanan ang kakulangan ng isang standard na sistema ng pagsulat lalo na’t itinuturing ang Filipino bilang isang basag na wika na ipinapakita sa variant o pagkakaiba-iba ng mga ispeling at terminong isinusulat sa mga pahina ng pahayagan, aklat, at iba pang nakalimbag na babasahin, gayundin sa mga obra ng mga awtor, guro, at estudyante sa kanilang pang-araw-araw na gamit at pag-aaral ng wikang Filipino sa loob at sa labas ng klase.

READ
Thomasian debaters excel

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.